Dapit-hapon, kung kailan ay lantaran nang naglalaban sa malawak na kalangitan ang liwanag at kadiliman, kita-kita pa rin ang pag-angkin nito sa pinaghalong kulay lila, krema, at kahel na mga ulap.
Ngunit, wala talaga roon ang aking buong atensiyon, kundi sa isang pigura, na hindi naman kalayuan sa aking puwesto. Isang babaeng nakadamit ng itim, na siyang bukod-tangi naiiba sa tanang babae na nakakasalamuha ko sa araw-araw. Palagi ko siyang nakikita sa tuwing napapadaan ako sa pang-limang eskinita magmula sa eskuwelahang pinapasukan ko.
Nasa likuran niya ako, limang talampakan lamang ang distansiya niya sa akin. Katabi niya ang isang mama na hindi nalalayo sa kuwarenta anyos. Nasa kanang tagiliran naman niya ang anim na taong gulang na batang sa kaniya rin nakatitig. Subalit, wala man lang itong pakialam sa bawat hinuha ng mga kapwa-tao na narito. Pare-pareho kaming lahat na naghihintay na tumigil ang mga sasakyan, upang makarating na sa kabilang dako ng kalye. Ngunit sa mga oras na ito, sa kaniya lamang nakatuon ang pokus ng lahat.
Kasi nga, naiiba siya.
Kahit ako, hindi ko mapigilang hindi siya titingnan na may bahagya pang pagkunot sa aking noo.
Mayroon akong matitinding tatlong dahilan kung bakit naaasiwa ako sa babaeng tinitingnan ko sa mga oras na ito.
Una, nakakatakot siyang pagmasdan, kasama na rito kung paano siya manamit.
Pangalawa, wala akong makita sa kaniya kundi kadiliman. Wala ng iba. Kadiliman lang.
At pangatlo, sa buong lugar na ito, kilala na siya sa isang bansag na kahit kailan ay walang magnanais na matawag nang ganoon - isang mangkukulam.
BINABASA MO ANG
Ang Mangkukulam ni Rue
Mystery / ThrillerSa magkakaibigan, si Rue lamang ang wala pang nobya. Walang nakakaalam kung ano'ng tipo niyang babae. Wala rin namang nangahas na tanungin iyon dahil sa lahat ng magkakaibigan, siya ang pinakatahimik at medyo may pagkamisteryoso rin. Nagsimula ang...