CHAPTER 5
Mary's_POV
Nagising ako dahil sa lakas na pagtunog ng cellphone ko. Nakalimutan ko kasing hinaan ang volume nito kagabi. Minsan kasi sini-set ko yung alarm para maaga akong magising.
Bumangon ako at agad na inabot yung phone ko sa maliit na table sa gilid ko. Nag unat muna ko ng kamay at humikab. Gusto ko pang bumalik sa pagkakatulog dahil sa inaantok pa ako.
Napatingin ako sa phone ko. Puro text messages at miss calls yung bumungad sa kin. Hindi ko alam kung sino yung tumawag dahil sa hindi naka-rehistro ang number nito sa phone ko.
Bigla akong kinutuban ng masama. Maraming ideya ang nagrehistro sa utak ko. Ewan ko ba pero pakiramdam ko ay may hindi magandang balita.
Sino to? Bakit tumawag siya sa kin? Anong sadya niya?
Mukhang di naman siya nakikipagbiruan sa 'kin dahil 32 miss calls and 17 messages yung na receive ko sa parehong numero na iyon. Seriously?
Napalunok na lamang ako ng wala sa oras.
Saglit muna akong napatitig rito. Nagbabakasakaling hanapan ng sagot yung mga tanong na tumatakbo sa isip ko.
Naguguluhan ako. Natatakot. Pinipilit ko pa rin ang aking sarili na wag mag-isip ng masama kahit na sa totoo lang ay iyon talaga ang nararamdaman ko.
Kinabahan ako nang pindutin ko yung main screen ng phone pero bago ko pa mapindot muli yung message icon ay muling tumawag yung caller.
"Hello? Ito ba si Mary Santiago?" sabi nung nasa kabilang linya.
Isang may baritonong boses ang nagsalita. Sa tono ng pananalita nito, sa buntong hininga na pinakawalan niya at sa pagtatanong niya ay alam kong may hindi magandang balita ang hatid ito.
"Ah.. opo.. A-ko nga p-po" kinakabahan kong sagot.
Sandali itong natahimik na tila ba'y naghahanap ng magandang timing para sabihin iyon sa 'kin.
"Ba-kit po?" tanong ko nang mapansin kong tumahimik yung nasa kabilang linya.
Nagsimula na kong makaramdam ng takot. Parang awtomatikong nag-function yung buong sistema ko sa katawan. Ramdam ko ang panginginig ng kamay ko at medyo nangingilid na rin yung luha sa magkabila kong mata.
"Iha, ako si Ronald Sebastian. Isa akong police inspector dito sa naturang lugar" pagpapakilala nito. Malinaw kong narinig ang malalim na pagbuntong hininga nito bago muling nagpatuloy sa pagsasalita.
"Ikinalulungkot kong sabihin pero wala na ang mga magulang mo, iha" bigla akong nawalan ng lakas sa katawan nang marinig ko ang sinabi nito. Pakiramdam ko ay huminto saglit ang lahat sa paligid ko. Ayaw mag sink-in sa utak ko ang bawat salita na narinig ko.
"Ho?" mangiyak-ngiyak kong sabi.
"Naaksidente ang kotseng sinasakyan nila eksaktong alas-dose ng hatinggabi. Ayon dito sa nakalap naming imbestigasyon, sumalpok ang kotse na sinasakyan nito at tumama sa puno ng narra. Dahil sa lakas ng impact nito matinding pinsala ang inabot ng mga magulang mo. Malaki ang sugat sa ulo ng papa mo kaya maraming dugo ang nawala sa kanya. Yung Mama mo naman ay tumalsik kaya nagkaroon ng internal bleeding sa ulo nito. Kaagad namin silang sinugod sa ospital pero ikinalulungkot kong sabihin sayo pero DEAD ON ARRIVAL ang mga magulang mo. Sinubukan ka naming kontakin pero di mo agad nasagot. Siguro dahil tulog ka nung mga sandaling iyon. Condolence iha"
Para akong binuhusan ng malamig na yelo sa katawan. Pansin ko ang unti-unting pagdaosdos ng luha sa mga mata ko. Gusto kong gumalaw pero kahit simpleng pagtayo lang ay hindi ko magawa na tila ba'y naparalisa ang katawan ko.
"Sige iha, kung gusto mo pumunta ka rito sa ospital. Hihintayin ka namin dito" sabi nito at agad na binaba ang telepono.
Hindi pwede. Hindi 'to totoo!
Humagulgol na ko sa pag-iyak. Hindi ko pa rin matanggap ang nangyari sa kanila. Pilit kong inisip na panaginip ang lahat pero mas lalo akong nakaramdam ng sakit nang mapagtanto kong totoo ang lahat ng ito.
Napatigil ako sa pag iyak ng maalala ko yung kagabi. Oo. Tama. Nandito sina Mama at Papa. Hinalikan pa nga nila ako sa noo. Buhay sila.
Dali-dali akong tumayo sa kama ko at lumabas ng kwarto. Pagkatapos ay agad na tinungo ang kwarto nila Mama at Papa.
"Ma. Pa?" sigaw ko bago tuluyang binuksan ang pinto.
Napaiyak akong muli nang mapagtanto kong walang tao sa loob. Pumasok na lamang ako sa loob at saglit na nilibot at pinagmasdan ang paligid.
Sarado yung bintana. Yung mga kurtina tinatakpan ang sinag ng araw. Bukas rin yung ilaw ng kwarto. Maayos rin ang pagkakalagay ng kumot at unan sa kama nila. Walang nagbago. Ibig sabihin ay hindi sila nakauwi kagabi.
Napaupo ako sa kama. Kinuha ko yung litrato namin na nasa ibabaw ng maliit na mesa. Hinaplos ko iyon. Sa bawat haplos na ginawa ko muling nag init ang gilid ng magkabila kong mata. Hanggang sa tuluyan na kong humagulgol.
Ma, Pa. Hindi kayo maaaring mawala. Ang sabi niyo ay hindi niyo ako iiwan. Anong gagawin ko ngayong wala na kayo sa 'kin?
Masakit isiping sa isang iglap lang nawala ang dalawang taong mahalaga sa buhay mo. Ang taong nagsilbing mga paa at kamay mo upang mabuhay sa mundo. Higit sa lahat, ang taong pinanggagalingan ng lakas at pag-asa mo ngayon ay tuluyan ng naglaho.
Parang kagabi lang, kausap ko pa si Mama sa telepono. Hindi ko sukat akalaing huling beses na iyon na marinig ang boses niya dahil hinding-hindi ko na ulit maririnig iyon kahit kailan.
Biglang sumagi sa isip ko ang kakaibang nangyari sa kin kagabi. Noong biglang nahulog at nagkalamat yung picture ni Mama at Papa. Yung tungkol sa nakakakilabot na text ni Lola. Yung tungkol sa itim na pusa. Yung sinabi ni manong driver habang nakasakay ako sa tricycle. At higit sa lahat yung tungkol sa sinabi nung matanda sa akin pati na rin ang pagkakaroon ng lamat ng salamin sa kabaong ni Ricka.
Napahawak ako sa baba ko. Hindi maaari. Ibig sabihin ba nito'y may koneksyon ang lahat ng iyon? Ibig sabihin lahat ng iyon ay....
"Sign of D-eath?" bulalas ko.
Imposible. Pero kagabi ramdam na ramdam ko ang paghalik ni Mama at Papa sa noo ko. Nakangiti pa nga sila sa kin.
Nag isip muna ako saglit. Naguguluhan ako sa mga naisip ko at sa mga konseptong nabubuo sa utak ko.
Hindi kaya...
Panaginip lang ang sandaling iyon...
Bigla akong nanghina ng nagrehistro sa utak ko ang mga salitang iyon.
Mabilis akong lumabas ng bahay. Hindi ko nagawang magbihis pa. Kailangan kong pumunta ng ospital. Kailangan kong masigurado ang lahat. Hindi ko alam pero...
Sana walang kinalaman ang lahat ng ito sa pagkamatay ni Ricka.
Pinahid ko ang luha sa mga mata ko at agad na pumara ng tricycle sa labas.
EDITED!
BINABASA MO ANG
Hiram: Ang Simula (UNEDITED)
HorrorWARNING: Based on a true horror story "WAG KANG HIHIRAM!" Highest Rank #3 in Horror ♡ HIRAM Trilogy Book 1: Hiram: Ang Simula Book 2: Hiram: Ang Pagbabalik (ONGOING) Book 3: Hiram: Ang Pagwawakas (SOON) [SOON TO BE PUBLISHED]