When Angels Fall - 026

877 8 2
                                    

026 - Special Chapter 02

Jerry's POV

Ako si Jerry. Isang anghel tagabantay (guardian angel). Minsan ko nang ginusto maging tao at nagkamali akong umibig sa tunay na tao kaya't ako'y bumalik sa pagiging anghel ko. Sa ngayon, ang aking nakatakdang bantayan ay ang batang nagngangalang Kath. Kailangan ko siyang gabayan sa kanyang mga desisyon upang hindi siya lumihis ng landas.

Si Katherine ay isang tunay na tao na nacomatose dahil sa isang aksidenteng nangyari habang nagmamaneho siya patungo sa kanyang paaralan sa America. Ang kanyang pamilya ay nakabase sa bansang iyon simula noong sampung taong gulang pa lamang siya. Binabantayan ko siya mula nang siya’y isinilang. Saktong araw ng kanyang pagkasilang ang pagbabalik loob kong muli sa isang gawaing pang anghel.

At sa isang di ko maintindihang pangyayari, ang isang tunay na taong pansamantalang naging anghel dahil sa isang aksidente ay humiling na maging isang parte ng lupa. Maging isang tunay na tao. (Hindi niya lang alam, tunay naman talaga siyang tao.)

Hindi ko makuha ang nais na mangyari ng Panginoon ngunit tinupad niya ang kahilingan ni Kath na magkaron ng pagkakataong maranasang mabuhay habang siya’y nakacomatose pa. Ang gulo hindi ba.

Pero ang ginawa ng Panginoon ay nakakonekta pa rin sa akin. Sinadya niyang marahil na sa aking pamilya sa lupa ibigay ang kahilingang buhay ni Kath. Kaya’t dahil dito’y nagkaron ako ng pagkakataong masilayan muli ang aking pamilya. Ang mahal kong si Cecil at ang aking anak na si Daniel.

Sa mga unang araw ng buhay (habang nakacomatose) ng aking binabantayang bata na si Kath, pinaubaya ni San Pedro ang pagbabantay kay kath sa dalawa ring tunay na tao na sina Sarah at Michael ito ay isang pagsubok sa dalawa upang malaman ang hatol sa kanila. Kagaya ni Kath, si Sarah at Michael ay mga batang nag aagaw buhay na rin. Naghihintay lamang sila ng hatol ng Panginoon at habang nangyayari iyon ay magiging pansamantalang anghel muna sila sa mababang parte ng langit.

Lahat ng taong nag aagaw buhay ay nagiging pansamantalang anghel. At kapag sila’y tuluyan nang mawawala sa lupa, may mga pagkakataong nagiging anghel tagabantay sila o di kaya naman ay bituin sa kalawakan.

Sa aking parte, di ko alam kung ako’y minsan na ding naging tao o isa ako sa mga anghel na kusang ginawa ng Panginoon.

Sa kabilang banda naging tagabantay na lamang akong muli ni Kath nang mabuhay na ang katawan ni Michael at naging bituin naman sa kalawakan si Sarah. At sa aking muling pagtungtong sa bahay ni Cecil, nanumbalik ang mga masasayang araw ko bilang pansamantalang tao. Ang duyan na aking binuo ay naroon padin sa hardin niya.

Nakita kong ginagamit iyon ng aming anak at ako’y tuwang tuwa, hindi ko maipaliwanag ang aking nadarama.

Muli naman akong panandaliang nawala sa piling ni Kath sapagkat binabantayan ko rin ang kanyang katawan doon sa America. Sinisigurado kong nasa mabuting kalagayan ang kanyang katawan nang sa gayo’y kung sakaling mabuhay man siyang muli, ay magiging maayos ang panibago niyang buhay sa lupa.

At sa aking pagbabalik sa pagbabantay sa kaluluwa ni kath na nabubuhay ngayon, nakita ko ang pagdampi ng mga labi ni Daniel at Katherine. Nagulat ako sa nangyaring iyon. Naguguluhan ako sapagkat ang aking alam ay hindi iyon maaari sa mga anghel at tao.

Kapag patuloy pang nagkamabutihan ng loob ang aking anak at si Kath, maaaring isa sa kanila ang tuluyang maging anghel sa langit.

Maaaring ang aking anak na si Daniel, dahil siya’y anak ko kaya’t may dugo rin siyang anghel o maaari ring si Kath at tuluyang hindi magising ang kanyang katawan sa America.

Kahit ano sa dalawa’y ayaw kong mangyari. Ayokong mangulila ang aking mahal na si Cecil ay ayoko din namang tuluyan nang maputol ang buhay ng aking inaalagaang si Kath. Mahal na mahal ng magulang niya si kath kaya’t ayokong mangulila sila sa kanilang anak. Kaya’t dapat akong gumawa ng paraan upang hindi sila magkamabutihan at isa sa kanila ang tuluyang mawala sa lupa.

Hindi maaaring isa sa kanila ang tuluyang mawalan ng buhay sa lupa pareho silang mahal ko. Gusto ko silang patuloy na mabuhay.

Kaya’t noong gabi, bago matulog ang aking alaga ay akin siyang muling kinausap. Nagulat siya sa bigla kong pagsulpot matapos ang ilang araw ng hindi ko pagpapakita sa kanya.

“Nakita ko ang nangyari kanina Kath.” Sabi ko pagkahiga na pagkahiga niya sa kama. Nagitla siya at napakunot noo. “Jerry? Long time no see! Alin ang nakita mo? Hehehe!” napakamot rin sya sa kanyang ulo.

“Yung paghalik mo kay Daniel, anong ibig sabihin non? Alam mo namang… bawal umibig tayong mga anghel sa tao hindi ba?” naupo ako sa kama, katabi niya.

“Paghalik? Kay DJ? Aaah! Iyon ba? Wala naman akong kahit anong gusting mangyari tungkol doon eh, nakita ko lamang iyon sa TV yung… paghalik kapag nakanguso. Akala ko kasi nagpapahalik si DJ.” Kinikilig kilig niya pang sabi.

Kahit hindi pa alam nitong alaga ko ang maaaring mangyari sa kanilang dalawa ni Daniel, alam kong doon din ito tutungo. Alam kong sa huli maaaring magkagustuhan sila.

“Basta Katherine ipinapaalala ko sayo HINDI TAYO MAAARING UMIBIG O MAGKARON NG KAHIT ANONG SERYOSONG RELASYON SA ISANG TAO. Maliwanag?” aking pangaral sa kanya.

“Katherine? Sinong Katherine? Alam ko naman yun Jerry eh. Di mo na ako kailangang pagsabihan.” Sabay humiga na siya sa kama ng tuluyan.

“Kath pala. Mali lang ako ng sabi ng pangalan. Osige sabi mo yan ha. Osya matulog kana at bukas panibagong araw mo nanaman ang magaganap.” Naglaho na ako ngunit narinig ko parin ang huling sinambit ni Kath.

“Osige Jerry… magandang gabi.”

When Angels Fall - FinishedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon