Chapter 12 : "Ang Pagkikita-Kita"

147 4 1
                                    

      HINAWI ng matanda si Cocoi para makaiwas sa pagsugod ng Aswang. Hanggang sa tumalon nga ang nilalang papunta kay Tino na nakaamba ang matutulis nitong mga kuko.

      Hindi natinag si Tino sa nilalang na iyon na sinalubong niya nang isang malakas na suntok mula sa kanang kamao, na dumeretso sa mukha ng Aswang: sa lakas nang suntok ng matanda ay tumalsik ang Aswang at tumama sa pader na nagdulot ng panandaliang pagyanig ng bahay at nag-iwan ng malaking bitak sa pader kung saan tumama ang Aswang.

      Gulat na gulat at hindi makapaniwala si Cocoi sa kanyang mga nakikita. Nakaupo na lamang siya sa isang tabi sa likod ng mahabang sofa.

      Nagulat din at nakaramdam ng takot ang lima pang Aswang pagbaba nila ng hagdan dahil bumungad sa kanila si Tino. Bigla na lamang umungol ang mga ito ng sabay-sabay nang napakalakas na parabang nagtatawag ng kasama.

      Napatakip ng tenga si Cocoi pagkarinig niya sa ungol ng mga nilalang na nakakakilabot pakinggan lalo na't sabay-sabay ang mga ito. Ganun din ang pamilya ni Dan na nasa loob parin ng kuwarto, napatakip din ng tenga ang mga ito at nag-iiyakan narin ang dalawang bata dahil sa takot. Samantalang ang matandang si Tino ay nakatitig lamang sa lima na animoy walang epekto sa kanya ang pag-ungol ng mga ito.

      Sa di-kalayuan narinig din ng grupo ni Dumagat ang malakas na ungol na gawa ng limang Aswang. Magkakaiba man ang kanilang kinaroroonan sa iisang direksiyon lang sila napatingin ng marinig nila iyon.

      Samantala ilang grupo ng mga Aswang na walang suot pang itaas ang patungo sa bahay nila Cocoi, may mga naglalakad pero mas marami ang tumatakbo patungo roon. Lahat ng papunta sa bahay nila Cocoi ay ang mga nakarinig sa malakas na pag-ungol ng limang Aswang.

      "Wala kanang kawala Tino, dito kana mamamatay kagaya ng ginawa namin sa kaibigan mong si Damagon." ani ng isang Aswang matapos nitong umungol.

      "Ganun ba. E'di simulan na natin para masaya." wika naman ng matanda sabay hakbang paatras, palabas ng bahay. Ngunit hindi niya inaalis ang tingin sa mga Aswang na nasa harapan. "Coi, paglumabas ang limang 'yan, umakyat ka at tawagin mo sila Dan at tumakas na kayo." bilin ng matanda kay Cocoi. Tumango naman si Cocoi bilang tugon.

      Nang lumabas na si Tino ay agad naring lumabas ang limang Aswang na hindi pinansin si Cocoi; kaagad namang sumugod ang mga nilalang sa matanda pagkalabas nila sa bahay.

      Tumalon si Tino paatras para makaiwas sa lima pero agad din siyang sumugod at nagpakawala ng isang malakas na suntok mula sa kanang kamao na dumeretso sa mukha ng isang Aswang, dahilan ng pagtalsik nito na hindi na nagawa pang bangon sa lakas ng suntok ni Tino.

      Napaatras naman ang apat pang natitira sa biglaang pag-atake ni Tino.

      "Hindi natin siya kakayanin kung tayong apat lang, hintayin muna natin dumating ang mga kasama natin." bulong ng isang Aswang sa kanyang mga kasama.

      Bumangon naman si Cocoi mula sa pagkakaupo na hindi parin makapaniwala sa kanyang mga nasasaksihan. Umakyat siya ng hagdan at dumeretso sa kuwarto nila Dan pero hindi niya rin nabuksan ang pinto dahil nakaharang parin ang higaang itinaob ni Dan.

      "Tito, ako 'to. Lumabas na kayo diyan bilis!" sigaw ni Cocoi na sunod-sunod ang katok sa pinto.

      Mabilis namang hinila ni Dan ang papag na hinarang niya sa pinto kasabay nang pagbukas ni Cocoi; unang tumakbo ang batang si Reymond na nanginginig pa sa takot at kumapit ng napakahigpit sa damit ni Cocoi; sunod na lumabas ay ang asawa ni Dan na karga-karga pa ang bunsong anak na ayaw tumigil sa pag-iyak; huli namang lumabas si Dan na hawak ang isang buntot-pagi sa kanang kamay. Siya ang huling lumabas pero siya ang naunang bumaba ng hagdan habang nasa likod niya ang asawa na karga si Richmond, at nasa likod naman nila si Cocoi na pasan-lasan si Reymond.

PantasTIKBALANGTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon