vi

345 12 4
                                    

VI. Part Two

Hindi ko alam ang mga nangyayari habang binabaybay naming dalawa ang daanang minsan nang naging pamilyar sa akin -- kung saan kami unang nagkatagpo. Taranta akong nagmamaneho dahil sa pagwawala ng kasama ko.

"Sino iyong humahabol sa 'yo?" tanong ko, habang nakatingin sa aking harapan.

"H-Hindi ko alam. Kailangan ko nang umuwi. Bilisan mo pa!"

"Naririnig mo ba ako?" iritable ko pang bulyaw. Mabilis na nga ang pagkakatagpo ko sa kotse. Lampas 120kph na. Pero, di pa rin niya sinasagot ang aking tanong.

Habang nagmamaneho, ginamit ko ang kanan kong kamay upang kapain ang aking cellphone sa bulsa ng aking pantalon. At nang makuha ko na iyon, walang lingunan kong binigay ang iphone7 sa kaniya.

"Bilis! Tumawag ka na ng pulis! Ngayon na!" Hindi ko pa talaga alam ang mga nangyayari, subalit iisa lang ang alam ko. Nanganganib ang buhay ng babaeng ito.

Mabuti na lang at sumunod ang mangkukulam sa aking inutos at ginamit ang cellphone ko sa pagtawag ng mga pulis. Hindi naman din kalayuan ang kanilang bahay sa lugar kung saan kami nagkita kanina. Nanginginig pa rin ang kaniyang buong katawan habang mangiyak-ngiyak na rin sa labis na pag-aalala.

Ngayon ko lang napansin na nakayapak lamang siya. Halatang tumakas lamang ito sa kung sinuman ang humahabol sa kaniya. Buhaghag ang kaniyang mahabang buhok. Mugto ang kaniyang mga mata sa kakaiyak. Pakiramdam ko ay nag-aalala ako ng walang dahilan.

"Magiging maayos din ang lahat," tugon ko. Hindi ko alam kung bakit ko iyon nasambit na lang nang hindi nag-iisip, lalo na sa tulad kong wala rin naman sa kaayusan.

Sa hindi mapaliwanag na pagkakataon, nakita ko na lamang ang aking kanang kamay na nakadampi sa kaniya. Mainit ang akin ngunit dinaig pa ang yelo sa sobrang lamig ang kaniyang mga kamay. Mabilis lang, ngunit nagtama pa rin ang aming mga mata. At sa saglit na katangahan, mistula may kung anong bultahe ng kuryente ang pumapasok sa aking katawan.

Kaagad kong kinuha ang aking kamay at binalik sa manibela, na para bang walang nangyari at wala iyong epekto sa akin. Taena. Parang gusto kong mapamura sa katotohanang kusa kong hinawakan ang kaniyang mga kamay.

"D-Diyan!" aniya, sabay turo ng direksiyon. Gusto ko siyang lingunin, subalit mas pinili ko na lang na manatili ng tingin sa direksiyon na kaniyang sinasabi. "Sa may maliit na puno ng mangga, kumaliwa ka na."

At sinunod ko naman.

Napanuntong-hininga pa ako sa pag-iisip na wala man lang din itong reaksiyon sa aking kapangahasan. Bato nga. Ganoon na ganoon ang puso niya.

"Ihinto mo na ang sasakyan!" sigaw ng mangkukulam, na siyang nagpabalik ng aking kaisipan sa reyalidad.

Dali-dali kong pinatay ang makina habang siya naman ay mabilis na nakapagbukas ng pinto. Akma pa sana siyang bababa, subalit kaagad ko rin nahablot ang kaniyang kamay. Napatigil siya at napatingin sa akin.

"Sandali! Huwag ka munang magpadalos-dalos!"

"Ano ba ang gusto mo? Tutunganga na lang ako rito?"

"Teka!" bulyaw ko, habang pinipigilan ko naman siya nang mapansin kong bumabalikwas siya sa aking pagkakahawak. "Ako ang mauuna! Babae ka. Lalaki ako. Dito ka lang sa kotse. Ako ang papasok sa bahay niyo."

Katangahan ngang maituturing ang katulad kong bayani kunwari.

"Buang!" Nanlilisik ang kaniyang mga mata na nakatitig sa akin. "Nanay ko ang nasa loob ng bahay! Huwag mo ako diktahan!"

Natameme ako! Nauubusan na kami ng oras habang nagbubulyawan kaming dalawa rito.

"Hindi sa ganoon."

"Bitiwan mo na nga ako!"

Imbes na makinig, mas lalo ko lang hinawakan nang mahigpit ang kaniyang kamay. Manhid ba siya? Ganito na ba siya ka manhid na hindi niya maramdaman ang gusto kong sabihin?

Anak ng tokwa! Gusto ko lang siyang maging ligtas. Mahirap ba iyon intindihin?

"Sinabi ng ako nga muna ang papasok sa loob! Huwag nang matigas ang ulo!"

Napatigil siya nang mapansin ang bahadyang pagtaas ng aking boses.

Muling nagtama ang aming mga mata. Ang kaninang matigas ang titig ay tuluyan na namang lumambot ang humihikbi. Dumaloy ang mga likido sa kaniyang pisngi at pakiramdam ko'y natutunaw ako . . . at gusto ko siyang kabigin at ikulong sa aking mga braso. Patahanin. Pakalmahin.

Isa na akong hibang.

Napailing-iling ako sa aking sarili at nagpokus na lang sa sitwasyon. Kailangan lang ng mangkukulam ng tulong. Kailangan lang niya simpatya kaya nagkakaganito ako, at wala ng iba.

"Please, kanina pa tayo nag-uusap dito. Sinasayang natin ang oras. Alam ko ang pinupunto mo. Pero sana, intindihin mo rin kung bakit. Dito ka lang sa kotse. Babalik din ako kaagad. Kukunin ko ang nanay mo. Huwag ka nang mag-alala."

Muli siyang napatigil at napaupo sa passenger's seat. Isa pang sulyap sa kaniyang maputlang mukha, at saka niya ako tinanguhan. Para akong nabunutan ng tinik sa kaniyang pagsang-ayon. At ngayon ko lang napansin, bakit ko lang napansin?

Na kay amo ng kaniyang mukha habang nakabestida lamang ng itim?

****

Hindi naman malayo ang kaniyang bahay sa pinaka-main highway. Madadaanan pa ang kakahuyan, saka matanaw ang malaki, ngunit sira-sirang bahay -- o mas magandang sabihing isang abandonadong gusali na hindi pa natatapos. Hanggang sa ikalawang palapag lamang ito at halata ring hindi gumagamit ng kuryente.

Mistula akong hibang na nagdadalawang isip na humakbang ng isa pa papaharap. Nagdadalawang-isip pa akong pasukin ang isang lugar na talagang nakakapanindig balahibo. Bahay nga ba ito? Dito nga ba siya nakatira? O baka naman isa lamang itong patibong para ako'y kaniyang mabibiktima?

Napahapo ako ng mukha.

Tanging ilaw lang na naggagaling sa aking cellphone ang siyang nagbibigay liwanag. Pabilis nang pabilis ang pintig ng aking puso. Kulang na lang ay lumuwa ito sa aking dibdib.

Bago muling humakbang, lumingon muna ako sa aking kotse sa hindi kalayuan. Kung totoo ang sinasabi ng mangkukulam, dapat ay hindi na ako magdadalawang-isip. May kailangan ng tulong. May taong nasa bingit ng kamatayan.

Pero, sino nga ba rito ang nasa peligro?

Ang dami kong tanong sa sarili kaya minabuti ko na lang na dahan-dahang lumapit sa pinakaawang ng pinto. Hindi iyon nakasara. At nang walang ingay ko iyong tinutulak gamit ang aking nanginginig na kamay.

Unang bumungad sa akin ang kakarampot na liwanag na nanggagaling sa maliit na kandila, na nakalagay sa maliit at bilugang mesa, na malapit na ring maupos.

Katabi ng mesa ay isang babaeng pigurang nakasuot ng itim. Natakluban ang mukha nito subalit kitang-kita sa liwanag ang mga braso at kamay nitong kulu-kulubot, may kung anong mga butlig at bilog-bilog pa sa balat. Para akong masuka nang mapansing may kung anong nana pa ang ilan sa mga ito.

Nanlaki ang aking mga mata. Pakiramdam ko ay pumasok nga ako sa lungga ng isang mangkukulam -- mga mangkukulam.

Ito ba ang kaniyang sinasabing ina o niloloko lang ako ng babaeng iyon? Nasa bingit nga ba ng kamatayan o ako?

Gusto kong umatras. Pakiramdam ko ay may mali. At bago pa man ako makapaglakad pabalik, nando'n na ang isa pa na nakatayo sa aking likuran. At saka ko lang din napansin ang kutsilyong hawak-hawak niya sa kaniya mga kamay. Nagtama ang aming mga mata, subalit hindi ko kayang basahin kung anuman ang nasa utak nito.

Isang patibong.
Nahulog ako sa isang patibong.

Ang Mangkukulam ni RueTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon