3.
Nasa tabi ko lang si Noelle buong araw. Pagkatapos ng nangyari kaninang umaga, di na niya nilisan ang tabi ko. Hindi niya binitawan ang kamay ko, kundi, mas hinihigpitan niya pa ang paghawak dito. Umaasa siguro siya na gagalaw ang kamay ko kaya'y gusto niya na siya ang unang makadama ng paggalaw ko.
Hindi ko makita si Noelle. Hindi ko siya kayang makita. Kadiliman lang ang nakikita ko. Ngunit nadarama ko lahat at naririnig ko rin lahat ng nasa paligid ko. Ngunit, iba pa rin kung makita ko ang ngiti ni Noelle. Yun lang ang hinihiling ko, ang makita siyang nakangiti.
"Mike."
Gusto kong sumagot pero hindi ko kaya. Ang kaya kong gawin na lang ngayon ay ang pakinggan siya.
"Naaalala mo pa ba yung araw na una tayong nagkita?"
Bakit ko naman yun makakalimutan? Yun ang araw na lagi kong binabalik-balikan.
"Nagbanggaan nga tayo eh. Tapos sinabi mo na ganun kalakas ang paghila ng puso ko sa puso mo. Isang malutong na sampal ang isinukli ko sa'yo. Kasi naman, di kita kilala nun, tsaka hindi ako sanay na binabanatan ng mga lalake kaya hindi ko alam kung anong gagawin o sasabihin ko."
Nagbanggaan? Sinadya ko yun eh. Nakakatuwa nga yung mukha mo nun, halatang hindi mo alam kung ano ang gagawin mo. Sa kanang pisngi mo nga ako sinampal eh. Sa sobrang lakas nun, namula pa. Hindi ko naman kayang magreklamo sa ginawa mo. Akala ko nga, di mo ako type. Akala ko, wala akong pag-asa sa'yo. Nakakatuwa, yun pala ang rason kung bakit mo ako sinampal.
"Pero alam mo, simula nung araw na yun, di na kita nakalimutan. Yung tipo bang, umaasa ako na magkita ulit tayo sa grocery store, kaya araw-araw akong pumupunta dun. Nagpapasalamat ako at nalaman kong pinsan ka ng best friend ko. Mas napabilis ang paglalapit namin. Nung naging tayo, ako na ang pinakamasayang babae sa mundo."
Simula nung araw na yun, para bang nawalan na ako ng ganang lumabas ng bahay. Lagi na lang akong nakatambay sa condo ko. Para kasing nahiya na ako. Iniisip ko na paano kung magkita ulit tayo, ano naman ang gagawin o sasabihin ko? Kung alam ko lang na yan ang nararamdaman mo noon, eh di sana, hindi ko na hinintay ang paglipas ng isang buwan.
Eh di sana... mas napaaga lahat ng mga pangyayari... sana, wala ako sa sitwasyong ito... sana, wala tayo sa sitwasyong ito.
"Nung makita kitang nakahandusay sa semento at dugu-duguan sa araw ng kasal natin, para bang nasasaksihan ko ang unti-unti paggunaw ng mundo ko. Ang sakit Mike eh. Nandun na tayo pero sadyang ayaw ng tadhana."
Masaya na sana dapat tayo ngayon.
"Bibili lang muna ako ng pagkain Mike ha?"
Kasabay ng pagsara ng pintuan ang pag-agos ng luha ko. Mabuti na ring hindi ako makita ni Noelle na walang malay na lumuluha. Ayokong umasa siya na magigising pa ako. Masakit mang aminin pero maraming pwedeng mangyari.
BINABASA MO ANG
Paalam, Noelle //
Romance[July 11, 2011 - September 12, 2011] Saksihan ang istorya ng pag-iibigan nina Mike at Noelle. Sapat nga ba talaga na mahal niyo ang isa't isa upang mapasunod ang tadhana sa inyong kagustuhan?