Ang Mangkukulam ni Rue
Chapter IV
"Ano na ang nangyayari?" pagtataka kong tanong. Mabilis akong bumalikwas at nagpasipat-sipat pa sa aking katawan – kung buo pa ba o pinagpira-piraso na. May paa pa naman ako. Mayroon pa naman kamay. At malamang sa malamang, mayroon pa akong ulo.
Buo pa.
At mayroon na rin akong damit.
Napatigil ako.
Napaisip.
Anak ng tokwa!
Panigurado, nakita na naman niya ang kahubdan ko!
"Sabihin mo sa akin, may powers ka ba na kayang maglagay ng damit sa katawan ko nang hindi ginagamitan ng kamay?"
Inirapan lang niya ako, sabay tumalikod na.
Wala na iyong gloves sa kaniyang kamay. Hindi na rin siya nakadamit ng uniporme ng nars. At bumalik na naman sa dati nitong kasuotan na bestida na kulay itim. Nakapuyod ang mahaba niyang buhok at doon ko lang napansin na ang ganda pala ng kaniyang mga mata – medyo malalaki at bilugan.
"Huwag ka nang mag-inarte pa r'yan." Napansin niya siguro na nakatitig ako sa kaniyang mga mata kaya kaagad din siyang nag-iwas ng tingin at umupo sa bakanteng upuan na malapit sa may pinto. "Ginamot na nga kita. Ang dami mo pang satsat."
Bumangon ako sa pagkakahiga at umupo sa may gilid ng kama. Kataka-taka na parang naglaho ang sakit ko. Nilapat ko pa ang aking palad sa noo ko para makasigurado, at wala na rin akong lagnat. Tiningnan ko siyang nakayuko sa may mesa. Nagbabasa. Malayo ang iniisip. Kapansin-pansin ang kaniyang seryosong mukha na hindi yata kayang ngumiti kahit isang beses lang.
"Ayokong magpakampante. Mahirap na. Baka nilason mo na pala ako tapos mabagal lang ang epekto."
Tinititigan niya ako ng masama, sabay hinagis ang maliit na bote papaunta sa akin. Mabuti na lang at nasalo ko 'yon, bago pa nasalo ng mukha ko. "Hindi ko kailangan ng pasasalamat mo."
Binuksan ko ang aking palad at tinangnan nang mabui ang maliit na bote na 'yon. May salita itong nakasulat sa masking tape na nakapalibot sa bote. Sinulatan ng pulang pentel pen, nanlaki pa ang mga mata ko nang mabasa iyon.
"LASON"
"Magbilang ka ng oras. Tapos tigok ka na," sarkastiko pa niyang sabi. "Puwede ka nang lumayas sa clinic."
Alam kong biro lang iyon, pero ang sama ng biro ito. "Kapag ako mamamatay, mumultuhin kita."
"Oo, tapos gagamitin ko ang kaluluwa mo para maging mas malakas ako. Kakainin ko at maging alay ni Satanas."
Kapansin-pansin na sinasakyan niya talaga ang mga banat ko, na mas lalong nakakainis. "Ganiyan ka ba talaga?"
"Na ano?" tugon niya. 'Sinabi ko lang ang mga salitang nais niyong sabihin ko."
Babanat pa sana ako nang bigla na lang naming narinig ang sunod-sunod na katok sa pinto.
"Ano ang ginagawa niyo diyang dalawa? Bakit 'to naka-lock? Marione? Ano ang nangyayari? Buksan mo ang pinto, kundi mawawalan ka ng scholarship sa eskwelahan ito!" pananakot ng isang babae sa kabilang pinto. Kaagad kong napansin ang pamumutla ng mukha ng babaeng mangkukulam habang nanginginig ang kaniyang mga kamay sa mesa. Natatakot siya. Sa unang pagkakatapon, nararamdaman ko ang iba pa niyang emosyon.
Natatakot siyang mawalan ng scholarship?
"Kung hindi mo 'to bubuksan, kami ang magbubukas ng pintong 'to!" sigaw ng isa pang boses na nasa labas. Mukhang madami silang nakaabang do'n.

BINABASA MO ANG
Ang Mangkukulam ni Rue
Mystery / ThrillerSa magkakaibigan, si Rue lamang ang wala pang nobya. Walang nakakaalam kung ano'ng tipo niyang babae. Wala rin namang nangahas na tanungin iyon dahil sa lahat ng magkakaibigan, siya ang pinakatahimik at medyo may pagkamisteryoso rin. Nagsimula ang...