NAPATIGIL ako sa aking paglalakad nang huminto rin si Henry sa aking harapan. Humarap siya sa isang simpleng bahay na yari sa pawid at kahoy lamang. Maganda ang pagkakadisenyo nito na para bang gawa ng isang magaling na iskultor ang bawat kahoy na sinadya pa yatang ukitin.
"Nandito na tayo."
Lumapit siya sa may pinto at para bang nagdadalawang-isip na katukin 'yon. Halata sa kilos at pananahimik nito na may kung ano'ng bumabagabag sa kay Henry.. Kung anuman iyon ay wala na akong pakiaalam pa. Kailangan ko nang makita si Nikki. Kailangan ko na siyang maiuwi. Hindi ako mapakali hanggang hindi ko iyon makikita.
Tinabihan ko na si Henry na parang tuod na nakatayo lang. Ako na ang ang nagkusang kumatok sa pinto na may kakaibang hugis at disenyo. Napalunok muna ako ng laway, nag-ipon ng lakas ng loob, saka ko ibinuka ang aking bibig. "Ayo! Ayo! Jeremy! Si Yllaine ni!" ("Tao po! Tao po! Jeremy! Si Ylaine 'to!")
Mukhang may nakarinig naman sa pagsigaw ko. Rinig na rinig na namin ang mga yabag sa loob ng bahay, na papalapit sa aming gawi. Wala pang isang minuto ay pinagbuksan na kami sa isang lalaki na halatang kagigising lang.
Bahagyang magulo pa ang kaniyang buhok at halata sa mukha ang pagkabulabog. Nabigla siya nang tiningnan niya ako. Siguro ay dahil hindi niya aakalain na matutunton ko ang kaniyang bahay.
"Y-Yllaine," banggit niya sa pangalan ko na para bang tinatantiya ang presensiya ko. "M-Maayong gabi-i, Yllaine." (Magandang gabi, Yllaine."
Pero mas nagulat si Jeremy nang lumingon ito sa aking katabi at nakita si Henry. Nararamdaman ko kaagad ang namumuong tensiyon sa pagitan nilang dalawa. Nagtitigan sila nang matagal. Pakiramdam ko ay may kung ano sa dalawang 'to na hindi ko maintindihan.
Naglaho ang mga ngiti ng Jeremy samantalang gano'n din naman si Henry. Para akong naipit sa kanilang dalawa. Nagpalipat-lipat pa ako ng tingin. Mas matangkad lang ng isang pulgada si Jeremy kaysa kay Henry, ngunit mas solidong tingnan ang katawan ng huli.
"Jeremy," ako na ang nangunang nagsalita. Pakapakalan na lang ng pagmumukha. Mabuti na lang at lumingon si Henry sa akin. "Susunduin ko na si Nikki."
Napilitang ngumiti si Jeremy. Iyong tipo ng ngiti na nakita ko sa bus. Alam ko naman na pakitang-tao lang 'yang pagngiti niya. Pareho lang kaming dalawa. Hindi namin gusto ang isa't-isa. Mabuti na lang at hindi man lang ito nagtanong kung bakit sa kaniya ko hinahanap ang bestfriend ko.
"Pasok kayo," aya niya, habang nilakihan pa ang awang ng pintuan. Kaagad na gumapang ang ilaw mula sa loob, papunta sa harapan ko. "Dapat umaga ka na lang pumunta, Yllaine. Hindi safe sa isang katulad mo ang maglakad nang dis-oras ng gabi."
Tumingin pa siya nang makahulugan kay Henry, bago na naman siya lumingon at nginitian ako. Hanggang ngayo'y nananatiling tahimik lang ang katabi ko at mas pinili pang maging mapagmasid kaysa sa makipag-usap.
Una akong pumasok sa kanilang tatlo. Hindi na hinintay pa ni Jeremy si Henry na pumasok at sumabay na rin sa 'kin. Napanganga ako sa ganda ng interior design ng bahay. Kabaliktaran sa anyo nito sa labas, ibang-iba ang nakikita ko sa loob. Makabago. Nasusunod sa uso. Halatang may kaya sa buhay.
Mayro'ng flat-screen TV na nakalagay sa sala. Malaki rin ang refrigerator sa may kusina. Ang ganda ng disenyo ng puting ceiling fan, na mas tumingkad pa ang kulay dahil sa itim na kisame. Puti rin ang tiles ng bahay. Kulay itim naman ang kabuuang kulay. Sa sobra kong pagkamangha, halos ay hindi ko kaagad napansin si Nikki na nakahiga sa sofa.
BINABASA MO ANG
Dapit-hapon (#Wattys2016 Winner)
Fantasy🖤 PNY Novel Writing Contest Champion 🖤 Wattys2016 Winner Nang mabalitaan ni Yllaine Lumakin ang pagkamatay ng kaniyang lola sa tuhod, sinira niya ang pangako nitong kailanman ay hinding-hindi na magbabalik pa. Mistulang dapit-hapon na mala...