DAHAN-DAHAN akong kinakalagan ni Henry. Mula sa aking mga kamay, hanggang sa aking mga paa, at pati na rin iyong mga lubid na pumupulupot sa aking katawan, isa-isang nagbabagsakan ang mga 'yon sa sahig.
Wala akong magawa kundi pagmasdan si Henry habang nakapokus ang kaniyang mga mata sa mapula kong braso.
"Masakit ba?" Namumuo na naman ang pag-alala sa kaniyang mga mata. Gustong-gusto ko 'yong titigan, ngunit nagkusang bumaba ang aking mga tingin. "Wala kang kasalanan. Wala ka ring deperensiya," dagdag pa niya.
Ang kaniyang kalmadong boses ang nagbibigay sa akin ng dahilan upang huwag na akong mataranta.
"Ayos lang ako..."
Muli na namang nagtama ang aming mga mata. Ang lapit niya na sa 'kin. Sa sobrang lapit ay naaamoy ko na naman ang kaniyang pabango na nanunuot sa aking ilong. Gustong-gusto ko 'yong amoy na iyon.
"Hindi ka ayos. At istupido rin ako dahil tinanong ko pa." Nakatingin pa rin siya sa braso ko. "Pasensiya na, kailangan din kitang itali dahil pati ikaw ay kumikilos nang tulog. Kamuntik ka nang mapahamak kanina."
Kunot-noo akong tumingala sa kaniya. "Bakit? Ano'ng ginawa ko?"
"Tatalon sa bintana."
Napatigil ako sa kaniyang sinabi. Ayoko sanang maniwala, pero hindi naman siguro sila magkakaganito kung hindi totoo.
"Kailangan ko pa bang magpasalamat at tinali mo ako?" sarkastiko kong banat, habang napasulyap sa kalunos-lunos na nangyayari kay Nikki.
Ang bestfriend ko.
Ang sakit makitang nakagapos ang taong gustong-gusto ang salitang kalayaan. At kahit ano'ng gagawin ko, bali-baliktarin ko man ang mga nangyayari ay ako pa rin ang may kasalanan.
"Sana, hindi ko na lang siya isinama rito sa Leyte, e 'di hindi sana siya magkakaganito. Ayos lang sa akin kung uulanan niya ako ng sermon dahil iniwan ko siya sa Manila. Basta, huwag lang ganito, Henry. Wala na siya sa katinuan. Paano natin maibabalik si Nikki sa dati? " Alam kong masyado na akong emosyunal pero, ano'ng magagawa ko? Wala rin naman akong alam sa mga nangyayari. Natatakot akong tuluyan na siyang mawalan ng katinuan. Natatakot akong mawalan ng kaibigan.
"Ang dami mong kinatatakutan. E, ang sarili mo? Ayaw mong matakot?"
May kung ano'ng mayro'n sa kaniyang mga mata na hindi ko maunawaan. Ang hirap intindihim ang lalaking 'to. Napakahirap basahin ang utak.
"Normal lang sa tao ang mag-sleep walk. Hindi katulad kay Nikki. Halatang hindi normal ang kaniyang kahindik-hindi na pagbabago," turan ko. Hindi pa rin ako tumatayo sa upuan na kung saan ako itinali.
Napapikit ako habang napabuga pa ng hangin. Gusto kong lapitan si Nikki, ngunit natatakot ako sa possible nitong gawin sa 'kin.
Natahimik si Henry. Natahimik na rin ako. Kitang-kita ko sa kaniyang mga mata na may mga bagay pa siyang dapat sabihin, ngunit mas pinili niyang tuldukan na lang 'yon at manahimik na lang. Pakiramdam ko ay madami pang loophole ang kwento, na kahit ano'ng gagawin ko ay kay hirap pa ring pagtagpi-tagpiin.
Napansin ko rin na may kinuha si Henry sa kaniyang bulsa at inabot iyon sa 'kin.
Kumunot ang noo kong tiningnan ang isang bala na may tali.
BINABASA MO ANG
Dapit-hapon (#Wattys2016 Winner)
Fantasy🖤 PNY Novel Writing Contest Champion 🖤 Wattys2016 Winner Nang mabalitaan ni Yllaine Lumakin ang pagkamatay ng kaniyang lola sa tuhod, sinira niya ang pangako nitong kailanman ay hinding-hindi na magbabalik pa. Mistulang dapit-hapon na mala...