Kabanata II

3.7K 132 12
                                    

MASAKIT ang ulo ko.

Iyon ang una kong naramdaman nang dumilat ang aking mga mata. Na-miss ko ang tilaok ng tandang tuwing umaga. Nakalapat pa rin ang aking likod sa isang malambot na kutson na nakalatag naman sa katre na yari sa kawayan. Titig na titig pa rin ang aking mga mata sa kisame. Hanggang ngayo'y wala pa ring pintura ang marine plywood na pinaglulumaan na ng panahon.

Kahit nasa loob pa ako ng kuwarto ay naririnig ko na ang mga yabag ng tao sa labas. Maingay. Halatang may kaniya-kaniya silang pinagkakaaabalahan.

Dalawa lang ang pumapasok sa isipan ko. Una, wala sa tabi ko si Nikki. Pangalawa, si Nanay Rosita.

Panaginip lang ba ang lahat?

Ramdam ko ang panginginig ng aking kamay sa nerbiyos. Parang totoo kasi ang nangyari kagabi. Totoong hindi iyon natuwa sa nagawa kong desisyon.

Bumalikwas ako ng pagkakahiga, at saka ko napansin ang pigura ng lalaking nakaupo sa may gilid ng pinto. Hindi ko man lang naramdaman ang presensiya nito. Nakakapanibago.

Simple lang kaniyang pananamit; puting T-shirt lang na hapit sa malapad nitong dibdib at kupas na pantalon na may butas pa sa bandang tuhod. Naka-clean cut ang itim nitong buhok. Manipis ang mapupula nitong mga labi. At mas lalong nagdagdag ng appeal ang matangos nitong ilong. Kung tutuusin, kahit ano'ng suot ng lalaking ito ay kaya nitong dalhin.

Para akong tinubuan ng hiya sa kaniyang maaliwalas na presensiya. Hindi ko na lang siya pinansin at tuluyan na akong bumangon sa higaan. Tumalikod pa ako para manguha ng muta. Hindi ko alam kung gaano na ba kabuhaghag ang kulot kong buhok, ngunit mabilis kong kinuha ang backpack ko, na inilagay lang din naman sa aking tabi. Kinuha ko ro'n ang extra kong tali sa buhok.

"Maayong buntag  ('Magandang umaga').Nasa'an si Nikki?" mabilis kong tanong sa lalaki na halatang busy sa pagbabasa ng librong kulay itim ang pabalat. "Nakatulog ba ako? Sino ka? Bakit ka nandito? Kamag-anak ba kita?"

Isinarado nito ang maliit na libro, at saka lumingon sa 'kin. Nagtama ang aming mga mata. Hindi ko siya matandaan, pero masyadong pamilyar ang mukha nito sa 'kin.

"Hindi ka nakatulog. Nawalan ka ng malay," sarkastiko nitong sagot. "Maagang namasyal ang hilaw na isda mong kaibigan. Dapat sinabihan mo 'yon, na isda at gulay lang ang malimit na kinakain ng mga tao rito. Naghanap 'yon ng karne."

Halos mapatutop ako sa noo dahil nakaligtaan kong sabihin iyon kay Nikki.

"Gaano na ako katagal nawalan ng malay?" tanong ko na naman. Namuo kaagad ang kaba sa aking dibdib para kay Nikki. "May kasama ba si Nikki? Sinamahan ba si Nikki sa Baybay? Tinuruan ba siya kung paano pumunta ng palengke?"

Napansin ko ang pagkakunot ng noo nito, "Buong magdamag. Ang daldal mo."

Nakasimangot ang mukha ko sa mga sagot nito. Kapansin-pansin din ang tamang pagbigkas nito ng Tagalog. Mas lalo pang naging maasim ang mukha ko nang mahawakan ko ang cellphone na empty battery. Kinuha ko kaagad ang charger at naghanap ng outlet.

"Tagarito ka?" Nayayamot na ako sa kung paano sumagot ang lalaking 'to.

"Uutusan ba akong magbantay sa 'yo kung hindi ako tagarito?"

May punto, pero ayoko ng sarkastikong sagot. Nawalan na ako ng ganang magtanong.

"Hinahanap ka na ng tatay mo. Kagabi pa iyon nag-aalala sa 'yo."

Tumayo na ito sa kinauupuan, at saka ko lang napansin na ang tangkad pala ng isang 'to. Mas nauna pa itong lumapit sa pinto kaysa sa akin.

"Hindi na kita kailangan pang i-chaperone. Bahay mo 'to at bisita lang ako."

Hindi man lang ako hinintay na makasagot. Iniwan na niya ako sa kuwarto nang tuluyan. Gusto ko sanang mainis sa malamig na pakikitungo nito sa 'kin na para bang ang laki-laki ng kasalanan ko, ngunit mas pinili ko na lang na manahimik. Mas pinili ko na lang na sundan siya ng tingin hanggang tuluyan nang naisara ang pinto.

***

NAKANGITI si Tatay Tote sa akin.
Nakasuot siya ng maong na jacket habang nakaupo sa harapan ng bilog na mesa. Halata sa kaniyang namumugtong mga mata ang ilang araw nang pagpupuyat. Mas pumayat din siya ngayon. Ganito rin ang hitsura niya no'ng namatay ang kaniyang asawa.

Ngayon naman....ang kaniyang ina..

Sobrang bigat sa pakiramdam na may mga taong nawawala, at hindi na babalik.

Dali-dali akong lumapit sa kaniya at nagmano.

"Kumain ka na, Yllaine," tipid-ngiti niyang pag-alok niya sa akin. "Hindi mo ako tinawagan na pupunta ka rito. Alam mo namang hindi mo kayang magb'yahe nang malayo. Mahihiluhin. Kaya ka siguro hinimatay."

Bumigat ang pakiramdam ko sa katotohanang inaalala pa niya ako kaysa sa alalahanin ang sarili niya at ang lamay.

Sinulyapan ko ang mesa na mayro'n ng tatlong pirasong pandesal at tasang puno ng mainit na kape.

"Mabuti na lang at dumating din si Henry. Siya ang nagbantay sa 'yo. Hindi kasi kita maasikaso. Alam mo na," dagdag pa niya.

"Henry?" Masyadong pamilyar ang pangalan na 'yon sa 'kin.

Tumango sa 'kin si Tatay Tote. "Iyong kababata mo. Iyong binibigyan mo ng bayabas sa tuwing namimitas tayo no'n."

At dahil sa sinabi niya, nanlaki pa ang aking mga mata sa lubos na pagkagulat at pagkamangha. "Iyong gusgusin at sipuning bata? Iyong T-shirt ng tatay niya ang paborito niyang sinusuot at ayaw mag-shorts?!"

Tumango na naman si Tatay. "Kakauwi lang din niya noong nakaraang taon. Galing din siya ng Maynila. Doon na namalagi nang maging ulila rin sa mga magulang."

At doon ko lang naalala ang trahedyang iyon. Kapwa nalunod sa ilog ang kaniyang mga magulang. Sa bundok lamang bumuhos ang ulan, ngunit napakalaking baha ang nakita naming rumagasa na lang sa ilog.

Sumisikip na lang ang aking dibdib. Rumehistro ang kalungkutan sa mukha ng lolo ko. Naalala ko rin, na kaniyang matalik na kaibigan ang ama ni Henry.

Napabuntong-hininga na lamang ako. May lamay na nga, patay pa rin ang aming paksa. Lumapit ako sa kaniya; niyakap si Tatay nang mahigpit. Kahit ayaw niyang sabihin ay ramdam ko ang kaniyang kalungkutan at paghihinagpis.

Parang inukit na ang kalungkutan sa kaniyang mga mata. Hindi ko na matandaan kung kailan siya tumawa.

Kahit ayaw niyang sabihin ay ramdam ko ang kaniyang kalungkutan at sakit, na sumasalamin sa kung ano rin ang nararamdaman ko.

Hindi ako ang tipong masalita. Hindi rin ako ang tipong magaling mag-comfort. Gusto kong sabihin kay tatay na tatagan lang niya ang kaniyang sarili. Pero sadyang kay hirap ibuka ng aking bibig. Kaya nama'y nanatili kami sa gano'ng sitwasyon kahit sandali lang.

"Tatay, nandito lang ako," garalgal kong pagkakasabi sa aking lolo. "Kahit nasa malayo pa ako nakatira ay nandito lang ako."

Tumango-tango lang sa siya 'kin, sabay pingot sa 'king ilong na parang bata. "Alam ko 'yon, apo. Mabuti at naisipan mong umuwi sa atin."

Nginitian ko siya. Walang nakakaalam ng babala ni Nanay Rosita kundi ako lang. "Para sa inyo at kay Nanay Rosita."

Isang muling tipid na ngiti lang ang itinugon ni Tatay sa akin.

"Oh, siya. Maiwan na muna kita. Kailangan nating asikasuhin ang mga bisita. Tawagan mo lang ako kung may kailangan ka."

Tumango na lang ako. Sa totoo lang, madami pa akong gustong sabihin. Kaso, napatingin na lang ako kay Tatay Tote na naglalakad na papunta sa gawi ng kabaong.

At doon...

Naalala ko na naman ang nangyari kagabi. Kung panaginip lang ba ang pagpapakita ni Nanay Rosita.

Nanginginig pa ang mga daliri ko sa kamay habang nakahawak sa mainit na tasa. Napatigil ako. Napaisip. Kung tama bang tumuloy ako rito. Kung tama bang suwayin ang kaisa-isahang habilin ng lola.

Dapit-hapon (#Wattys2016 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon