"Miss! 'Yong wallet mo...nalaglag!"Napatigil kami ni Nikki sa paglalakad at sabay na napalingon sa aming likuran. Tumambad sa amin ang lalaking hindi nalalayo sa dalampung taong gulang. Nakasuot ito ng itim na jacket na may hood at itim din na pantalon. Kapwa kami ni Nikki ay nakatingin sa palad nitong may wallet na hugis-palaka.
Galing kaming dalawa sa ticket booth ng Victory Liner terminal. Katatapos lang din naming kumuha ng ticket. At dahil ma-traffic and biyahe papuntang Pasay City, kanina pa nagrereklamo si Nikki.
"Akin 'yan!" sigaw ng kasama ko.
Kaagad siyang naglakad papalapit sa lalaking natutulala sa angking kagandahan ni Nikki.
Sabagay, sino ba naman ang hindi matutulala sa babaeng naging Campus Queen ng aming lugar?
Napailing-iling na lang ako sa lalaking 'to. Ngumiti pa ang lalaki habang ibinibigay pabalik kay Nikki ang wallet.
Katulad lang siya ng iba.
"Sasakay ka rin ng Victory Liner?" bulalas ni Nikki nang mapansin niya ang ticket ng hawak-hawak nito. "Ang gandang coincidence naman nito! Ano'ng pangalan mo? Kung ibang tao na 'yon. Malamang, hindi na 'yon mag-aatubiling tawagin pa kami ni Yllaine para isauli ang wallet na 'yan. People nowadays, you know. So, thanks! "
Napakamot ang lalaki sa ulo, marahil ay hindi nito inakalang madaling kausapin ang babaeng katulad niya. Mukha kasing maarte si Nikki, at dahil anak-mayaman, nagkamali ito ng unang impresiyon.
"Nikki!" sita ko, habang nakapamaywang pa. "Malapit nang aalis ang bus. Baka mahuli pa tayo. Tara na!"
Ang totoo, kalahating oras pa, bago lalarga ang bus na sasakyan namin. Ayoko lang na may kausap siyang mga lalaki. Hindi lahat sa kanila ay pwedeng pagkatiwalaan. Iyong iba ay mapagsamantala.
Pero ang totoo, ayaw ko muna siyang magkaboypren. Natatakot akong maiwan sa ere. Natatakot akong mag-isa.
"Oo nga pala, you can call me Nikki. At iyong masungit na nagkasalubong na ang mga kilay ay ang bestfriend ko," aniya. Mas lalo pang nagsalubong ang mga kilay ko sa kaniyang pagpapakilala.
Kunot-noo kong sinalubong ang tingin ng lalaking 'to habang kita-kita ko naman kung paano siya nagpaka-friendly sa aking harapan.
Marahil ay dahil magkaiba ang aura naming dalawa ni Nikki. Si Nikki ang tipong lapitin ng kung sino, at ako naman ang tipong ilang ang mga tao.
"Jeremy," mahinang sagot nito kay Nikki.
"Taga-Leyte ka rin 'ba?" usisa na naman ng isa. Halata sa kaniyang kumikinang na mga mata na interesado siya rito, na siyang ikina-disgusto ko.
Napabuntong-hininga na lang ako sa harapan ng bus na sasakyan amin. Obvious naman na taga-Leyte ang lalaki dahil dito siya nakasakay. Ako ang unang pumasok sa bus at hinanap kaagad ang seat number namin.
"Sa'an sa Leyte? Baka naman magkalapit lang kayo ni Yllaine. Taga-Baybay kasi siya. Hindi ko pa 'yon napupuntahan, pero balita ko, magandang puntahan 'yon. Pang-tourist spot ang buong lugar, pero hindi pa gano'n na-di-discover."
"Medyo malapit," pangiti nitong sagot. "Masaya ako at may kausap ako sa biyahe. Mukhang maganda ang nangyari. May dahilan kung bakit nailaglag mo ang 'yong wallet kanina."
"Ano naman?"
Ngumiti lang ang lalaki at hindi na sumagot.
****
"Gusto niyo ba ng kape?" alok ni Jeremy sa aming dalawa. May dalawa siyang plastic cup na hawak, at nasa pangalawang bus stop na kami.
"Ang sweet mo naman!" pangiting sabi ni Nikki. Kinuha niya ang plastic cups at ibinigay niya sa 'kin ang isa. "Kanina pa 'to nilalamig si Yllaine, e. Ang lakas ng aircon ng bus na 'to."
BINABASA MO ANG
Dapit-hapon (#Wattys2016 Winner)
Fantasía🖤 PNY Novel Writing Contest Champion 🖤 Wattys2016 Winner Nang mabalitaan ni Yllaine Lumakin ang pagkamatay ng kaniyang lola sa tuhod, sinira niya ang pangako nitong kailanman ay hinding-hindi na magbabalik pa. Mistulang dapit-hapon na mala...