The One To Cross When I Get There

7.5K 200 127
                                    

CHAPTER59 

Naniniwala akong ang kaligayahan ay pinipili at hindi isang bagay na dumarating, kaya naman nagdesisyon ako, pupuntahan ko ang taong magpapasaya sa akin. Sana lang ay hindi pa huli ang lahat.

"Anong pupunta sa Baguio?" tanong ni Mama. "Gabing-gabi na. Mag-isip ka nga?"

"Kung hindi ko mahahabol si Gabriel, Ma, hindi na siya babalik," paliwanag ko kay Mama.

"Babalik yun," sabi ni Mama. "Kukuha yun classcards, pipirma ng mga forms, ga-graduate pa siya. Hindi yun mamumundok para magrebelde. Nag-aaral pa rin siya. Anak ha, natatanga ka na sa love na 'yan. Babalik pa yun."

"Pero matagal pa iyun," sabi ko. "Makakalimutan niya ako."

"Kung makakalimutan ka niya, hindi ka para sa kanya," sabi ni Mama.

"Binigyan ko na siya ng dahilan para isipin yun, Ma," sabi ko. "Kailangan kong bawiin! Para pa rin kami sa isa't-isa."

"Andami mong alam," sabi ni Mama. "Itulog mo yan. May pasok ka pa bukas. Mag-aral ka para makalimutan mo yang si Gabriel."

"Ma, parang-awa mo na po," pagmamakaawa ko.

"Hoy Alex ha," nag-iba na ang itsura ni Mama. "Pinayagan ko kayong maglandian ni Gabriel kasi alam kong makakabuti sa pag-aaral mo. Pero kung ganyanan na kayo, may pasok bukas tapos nag-iinarte kayo, ay Alex, hindi makatwiran yan. Makakatikim kayo sa akin."

Napahinga na lang ako ng malalim. Naiintindihan ko si Mama. Suportado niya ako mula umpisa. Ngayon lang siya tumutol. Kalabisan kung magpipilit ako sa kanya.

Ako lang ang makakasolusyon dito. Pero paano?

Pumasok ako sa kwarto ko at tumitig sa telepono. Binuksan ko, walang mensahe. Parehas kami. Bumubukas pa, pero wala namang buhay.

Wala naman akong magagawa. Wala naman akong pera. Wala akong paraan para makasunod kay Gabriel.

Doon ko napansin ang patung-patong na mga plates kong pina-frame ni Jessie. Tama si Jessie. Matutulungan niya ako.

Lumabas ako ng kwarto, papalabas ng bahay, patungo sa garahe. Nandoon ang motor ni Jessie. Nakasabit lang naman doon ang susi. Napakakapal na lang naman talaga ng mukha kung gagawin ko iyon. Pero may mga options pa ba ako? Mauunawaan naman niya ako.

Ayos na sana ang plano, kaya lang, nakaharang si Mama pagating ko sa garahe.

"Ano?" sabi ni Mama. "Hindi magpapapigil sa akin? Kakapalan ang mukha? Mangka-carnap na lang ng motor ng isang lalaki para puntahan ang isang lalaki niya?"

"Hindi naman sa ganon," sabi ko. "Hihingi lang ako ng tulong. Kaibigan ko pa rin naman si Jessie."

"Ilalaban mo talaga iyan?" tanong ni Mama.

Hindi ako nakasagot. Napayuko na lang ako sa kahihiyan. 

"Gustung-gusto mo ba talaga yan?" tuloy ni Mama. "Yan na lang ba talaga ang source ng kaligayahan mo? Wala ng iba? Final na?"

"Opo," mahinang sagot ko. "Sorry po Ma. Hindi ko naman inakalang aabot sa ganito. Wala naman sa plano ito. Kaya naman naming isabay sa pag-aaral ang relasyon namin."

Napatigil ako. May kung anong kurot sa dibdib ko ang naglagay ng luha sa aking mata. Tumulo.

Lumapit sa akin si Mama at pinunasan ang luha.

"May problema lang. Pero maaayos namin Ma, huwag kang mag-alala, hindi ko pa rin pababayaan ang pag-aaral ko."

Nakatitig lang si Mama sa akin, habang nakahawak pa rin sa aking pisngi ang isang kamay.

Oh Boy! I Love You!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon