Kanabata XIII

3K 114 4
                                    

TATLONG araw.

Tatlong araw na rin akong tulala. Inaalala ko si Henry at ang aming nakaraan. Hindi ko lubos akalain na ganito pala kalala ang iniwang babala ni Nanay Rosita. Sana'y nakinig na lang ako sa kaniya no'ng umpisa pa lang.

Nawawalan na rin ako ng pag-asa. Siguro, kailangan ko na lang din tanggapin na hanggang dito na lang ako. Sa tuwing nagkikita ang bilis ng pagbabago ng panahon sa kabilang mundo ay naisip kong wala na akong pag-asa. Ni hindi ko na alam kung ilang taon na ba ang nakakalipas simula nang mawala ako.

Nanatili akong tahimik kahit na ibinalik ni Miel ang aking boses. Hanggang ngayo'y dama ko pa rin ang epekto ng kapirasong katotohanan na 'yon.

Ngayon, alam ko na kung bakit gano'n na lang ang pakikitungo ni Henry sa akin. Naiintindihan ko na siya. At kahit ano'ng klaseng pag-unawa pa ang gagawin ko, alam kong huli na rin ang lahat.

Hindi ko na siya makikita pa, at hinding-hindi na 'yon magbabalik pa para sa akin.

"Bagay sa 'yo ang iyong kasuotan," pagpuri ng isa sa mga engkantong binibihisan ako. "Nagdidiwang ang buong kaharian dahil sa kasiyahan na magaganap," dagdag pa niya.

Isang mahabang bestida ng napupuno ng iba't-ibang hiyas, masasabi kong tinalbugan nito ang lahat ng gown na nakita ko na sa pelikula. Naiiba. Ngunit, kahit gaano ba kaganda ang isang bagay kung hindi naman ikasasaya ay wala pa rin itong halaga. Wala sa mundong 'to ang aking kasiyahan.

"Mamaya, pagkatapos ng seremonya, magiging ganap ka ng engkanto."

Nagpalapakan pa ang iba sa sambit ng isa. Ang lahat ay nagagalak sa mangyayaring kasalan...maliban sa akin.

Isa itong kulungan. Walang duda. Isang piitang matagal nang ginawa para lang 'kin.

Itinulak ko ang magandang enkantong nag-aayos ng aking traje de boda. Napaupo iyon sa sahig na gawa sa dahon. Sinira ko ang aking kasuotan. Pinagpupunit-punit, hanggang sa nagmukhang gusgusin na lang ang dating ko. Hinawi ko ang kurtinang kumikinang sa bawat paghalik ng araw at mabilis kong tiningnan ang labasan. Napansin ko ang layong limampung talampakan mula sa silid ng aking kinatatayuan hanggang sa lupa. Halos mahilo ako sa layo. Palibhasa, karamihan ng mga nakatira rito ay may mga pakpak, o 'di kaya'y may kakayahang lumutang sa ere, kaya hindi naging problema sa kanila ang ganito.

"Mahal na Yllaine!" sigaw ng isa pang engkantong pilit akong nilalapitan sa may bintana.

Pikit-mata akong lumingon pabalik sa awang ng bintana, at nagpahulog na lang ako doon nang sadya. Ayaw kong tingnan ang lugar na kababagsakan ko.

Kung ito naman ang aking katapusan, masaya akong sabihin na, hindi ako naging sunod-sunuran na lang sa isang kasunduan.

Ramdam ko ang lamig ng hihip ng hangin sa ere.

"Mahal na Yllaine!" sigaw no'ng isa na kasama ko kanina. "Huwag kang tatakas. Malalagot kami ni Prinsipe Miel. Huwag niyo pong hayaan na parusahan niya kami."

Napadilat ako nang maramdam na may humahawak sa aking kamay nang magkabilaan. Sumabay silang dalawa sa hangin na nagpadausdos pababa. Hinatak ko ang aking mga kamay pabalik, na pilit naman nilang kinukuha.

"Tigilan niyo na ako! Patakasin niyo na ako! Hindi ito ang tunay kong mundo! Hindi ito ang gusto ko!"

Pinagtutulakan ko pa rin sila sa ere hanggang sa tuluyan na akong bumagsak sa isang malaking dahon. Hindi naman talaga higante ang lahat ng bagay. Ako lang 'tong lumiit.

Ibinalik nga ang aking boses, ngunit pinaliit naman ako.

Tumatalbog-talbog pa ang aking katawan sa mga dahon hanggang sa naramdaman ko ang lupa, sa wakas.

Dapit-hapon (#Wattys2016 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon