Nakapatay ba ako?
Iyon ang unang sumagi sa aking isipan. Alam kong may nabundol ako. Dahil sa sobrang dilim, at wala man lang akong nakikitang streetlights sa kalsadang ito, hindi ko na mawari kung ano iyon. Kung kailan ako nagmamadali, saka naman nagkapalpak ang lahat. Hindi ko pa alam kung nasaan ang kapatid ko, at mas lalong hindi ko rin alam kung ano ang pumasok sa utak at huminto pa talaga ako sa liblib na daanan. Marahil, nakokonsensiya ako. Gano'n na lang siguro iyon. Nakokonsensiya lang ako. Dahil hindi naman ako mabait. Gago rin ako katulad nila Yohan.
Halos dinig na dinig ko na ang bawat pagpintig ng puso ko sa sobrang kaba. Nakakabingi iyon na taliwas naman sa buong kapaligiran - napakatahimik. Taena! Hindi naman ako nagdudroga pero mas high pa yata 'to kaysa sa alak na tinubig ko lang kanina. Nakakabaliw ang sensasyon - pinaghalong gulantang at takot. Ang pinaka-ayaw ko ay ang mapunta ako sa isang sitwasyon na hindi ko alam ang gagawin.
Palinga-linga pa ako sa buong paligid kung may nakakita ba sa akin sa lugar na 'to. Sana naman ay wala. Ayaw ko pang makulong. Ayaw ko pang makapatay. Kung anu-ano na ang pumapasok sa isipan ko kahit na hindi ko pa naman nasisiguro kung ano iyong nabunggo ko. Napahapo pa ako sa mukha nang mapagtantong hind ko na alam ang unang iisipin ko gagawin.
Pinatay ko muna ang makina ng kotse, at saka ko tuluyang binuksan ang pintuan nito. Malamig ang hangin na dumadampi sa aking balat. At pagkatapak ko pa sa lupang medyo maputik - dahil katatapos lang ng pag-ulan - ay parang ang lakas yata ng tunog ng yapak ng paa ko. Umaalingawngaw iyong. Parang iyon lamang ang bukod-tanging ingay na mayroon sa daanan - maliban sa huni ng mga palakang tila ba'y nagsasaya naman sa pagbuhos ng ulan kanina.
Kahit ano'ng mangyari ay kailangan kong lakasan ang aking loob at harapin ang takot na namumuo sa puso ko. Ang sarap magmura sa ginawa kong katangahan, ngunit, na'ndito na ako. Ang kailangan ko lang gawin ay sikaping huwag manlambot sa oras na malalaman kong tao pala ang nabundol ko.
Syet. Huwag naman sana. Kaka-dise-otso ko pa lang para makulong.
Inihakbang ko ang aking mga paa papunta sa bandang likuran ng kotse. Parang ayokong yumuko at tingnan ang kung ano ang nasa ilalim. Nanaig ang takot ko. Pakiramdam ko, para akong baklang nagtatago sa itay nilang may bitbit na pamalo. Mas lalo lamang akong nilalamig sa sobrang pagkataranta. Mas lalo ko lamang napansin na nanginginig na pala ang mga kamay ko sa pinaghalong tensiyon at takot.
Kailangan ko talagang lakasan ang loob ko. Kahit na ano'ng mangyari ngayong gabi, dapat ay paninindigan ko iyon. Kasalanan ko. Katangahan ko. Walang ibang sisisihin kundi ako.
Napasandal muna ako sa kotse. Naghahanap ng lakas ng loob. At nang tuluyan ko nang tiningnan ang nabundol ko, samu't-saring emosyon ang naramdaman ko pagkatapos. Sa unang beses, nakahinga rin ako nang maluwag. Hindi tao ang naroon. Masuwerte na lang ang isang malas na katulad ko. Pusa lang pala. Isang itim na pusa lang ang nandoon sa may bandang likuran ng sasakyan. Sa anyo nitong nakahandusay na lamang sa kalye at duguan ang bandang uluhan nito ay nakasisiguro akong wala na itong buhay.
"Figuro!" Isang malakas na tinig ang nagpagimbal sa akin nang husto. "Figuro!" pagsisigaw niya mula sa malayo. Napasulyap ako sa dalagang limang metro lamang ang agwat naming dalawa.
Nakatayo siya sa lilim ng isang puno ng Baliteng pinagtibay pa yata ng mga taon. Wala akong maaninag sa kaniyang mukha. Ngunit, hindi ko gusto ang ayos niyang naka-kulay itim na kasuotan, mula ulo hanggang paa. Halos tumayo pa ang mga balahibo ko nang mapagtanto kong nakatingin din siya sa pusang wala ang buhay. Sumisigaw pa rin siya. At kahit hindi ko nakikita ang kaniyang mukha, alam kong umiiyak ang babaeng ito. Basag na basag ang kaniyang boses at halatang nagluluksa.
Syet.
Doon ko nalamang hindi pala ito pusakal. Para akong nawalan ng dugo sa mukha nang dahil alam kung napatay ko ang kaniyang alaga. Sigurado ako, kaniya ang pusang nabundol ko.
Wala akong magawa kundi tingnan siyang tumatakbo papalapit sa puwesto ko. Paulit-ulit niyang isinisigaw ang pangalan nitong 'Figuro'. At wala akong magawa habang niyayakap na lamang niyang bigla ang pusang wala ng buhay. Humihiyaw, pakiramdam ko ay nakokonsensiya ako sa nangyari. At kahit aksidente ang lahat, alam kong malaki pa rin ang kasalanan ko.
Hindi ko sinadya. Gusto kong sabihin na hindi ko sinadyang patayin ang alaga niya.
Pagkatapos nitong umiyak nang todo habang wala nang pakialam na kumakapit na pala ang preskong dugo ng pusa sa damit at balat nito, sa unang pagkakataon, napalingon siya sa akin.
Nang tumama ang back light ng kotse sa kaniyang mukha, halos hindi ko alam kung ano ang dapat kung gawin. Tumutulo pa rin ang mga luha nito sa kaniyang pisngi. Matatalim ang tingin ang binigay niya sa akin. At ang kaniyang mga mapupungay na matang kulay abo na dati'y walang buhay, ngayon ay may buhay na. Napupuno ang mga ito ng galit para sa akin. Mapupula pa rin ang kaniyang mga labi kagaya nang huli naming pagkikita.Siya pa rin iyon pero alam kong may kakaiba na. Hindi ako makapaniwalang magkikita pa kaming muli at sa ganitong pagkakataon pa. Halos mabiyak ang puso kong nakatingin sa kaniya na durog na durog.
Estranghero lamang ako sa babaeng ito.
"Pinatay mo si Figuro! Pinatay mo!" bulyaw niya sa 'kin. "Magbabayad ka ng mahal!"
"Miss..." Gusto ko siyang pakalmahin ngunit alam kong malabo na iyon mangyari pa, "Maniwala ka. Aksidente lang ang lahat. Hindi ko sinadyang patayin ang alaga mo."
"Sa tingin mo ba, tatanggapin ko 'yang kuwentang paliwanag mo? Sa tingin mo ba maiibsan ang sakit sa isang simpleng dahilan? Ano'ng tingin mo kay Figuro? Isang pusa lang?"
"Miss, pusa lang iyan, at kahit ano'ng gagawin natin, patay na ang alaga mo. Hindi na natin maibabalik pa ang nangyari na. Please, hindi ako nakikipag-away sa 'yo at mas lalong hindi ako masaya sa nagawa ko. I'm sorry."
Pagkatapos ng aking paliwanag, mas lalo lamang siyang nagalit, mas lalo lamang siyang umiyak sa harapan ko. Alam kong mahalaga para sa kaniya ang pusang iyon, pero kahit kailan, hindi ako nag-alaga ng hayop. Wala akong ganiyang emosyon na katulad sa kaniya. Ni minsan, hindi ko hinayaang ma-attach ang sarili ko sa isang hayop.
"Miss, babalikan kita. Promise, babalik ako. Kailangan kong hanapin ang kapatid ko."
Pero, hindi niya ako pinansin. Akay-akay niya ang pusang wala ng hininga sa mga bisig nito.
"Ililibing mo muna si Figuro!"
"Miss, kaya mo na iyan. Maliit na hukay lang ang kailangan diyan. Hindi mo na ako kailangan. Kailangan ako ng kapatid ko."
Imbes na magalit, bigla na lamang siyang tumawa na para bang nasisiraan ng bait - kagaya ng mga sapantaha ng mga tao sa kaniya.
"Sa tingin mo ba ay palalampasin lang kita? Sige! Umalis ka na rito. Ngunit, tatandaan mo ang gabing ito. Sa ayaw mo o gusto, babalikan mo ang lugar na ito nang nakaluhod. Umiiyak. Magmamakaawa. Hahanapin mo ako at ang pusang pinatay mo. Pagsisisihan mo ito, lalaki! Pagsisisihan mo ang kawalan mo ng halaga at respeto sa kapwa. Isinusumpa ko iyan."
BINABASA MO ANG
Ang Mangkukulam ni Rue
Mystery / ThrillerSa magkakaibigan, si Rue lamang ang wala pang nobya. Walang nakakaalam kung ano'ng tipo niyang babae. Wala rin namang nangahas na tanungin iyon dahil sa lahat ng magkakaibigan, siya ang pinakatahimik at medyo may pagkamisteryoso rin. Nagsimula ang...