CHAPTER56
Galit ka ba?
Syempre, hindi ko na tinanong. Pag may mga ganitong moment, dapat hindi na nagtatanong ng yes or no questions ang mga obvious.
Nakatayo lang si Jessie. Nakasara ang mga kamao. Naniningkit ang mga mata, nag-iiba ang butas ng ilong, at parang fault line na nagkikis-kisan ang mga ngipin. Nagngingit-ngit siya. At wala pa akong na-experience na ngit-ngit of joy. Malamang galit si Jessie. Pero bakit?
"Bakit?" tanong ko kay Jessie na hindi ko alam kung ano ang pinagpupuyos ng mukha.
"Anung bakit?"
Yun naman ang tanong na hindi ako handa. Bakit niya tinanong sa akin? May nagawa ba ako? Ako ba ang dahilan?
"Anong ginawa ko?" tanong ko.
Napahinga nang malalim si Jessie habang parang natatawa siya.
"Gago ka pala, eh," sabi niya. "Tinatanong mo pa?"
Kinabahan ako nang makarinig ako ng mura sa kanya. Mula sa mga nakaraang ala-ala ang kaba. Hindi ito bagong pakiramdam. At nang maisip ko ang mga lumang ala-ala, lalo akong kinabahan.
Inihanda ko na ang katawan ko. Matagal-tagal na rin mula nang huli akong makaramdam ng sakit. Nakasanayan ko na noon. Kung maulit kaya ngayon, makakaya ko pa rin kaya?
Bahala na.
"Sasaktan mo ba ako?"
Napahinga siya nang malalim. Lalong humigpit ang pagkakakuyom ng kanyang kamao. Pero sa paglabas ng hangin mula sa kanyang katawan, parang lumabas din ang kanyang lahat ng lakas.
Pumikit si Jessie. Napaupo sa kama ko.
Pero hindi nawala ang takot ko. Sarado pa rin ang kanyang mga kamao at nakatiimbagang pa rin siya.
"Antanga ko," sabi ni Jessie. "Ako talaga ang gago. Ang gago-gago ko."
Sabay suntok sa hita niya.
May impit na ingay akong narinig mula sa kanya. Alam kong nasaktan siya sa kanyang ginawa. Ang inakala kong nawalang lakas niya, parang muling nagbalik. At inulit niya yun. Inulit nang inulit. At naramdaman ko ang kanyang sakit kahit pa hindi ako sa kanya lumalapit.
Hindi huminto si Jessie. Itinuloy niya. Hanggang sa maging mga braso na niya ang kanyang sinusuntok.
Papunta na sa kanyang mukha ang kanyang kamao nang tumakbo ako papalapit sa kanya.
"Tama na, Jessie," sabi ko. "Ano bang nangyayari sa'yo?"
"Ang tanga-tanga ko," ulit niya.
"Sige na, tanga ka na," sabi ko. At hindi nakakatalino ang ginagawa niya. "Tama na yan."
Hawak ko ang dalawa niyang kamay na nagpupumiglas para saktan pa niyang muli ang sarili.
Nanlaban ako.
Malakas si Jessie. Mas malakas kesa sa akin. Matagal ko nang alam ito, pero may kakaiba ngayon. Mas malakas ako ngayon. Kahit papaano, napipigilan ko siya. Nababawasan ang sakit tuwing tatama ang kamao niya sa kanyang katawan. Mas lumalakas ako kung kailangan kong magbigay ng lakas para sa iba. At sa pagkakataong ito, mas malakas ako para kay Jessie.
Unti-unti, napagod si Jessie.
Sinamantala ko ang kahinaan niya. Niyakap ko siya. Ibinalot ko ang katawan ko sa katawan niyang pilit niyang sinasaktan.
Dahan-dahang tumigil ang pagsuntok niya sa hita niya. Hinawakan niya ang mga braso kong nakahawak sa mga braso niya. Nag-ekis ang aming mga braso. Magkayakap kami. Magkatapat at hinila niya ako papalapit sa kanya.
BINABASA MO ANG
Oh Boy! I Love You!
Novela JuvenilBuong highschool life ni Alex, si Jessie na ang kanyang nightmare. Sandali itong natapos ng maka-graduate si Jessie. Ang problema, pagtungtong ni Alex ng college, senior nya ulit si Jessie. Mabuti na lang at nakilala ni Alex ang antidote, si Gabriel...