Kabanata V

3.1K 115 34
                                    

PAGKATAPOS ng bangayan naming dalawa, mabigat ang loob ni Henry na pasamahin ako. Nararamdaman ko 'yon sa kaniyang pananahimik.

Wala siyang magawa dahil hindi naman siya kilala ni Nikki. At wala akong pakialaman sa tahimik niyang pagpoprotesta. Mas kailangan ako ng kaibigan ko kaysa sa sarili niyang paghihimutok.

Nauna siyang naglalakad sa daan. At dahil wala pa namang streetlights hanggang main road, iyong flashlight lang na bitbit ni Henry ang tanging liwanag na nakikita ko. Kahit nakakayamot na ang isang 'to, na-appreciate ko 'yong pag-steady niya ng ilaw ng flashlight sa kaniyang paanan, para mas makita ko nang malinaw ang aking tinatapakan.

Alam kong malapit nang maghatinggabi, at ngayon ko lang naramdaman ang kakaibang tunog, huni ng hayop, sagitsit, at wari mga bulong na pumapasok sa aking tainga. Hindi ako mapakali. Nananayo na naman ang mga balahibo ko sa batok. Parang may kung ano'ng presensiya pa ang nasa aking likuran. Gustong-gusto kong lumingon, ngunit naduduwag naman ako.

Malamig ang panahon, ngunit ramdam ko ang pamamawis ng aking noo. Pati mga braso ko ay nananayo na rin ang mga balahibo. Ayaw ko mang pansinin o lapitan si Henry, ngunit kusang pumulupot ang aking kamay sa kaniyang matigas na braso.  Sa puwesto kong 'to, mas lalo kong naaamoy ang kaniyang pabangong nalalanghap ng aking ilong, at mas lalo kong nararamdaman ang init ng kaniyang katawan na taliwas nang nararamdaman ko.

"Steady lang. Kung may naririnig ka, huwag kang lumingon. Lumakad lang nang diretso. Huwag kang palinga-linga."

"E kasi madami akong - "

"Huwag mong pansinin," pagpigil niya da pagrereklamo ko. "Lumakad ka lang. Maninermon ako kapag susuway ka sa 'kin. Sinabi ko naman na ayaw ko ng chaperone, e."

Wala na ako sa mood para barahin ko pa siya. Namamayagpag ang lakas ng mga huni ng kuliglig sa dilim. Hindi ko rin nagugustuhan 'yong tuno ng kawayanan na sumasabay sa hangin. Hindi ko na naririnig pa ang lagaslas ng tubig sa ilog. At mas minabuti kong pagtuonan na lang ng pansin ang lupang tinatapakan ko ngayon.

"H-henry," pautal ko pang tawag sa kaniyang pangalan. "Malapit na ba tayo sa main road?"

"Malapit na."

Nakahinga ako nang maluwag. Akala ko sagot-sarkastiko na naman ang madidinig ko. Akala ko ipagtatabuyan niya ako, kaso hinahayaan niya lang akong yakapin ang mga braso niya. Hinayaan niya akong ikalma ang sarili ko gamit ang kaniyang presensiya. Hindi naman pala talaga siya gano'n kasama kung tutuusin.

May saltik lang paminsan-minsan.

Ilang minuto pa ang nagdaan hanggang sa marinig ko ang malakas na busina ng bus. Napadilat ako ng mga mata. Una kong napansin ang bus ng Philtranco - na madalas talaga ay dumadaan ng madaling araw- na kakalampas lang sa aming harapan.

Nasa main road na kami. Walang tao. Kaming dalawa lang ni Henry ang naro'n. Patay-sindi pa ang ilaw sa may waiting shed. Mabuti na lang at may mga bagong streetlights sa main road, hindi ko na kailangan pang umasa sa kakarampot na ilaw sa flashlight.

"Pwede ka nang bumitiw," sambit niya. Nag-init bigla ang aking mga pisngi at mabilis na lumayo sa kaniya. Napansin ko rin na pinatay na niya ang ilaw ng flashlight niya.

Kahit na medyo madilim, nahagip ko pa rin ang pilyong ngiti sa kaniyang mga labi. Hindi ko alam kung bakit bigla na lang nagbago ang pagtibok ng puso ko nang dahil lang sa ngiti niyang iyon.

Dapit-hapon (#Wattys2016 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon