DAHAN-DAHAN kong iminumulat ang aking mga mata. At mula sa farm nila Miel ay natagpuan ko na lang ang aking sarili na muling nagising sa kuwarto. Ngunit, hindi katulad sa naisip kong katahimikan, mistula akong napaparalisa at nakakaramdam ng takot sa sarili.
Kaagad na bumungad sa akin ang kahindik-hindi na mukha ni Nikki, na nanlilisik pa ang mga matang nakatingin sa 'kin. Kapansin-pansin din ang pagbabago ng mga kulay nito. Mula sa kulay na itim ay mangilaw-ngilaw na ngayon. Ang dalawang kamay ni Nikki ay sinadyang inilagay sa aking leeg at sinasakal ako. Ang kaniyang bigat ang naging dahilan kung bakit hindi ako nakakagalaw.
Tuluyang nang naglaho ang kaniyang mala-anghel na ngiti. Parang hindi na niya ako kilala. Hindi na siya si Nikki.
Puno ng pagtataka ang aking mga mata habang nalalagutan na ako ng hininga sa pananakal niya sa 'kin. Mistulang sinasapian siya ng demonyo o ano, batid kong kaya niya akong paslangin...anumang oras.
Nagpupumiglas ako.
Ginagamit ko ang aking kamay upang itulak siya papalayo sa 'king katawan. P'wersahan kung p'wersahan, sinusubukan kong itulak ang kaniyang panga gamit ang kaliwa kong kamay, na malaya pang nakakagalaw. Hindi ko alam kung bakit mas malakas na siya ngayon kaysa sa dati, dahil 'di hamak na mas lampa pa si Nikki kaysa sa 'kin kung tutuusin.
"N-Nikki! A-Ako 'to!" Nahihirapan akong magsalita habang nanlalaban ang sarili kong katawan sa bingit ng kamatayan. "A-Ano'ng nangyayari sa 'yo?"
Hindi sumasagot si Nikki. Mukhang hindi na niya ako naririnig. Nagpatuloy pa rin siya sa kaniyang ginagawang pag-atake.
Pinipilit kong bumalikwas sa pagkakahiga upang mawalan man lang siya ng balanse. Pinapatid-patid ko pa ang aking mga paa, habang hinahabol ko na rin ang aking paghinga.
"N-Nikki! A-Ako 'to! S-Si Y-Ylaine!" Nagpupumilit pa rin ako. Ayaw kong maniwalang totoo ang nangyayaring 'to.
Subalit, sa bawat diin ng kaniyang pagkakasakal, sa bawat gigil niyang mawalan ako ng hangin, para akong naiiyak at natatanga. Kaunti na lang at bibigay na rin ang aking katawan. Kaunti na lang at mawawalan na ako ng ulirat.
Kaunti na lang, sapagkat nagsisimula na rin kasing manlabo ang aking paningin.
Bumabalikwas na naman ako - kaliwa't kanan. Pinipilit ko pa rin siyang ma-out of balance sa aking tiyan. At dahil wala namang nangyayari maganda sa kakatulak ko sa kaniya, pinagdisketahan ko iyong bag ko, na suwerte na lang at naabot ko pa. Mabilis ko iyong hinablot at pinalo si Nikki sa kaniyang ulo.
Lumuwag ang kaniyang pagkakasakal sa akin nang dahil do'n. Ginamit ko iyong distraction na iyon at saka ko itinulak si Nikki nang sobrang lakas, at wala nang pag-aatubiling na sinipa ko siya sa kaniyang sikmura.
Gusto kong mag-sorry sa ginawa ko, pero kailangan ko munang isipin ang sarili ko.
"Tulong! Tulungan niyo ako!" sigaw ko, habang tarantang nag-iisip ng paraan. Una kong tiningnan ang pinto na hindi naman kalayuan sa 'king puwesto.
"Tatay! Tulong! Henry! Henry! Tulungan niyo ako!"
Nagbabasakali ako na may makakarinig sa 'kin. Wala akong ideya kung bakit nangyayari 'to kay Nikki. Maayos naman siyang binuhat ni Henry kagabi.
BINABASA MO ANG
Dapit-hapon (#Wattys2016 Winner)
Fantasy🖤 PNY Novel Writing Contest Champion 🖤 Wattys2016 Winner Nang mabalitaan ni Yllaine Lumakin ang pagkamatay ng kaniyang lola sa tuhod, sinira niya ang pangako nitong kailanman ay hinding-hindi na magbabalik pa. Mistulang dapit-hapon na mala...