Prologo

8K 195 33
                                    

MAY katotohanan na madaling unawain ng utak at mayro'n namang kay bigat dalhin sa damdamin. Anuman ang pipiliing saloobin ng isang tao ay iisa lamang ang patutunguhan nito - ang pagtanggap ng katotohanan.

Sapilitan man ito o hindi, mabilis man o mabagal, magalit man o matuwa, ang katotohanan ay katotohanan. Hindi na pwedeng baliin. Hindi na pwedeng maliin.

Namumugto ang aking mga mata. Tatlong araw na rin akong walang matinong tulog. Blanko ang aking kaisipan. Walang magandang ideya na pumapasok sa naguguluhan kong utak. At kahit pilitin ko mang magsulat ng isang makabuluhang tula, para sa isang literary article ng unibersidad, ay wala talaga akong maipiga.

Wala... o sadyang ayaw ko lang mag-isip nang sobra.

"Condolence, Yllaine."

Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko muna, bago ako lumingon sa babaeng nakatayo sa awang ng pintuan. Nakasuot siya ng floral shorts at simpleng T-shirt na kulay puti, na hapit na hapit naman sa kurbado niyang katawan.

Si Nikki, siya ang aking kaedaran at matalik na kaibigan. Siya rin ang kasama ko rito sa bahay. Pagmamay-ari ng aking butihing tiyahin ang tahanan na 'to. Hindi Pinoy ang napangasawa, kaya lumisan na rin sila ng bansa, sampung taon na ang nakalilipas.

"Parang dapit-hapon,
  malapit nang kakabigin ng kadiliman,
Huwag kang matatakot,
Doon mo lang makikita ang buwan."

"Namatayan ka na nga, puro ka pa rin sulat diyan. Ayos na ba ang mga gamit mo?"

Inilapag ko ang Panda na bolpen sa aking study table. "Hindi ako makalat, Nikki. Ikaw lang naman ang makalat sa bahay na 'to," paalala ko, nang masagi sa isipan ko ang kaniyang mga gamit na nakalapag na lang kung saan-saan.

"Grabe ka naman! Hindi naman ako gano'n kaburara!" Pinanlakihan niya ako ng mga mata.

Inirapan ko siya habang nakatingin lang sa kaniya na naglalakad papalapit sa akin.

Napangisi pa siya. Tahimik na umupo at mabilis na inilapag ang kaniyang mga gamit sa aking higaan.

At ikinalat na naman...

"Alam na ba ni Tita Badette ang nangyari kay Nanay Rosita?" tanong niya.

Nagbago kaagad and mood ko sa pagbabago ng paksa. Sumilay na naman ang kalungkutan sa aking mga mata. Kahit ayaw ko mang aminin ay apektado pa ako sa biglaang pagkamatay ni Nanay.

"Hindi pa," sabi ko nang walang kagatul-gatol. Ayoko siyang mag-alala pa sa akin. "Baka hindi na rin 'yon makakauwi, kung saka-sakali."

Kumunot and kaniyang noo habang napahalumikipkip pa. "E, ano ang tinutunganga mo riyan? Mag-impake ka na."

Natigilan ako sa sinabi ni Nikki. At doon ko lang napagtanto kung ano'ng ibig niyang sabihin. Kaya pala nakangisi. May binabalak na naman pala ang babaeng 'to.
Pero, hindi gano'n kadali ang lahat kagaya nang iniisip niya.

"Nando'n naman si Tatay Tote. Dito na lang ako."

"Matanda na ang Tatay Tote mo. Dapat nga, ikaw ang nasa tabi no'n ngayon, e. Ina niya ang namatay. Lola mo 'yon sa tuhod. Wala ang tiyahin mo, na nag-iisang buhay na apo ng Nanay Rosita mo. Kailangan ka ng lolo mo ro'n. Ano ka ba naman!"

Bilib din ako sa babaeng 'to sa pagbanggit ng family tree namin. Kung tutuusin, parang hulog ng langit si Nikki sa buhay ko. Dinaig pa niya ang isang kapatid na pinapangarap ko. Matagal na kaming magkaibigan, simula pa noong lumuwas ako ng Maynila.

Itinuon ko na lang ang aking atensiyon sa kaliwang bahagi ng aking silid, kaysa sa makipagdebate sa kaniya.

Pinagmasdan ko na lang ng ubod nang seryoso ang isang puti at makalumang aklat na nakalagay sa pinakagilid ng bookshelf. Bigay iyon ni Nanay Rosita. Iyon din ang bukod-tanging ibinigay no'n.

"Tulala ka naman, Yllaine! Alam ko naman na gustong-gusto mong umuwi ng Leyte! Pinipigilan mo lang! Hay naku! Kung anuman iyang pumipigil sa 'yo, magtigil ka rin. Tatay Tote needs you!" Siya pa itong nandabog at nanermon pa.

"Nangako ako kay Nanay Rosita na hindi na ako magbabalik pa sa Leyte," mabilis kong sagot. "Tigil-tigilan mo ako, Nikki."

Napapikit ako sa kirot na nararamdaman ng puso ko. Unti-unti itong kinakain ang anumang lakas na mayro'n man ako. Ang hirap baliin ng isang pangako. Pero ang sakit ding isipin na hanggang dito na lang ako.

"Ano na? Natahimik ka na naman riyan! Ayusin mo na ang sarili mo. Ako na ang bahala sa mga gamit mo."

"Nikki!" pigil ko sa kaniya. "Tigil na sabi, e!"

"You will thank me later." Kindat pa niya sabay tumayo sa higaan.

Hindi katulad nang inaasahan ko, bigla na lamang niya akong niyakap. "Ang ayoko lang ay nakikita kang gabi-gabi na lang kung umiiyak. Nandito lang ako pero alam kong hindi ako ang kailangan mo. Follow your heart, just for once."

Natigilan ako hanggang sa narinig ko na lang ang pagsara ng pinto, kasabay ang pag-alingawngaw ng katahimikan sa buong silid.

At doon, tuluyan nang nag-uunahan ang aking mga luha sa pagpatak. Bumuhos ang likido na kanina ko pang pinipigilan. Kusang kinuha ng aking kanang kamay ang puting libro. Mahigpit ko iyong niyayakap malapit sa puso ko.

"Lola, mapapatawad mo ba ako dahil gusto kitang makita? Gustong-gusto, Lola. Kahit sa huling pagkakataon lang."

Dapit-hapon (#Wattys2016 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon