II

534 18 0
                                    

Chapter 2: Ang Mangkukulam
Part One

TAMA nga ba ang maituturing kung ang mga nangyayaring ay ibinubunton sa taong wala namang kasiguraduhan kung siya nga ba ang puno't-dulo?

Napahinto ako sa aking paglalakad sa pasilyo ng aming unibersidad. Medyo nanginginig pa rin ang aking pakiramdam dulot ng trangkaso.

Tatlong araw na simula nang nangyaring pagkikita namin ng tinaguriang mangkukulam. At ngayon, sariwa pa rin ang kaniyang mga huling salita, na kinakain na yata ang malawak kong kaisipan. Pagkatapos no'n, natagpuan ko rin si James na nag-iiyak sa gilid ng Manila Bay dahil sa kabiguan ng pag-ibig. Tatlong araw na rin akong nahuhuli sa klase dahil hindi ko kayang matulog nang tahimik. Pakiramdam ko, may kung ano'ng sumasakal sa akin sa tuwing humihiga na ako sa kama. At isa pa, tatlong araw na rin akong hinahanap ng tropa. Paano ba naman kasi, nasira ang sasakyan ni Yohan pagkatapos no'n. Diyahe na naman ako sa pakboy na 'yon. 

At doon... doon napako ang lahat habang nakangiti ako ng pagak. Isang buwan pa lang ang nakakalipas simula nang nalaman ko ang katotohanan. Masakit pala na para bang nasuntok ako nang hindi pumapalag. Walang kalaban-laban sa buhay, ngayon lang din pumapasok sa utak ko kung bakit ni minsan ay hindi ako minahal ng aking tinuturing na ama.

Isa lamang pala akong anak sa labas ng aking ina...

Ang sarap magmura ng malutong. Ang sarap ding ibaling ang lahat ng sakit sa isang bagay o tao na pwedeng ibunton ang lahat ng sama ng loob ko sa buhay. Minsan, may mga bagay na kahit ano'ng plitin nating gawing maayos, lalabas at lalabas ang mga dahilan kung bakit mas ginusto ng taong maging pariwara na lang.

"Rue Jimenez!" Isang tawag ang pumukaw nang nagimbal kong kaisipan. Napalingon ako sa aking likuran at tumambad sa akin ang maasim na pagmumukha ni Yohan. Kahit paano ay nagmukha siyang tao sa kaniyang disenteng uniporme, maliban nga lang sa kaniyang patusok-tusok na buhok na may highlights pang kulay dilaw, at dalawang hikaw na nakalagay sa kaniyang kaliwang tainga. "Takte ka Rue! Nang-iwan ka naman, e! Hindi ka naman sumulpot sa apartment nila Nato! Hinahanap ka pa naman namin. Isa pa, may kasalanan ko pa sa 'kin, gago!" 

Alam ko ang ibig niyang sabihin kahit hindi pa man ako nagtatanong. O kahit nga hindi ko pa babasahin ang mga mensahe sa cellphone ko. Ilang araw ko na rin kasi iyong hindi binubuksan. Inuman na naman. Ang walang kasawaang inuman. 

"Babayarin din kita sa damages ng kotse mo, Yo." 

Hanggang ngayon, hindi pa rin ibinibigay ng aking amain ang weekly allowance ko. Pero, hindi na nila 'yan kailangan pang alamin 'yan. 

"Hindi mo inalagaan ang baby ko!" Singhal no'ng isa. Mas inuna pa talaga ang kalagayan ng kotse niya kaysa sa kalusugan ko. "Babayaran ko nga. Ibigay mo sa 'kin ang resibo ng repair ng kotse mo? Akala mo naman super damage na 'yang sasakyan mo. E kaunting gasgas lang naman 'yan sa may likod."

Isa pa, may car insurance din 'yan.

Kung papatulan ko ang isang 'to, para na rin akong pumatol ng pasyenteng kakalabas lang ng mental. 

"Oh siya, siya pakyu! Ayaw mo lang talagang magpatalo, e. Tara na. Walwal na tayo. Sagot ko na ang  alak."

"Busy ako," pagsisinungaling ko, habang naglalakad na naman sa pasilyo. 

Kung tutuusin, madaling sabihin na nagkasakit ako. Pero, may mga bagay na hindi na kailangan pang sabihin para pakitaan ng awa o bigyan ng excuse sa isang simpatya.

Sumabay na rin siya sa aking paglalakad. "Busy saan? Wala ka namang natitipuang chicks, p're. Bulakbol ka rin naman sa klase. Magsinungaling ka na lang sa propesor nating panot. Huwag ako."

At tiyempo nga namang pagliko namin ay nandoon din ang propesor na tinutukoy niya, si G. Mendez, na halatang nakakalbo na sa sobrang stress at para pang nilalagyan pa ng wax ang anit niyang makintab.

Hindi ako nakakibo kaagad nang tinignan niya kaming dalawa ni Yosef nang ubod ng seryoso. "Himala at pumasok ka pa, Mr. Jimenez," aniya habang patingin-tingin sa kaniyang relong kulay ginto. "At ikaw naman, Mr. Brent," dagdag niya habang nakatingin kay Yohan na namumutla. "Pag-igihan mo pa 'yang ang ginagawa mo. At bibigyan kita ng malaki na grade."

"Talaga, Sir?" pangiting tanong ni Yohan.

"Oo! Bibigyan kita ng grade na singko. Mas malaking numero 'yon kaysa sa uno."

"Sir, naman!" Napakamot si Yohan nang wala sa oras, samantalang nagpatuloy na naman ako sa paglalakad. Bahala na ang isang 'yan kay sir.

"Pag-igihan mo pang mag-cutting classes at hindi pagsipot sa quizzes na ginagawa ko. At tiyak, magsasaya ang mga baboy." Naririnig ko pa rin ang boses nilang dalawa na umaalingawngaw sa pasilyo.

"Bakit, Sir?"

"Dahil kasama ka na nilang makikita sa kangkungan."

Napailing-iling na lang ako kahit na paunti-unti ay humihina na ang boses nilang dalawa sa aking pandinig. Napahapo pa ako sa aking mukha na parang ang bigat-bigat ng pakiramdam ko ngayon. Pagod ang nadarama ko sa aking katawan kahit na ilang araw din akong nakaratay sa higaan. Mabuti na lang at hindi pa ako napatay ni James sa kung anu-anong gamot ang pinainom niya sa akin. Minsan, sa sobrang tapang at pangit na lasa ng mga 'yon ay inakala ko talagang lason.

Hanep din 'yong kapatid ko kung mag-alaga nang todo. Kung anu-ano na lang ang ginagawa no'n sa 'kin kahit wala naman alam patungkol ro'n. Himala na lang talaga at hindi ako natigok sa mga iniinom kong gamot.

Huminto na naman ako sa aking paglalakad nang kaagad kong napansin ang pagkumpol-kumpulan ng mga estudyante sa gilid ng pasilyo. Nasa second floor ako ngayon at tila ba'y nakapako ang kanilang atensiyon mula sa ibaba. Alas otso pa lang ng umaga at masyadong maaga pa ang oras na 'to kung may gagawa man ng eksena.

Dala na rin siguro ng kuryosidad, parang gusto ko ring makita kung anuman ang pinag-aaksayan nila ng oras sa baba. At habang papalapit ako nang papalapit sa gawi ng mga tsismo't-tsismosa, paunti-unti ay naririnig ko na rin ang kani-kanilang mga bulong-bulungan.

"Mamalasin ang unibersidad na ito," sambit no'ng isang estudyanteng hanggang dibdib ko lamang at kausap ang medyo payat din na babaeng katabi niya. "Dapat hindi na nila pinapayagan pang mag-enrol ang isang 'yan dito. Grabe. Parang ayaw ko nang pumasok pa at makita ang isang 'yan sa araw-araw. Nakakakilabot. Para tayong naglagay ng sariling virus sa system. Magigising na lang tayo at corrupted na ang lahat ng data."

Hinuha ko ay kapwa sila mga I.T students dahil sa kung paano ang mga ito manalita, na mabilis din namang sinang-ayunan ng isa.

"Balita ko, medisina ang kursong kinukuha ng isang  'yan. Hindi bagay, Walang mangkukulam na doktor. Papatayin lang niya ang mga pasyente niya kung magkataon."

"Kung ako ang magiging pasyente niyan, hinding-hindi ako papayag na reresitahan ako ng isang 'yan ng gamot. Mamatay na ako kung mamatay, basta huwag lang siyang makalapit-lapit sa akin." Sinabayan pa niyo ng pandidiri sa babaeng pinagmamasdan ng lahat.

Napatingin na rin ako sa baba, at doon ay muli ko na naman siyang nakita. Katulad ng iba, gano'n din ang naging reaksiyon ko nang masilayan ko siya. Para siyang naliligaw sa liwanag dahil purong itim na naman ang kaniyang kasuotan. Nakapalda siya na hindi naman lalampas sa kaniyang mga tuhod. Medyo magulo rin ang kaniyang buhok na sumasabay sa hangin.Tahimik na nakaupo sa isang mallit na bench, kaharap sa Administration Office. Ramdam ko ang presensiya niyang nakkikiramdam din sa mga tao. Wala ni isang bakas sa kaniyang mukha ang takot at pagkabalisa. Naro'n siya, hawak-hawak ang isang kapirasong papel at isang mallit na backpack na hugis bungo. Kahit ang laso na nakalagay sa kaniyang buhok na hindi lalampas sa balikat ay hugis pula; kasingkulay at kasingtingkad ng kulay sa dugo.

Alam ko ring may malay siya na pinagmamasdan ng lahat, ngunit hindi naman niya ito ginagawang malaking isyu. Para siyang may sariling mundo. Iyong tipong mundo na kahit sino ay walang mangangahas na papasukin 'yon. Iyong tipong tititigan pa lang siya ay tatayo na ang mga balahibo nila sa katawan. Iyong tipo ng mundo na tanging siya lang ang may alam.

Sa isang iglap, pumasok kaagad ang nangyari nitong nagdaang araw. Kung saan ay nakita ko ang isang bagay na hindi pa nakikita ng lahat.

Ang kaniyang mga luha...

Ang Mangkukulam ni RueTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon