The One With The Knight in Shining Armor

10.9K 343 68
                                    

CHAPTER 19

Nakatingala na lang ako sa langit, at iniisa-isa ang mga bituin, umaasa na sana, kahit isa man lang sa libu-libong kumikinang na liwanag na ito ang magbigay ng katuparan sa aking hiling.

Nakaupo ako sa parang gilid ng bundok at naririnig ko ang mga sasakyang, mangilan-ngilan, dumadaan sa aking likuran. Sa aking harapan, ang dagat din ng liwanag. Kitang-kita ko ang mga ilaw sa gabi ng kamaynilaan. Tulad sa langit, bawat ilaw ng poste ay hinilingan ko rin, nagpapanggap na bawat isa dito ay mga bulalakaw na kayang bumago ng aking kinalalagyan.

"Nakakawala ng prolema, diba?"

Sabi ng isang tinig mula sa aking likuran. Pamilyar ang boses. Nagbalik na siya. Nilingon ko ang boses. Kahit malabo ang aking paningin ay nakita ko siya, ang lalaking nagligtas sa akin kay Jessie noon. Ililigtas niya akong ulit ngayon. Siya nga ito, at tulad ng dati, may beer siyang hawak. Inihagis sa akin.

Salamat, hindi ko man alam kung aling tala ang tumupad sa aking kahilingan, pero salamat.

Ngunit bumagal ang pagkakabato ng beer papunta sa akin. Kitang kita ko kung paanong kusang bumukas ang lata at bumulwak ang alak papunta sa aking mukha. Napapikit ako.

At napadilat.

At nagising.

May tubig na tumatama, hindi, tumatalsik sa aking mukha.

Parang may hose na nakatutok sa mukha ko at tinatalsikan ng kung anong tubig. Si Jessie, syempre siya. Nakahiga siya sa kama, may hawak na water gun at binabaril ang mukha ko. Pagkagising ko, babalik na siya sa pagkakatulog. Alas tres pa lang nang medaling araw.

Iyun, maliligo na ako at magbibihis. Dederetso na ako sa pagpasok sa eskwela.

Papalabas ako ng bahay nina Jessie nang bumukas ang gate. Si Mama, sinundo na pala ni Tito Raul.

"Ops, ops, ops!" sabi ni mama habang bumababa ang bintana ng SUV ni Tito Raul. "Wala pang alas singko?!"

"Ma, Paranaque ito," sabi ko. "Kakapain ko pa ang daan papasok sa Campus."

"Bakit hindi ka pa sumabay kay Je-ar?" tanong ni Mama.

"Mamaya pa siya, mas maaga ang klase ko," nagdahilan ako kahit hindi ko alam ang schedule ni Jessie.

"Sakay ka na dito," sabi ni Mama. "Hahatid ka na namin."

"Hindi na po," sabi ko. "Okay na ako."

"Sumakay ka na," narinig ko ang boses ni Tito Raul. "Para matuto ko na rin kung paano mag-commute."

Wala na akong nagawa. Higit pa sa mas makakatipid ako sa service, at pwede akong matulog sa sasakyan, kailangan ko rin talagang malaman kung paano ang pumasok mula dito.

Matapos ituro ni Tito Raul ang mga sakayan nagtuloy ang mga kwento niya tungkol kay Jessie. Hindi ako nakikinig dahil parang ibang tao ang kinukwento niya. Mabait, masunurin, matulungin. Saan galling ang mga obserbasyon niyang iyun?

"Marunong ka bang mag-drive?" tanong sa akin ni Tito Raul. "May lumang Corolla dun. Ang tagal na nun, ayaw dalhin ni Je-Ar. Mas gusto niya yung motor niya. Gusto mo, ikaw na ang magdala?"

"Ay sobra na 'yan," sabi ni Mama. "At hindi pa marunong magmaneho yang unico hijo ko."

"E di mag-driving lessons," sabi ni Tito Raul.

"Gastos na naman," sabi ni Mama. "Kay Je-Ar mo na lang paturuan. Bonding na rin nilang magkapatid."

"Huwag na 'Ma," sabi ko. 

Si Mama pa talaga ang nagsu-suggest na magbonding kami ni Jessie. Hindi niya alam na sobrang close na kami ng kapatid kong hilaw.

Hanggang sa makarating ako sa klase. Si Jessie pa rin ang iniisip ko. Doon na naman ako matutulog pag-uwi ko. Sa kwarto ng impyerno.

Oh Boy! I Love You!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon