Kabanata 6

1.3K 50 4
                                    

  Ilang dipa na lang ang layo ko sa puno ng mapatigil ako sa paglapit. Bigla kasing nangalog ang aking tuhod. Sinlakas ng tambol ang pintig ng aking puso. Hindi ako makapaniwala sa aking nakita noon. Kinusot-kusot ko pa ang mga mata ko upang matiyak na hindi ako nililinlang ng aking paningin, lasing pa naman din ako. Bagamat may kadiliman ang paligid, pero sigurado ako, na ang lalaking nakatayo sa ilalim ng punong iyon ay si Jun. Siya ba ang secret admirer ko?

Hindi agad ako lumapit. Sobrang lakas ng kaba sa aking dibdib na para bang ako'y mabibingi. Hindi ko sukat akalain na si Jun na kaibigan ko, ang secret admirer ko. Nang humupa na ng kunti ang kaba ko ay sinubukan ko ng lumapit ngunit hindi ko rin naipagpatuloy dahil biglang sumulpot si Angela. Napaatras ako. Nagtago ako sa mayabong na halaman. Kitang-kita ko ang pagalaw ng balikat ni Angela tanda nag pag-iyak nito. Agad din naman siyang niyakap ni Jun na nauwi sa isang mainit na halikan.Sa tantiya ko mukhang may pinagtatalunan ang dalawa na ngayoy nagkabati na.

Ayaw kong magpaka-ipokrito. Nasasaktan ako sa aking nasaksihan. Kahit pa tanggap ko na ang relasyon ng dalawa ngunit bigla na lamang napungaw ang sakit na pinakatago-tago ko sa kaibuturan ng aking puso. Ang isa pang ikinasama ng loob ko ay ang pag-aakalang si Jun ang taong secret admirer ko. Anong saya kong nakita siya kanina sa ilalim ng puno. Dahil iyon kasi ang lugar na pagtatagpuan namin ng secret admirer ko. Iyong feeling na nakasakay ka sa isang eroplano ngunit ng nasa himpapawid na bigla na lamang ang pagbulusok nito sa lupa. 



Umalis na ako sa lugar na iyon at bumalik na ako sa loob. Kumuha ako ng tatlong lata ng pilsen. Tinungga ko iyon ng mabilisan. Gusto kong mabura sa aking isip ang nasaksihan ko kanina. Nawalan na rin ako ng ganang makipagkita pa sa secret admirer kong iyon. Kung gusto pa talaga niya, siya na ang bahalang lumapit sa akin. At kung sino man siya mukhang malabong magugustuhan ko siya dahil magpahanggang ngayon si Jun parin ang laman ng puso't isip ko. 


Maya-maya pa'y naramdaman kong para akong nasusuka gawa ng alak na ininom ko. Tumayo ako at pagiwang-gewang na nagtungo ng restroom. Hindi pa ako nakarating doon ay biglang umikot ang aking paningin, muntikan na akong matumba mabuti na lamang nasalo ako ni Melvin na nakasunod sa akin. Niyakap niya ako at napayakap din ako sa kanya. Nagpang-abot ang aming mga labi. At ewan ko ba, bigla ko na lang itinudo ang paghalik ko sa kanya na tinugon din naman niya. Dala marahil sa kalasingan naming dalawa. Agad din naman kaming kumalas sa isa't-isa ng biglang dumating si Jun.

"Ehemmmm, makikiraan lang!" Anito na hindi man lang nagawang tumingin sa amin. Nahimasmasan din naman ako. Sinundan ko siya ng tingin habang papasok sa loob ng CR. Gustung-gusto ko siyang sundan at upang magpaliwanag. Pero ano naman ang dapat kong ipaliwanag. Ang tungkol sa nakita niyang halikan namin ni Melvin? Heto na naman ako, balik sa pagiging assuming. Hindi ko maipaliwanag ang sarili kung bakit nag-iisip na nagseselos si Jun.

Nanaig parin ang kagustuhan ng puso ko na sundan siya. Pagkapasok ko sa loob, naratnan kong nakayuko si Jun sa sink. Gumagalaw ang balikat niya tanda ng matindinding pag-iyak. Mukhang naramdaman din naman niya ang presensya ko kaya daglian siyang naghilamos. Tumabi ako sa kanya at kunyaring naghihilamos din. Tinignan ko siya sa salamin. Nakita ko na namumula ang mga mata gawa ng pag-iyak.

"May problema ba?" Ang tanong ko sa kanya.

"W-wala..wala akong problema tol! Ang sagot din naman niya.

"Kilala kita tol, alam kong may mabigat kang dinaramdam. Bestfriend mo ako, bakit hindi mo sabihin sa akin. Para naman gumaan ng kunti ang pakiramdam mo Hirap kasing sulohin mo lang!" Pagpupumilit ko pa.

At doon na niya ipinagtapat na nagkaroon sila ng kunting alitan ni Angela. Tama nga ako sa aking hinala nung makita ko sila sa ilalim ng puno kanina, may pinagtatalunan nga sila, kung anuman iyon ay hindi ko na inalam pa bilang respito sa privacy niya.

"Ka-kayo na ba ni Melvin?"

Nagulantang ako sa tanong niyang iyon. Parang napakahirap sagutin gayung napakadali lang naman ng tanong. Gustong kong tumanggi na "hindi" dahil iyon naman talaga ang totoo. Sa kabilang banda naisip ko rin na baka iisipin niya na napakalandi ko naman. Bakit ko nagawang makipaghalikan sa taong hindi ko naman karelasyon. Ano iyon, libog lang? Ayaw kong bumaba ang tingin niya sa akin. Kaya ang naging sagot ko sa kanya ay, "Oo!" Na siyang pagdilim ng kanyang mukha. Kinuyom niya ang mga palad. Iyon bang parang nabasted ka ng taong iyong nililigawan.

Hindi ko makuha ang ibig sabihin ng kanyang reaksiyon. Tanungin ko na sana siya ngunit biglang dumating si Melvin. Na andyan lang pala sa malapit sa amin, nakikinig sa aming usapan. Abot-langit pa ang ngiti nito nang umakbay sa akin. Natitiyak kong gawa iyon sa pag-amin ko kay Jun na naging kami na ngunit hindi naman talaga. At kailangan ko na iyong paninindigan. Hindi ko na iyon kailangang bawiin. Alam kong mahirap pero kailangan kong turuan ang aking puso na maibaling ang pintig nito kay Melvin. Alam ko na ang pag-ibig ay kusang nararamdaman. Ngunit sa kabilang banda, pwede rin naman sigurong mapag-aaralan.

"Sana tol, huwag mong pababayaan ang bestfriend ko. Mahalin mo siya gaya ng pagmamahal ko sa kanya!" Ang wika ni Jun na para bang ipinauubaya na niya ako kay Melvin.

"Makakaasa ka tol. Mahal na mahal ko ang bestfriend mo. Gagawin ko lahat ng makakaya ko para maging masaya siya!" Ang tugon din naman ni Melvin. At pagkatapos nagkamayan na ang dalawa. Para tuloy akong isang dilag na nililigawan ng dalawang lalaki. At ng sagutin ko na ang isa sa kanila, nagkamayan na sila tanda ng pagiging isport

Naging matagumpay ang prom namin.Isa iyon sa okasyon na nangyari sa aking buhay na hindi ko malilimutan. Hindi ko rin inakala na sa gabi ding iyon magiging kami na ni Melvin, parang ambilis lang, dahilan lamang para mapagtakpan ko ang sarili sa kahihiyan. Sana nga matutunan kong mahalin si Melvin. Halos hindi naman magkalayo ang katangian nila ni Jun. Isa pa magkakilala na kami noong mga bata pa kami. Kinakapatid ko siya, iyon na lang siguro ang iisipin ko para matutunan ko siyang mahalin.

Balik normal ulit kami sa aming buhay estudyante matapos ang prom. Bagamat kami na ni Melvin, hindi parin nagbago ang samahan namin ni Jun. Nariyan parin iyong nakagawian naming gawin tuwing araw ng Sabado at Linggo. Ang pagbibisikleta at paliligo sa lawa. Hindi naman iyon ipinagbawal sa akin ni Melvin sapagkat naiinntindihan naman niya iyon dahil sa lalim ng aming samahan ni Jun. Alam din niya na kahit naging kami na, si Jun parin ang tinitibok ng puso ko. Pero ayos lang daw iyon sa kanya, ang mahalaga masaya ako. Iyon daw kasi ang naipangako niya kay Jun, gagawin niya ang lahat mapaligaya lang ako. Kaya daw niya maghintay sa panahon na mahagilap ko na siya sa puso ko. Sa totoo lang, touched din ako sa sinabing iyon ni Melvin. Iba rin ang pamamaraan niya pagdating sa pag-ibig. Hindi ko inakala na kaya niyang magpakamartir alang-alang sa pagmamahal niya sa akin. Ipinagdasal ko na sanay matutunan ko na siyang mahalin. Dahil ang tulad niya ay bihira na lang matagpuan sa ngayon, sa mundo naming mga alanganin.

Puspusan na ang aking pagre-review dahil ilang araw na lang final exam na namin. Isinantabi na muna namin ni Jun ang aming nakagawiang paliligo sa lawa ng sumapit ang araw ng Sabado. Ngunit andoon pa naman kami sa ilalim ng puno ng akasya upang pag-aralan ang mga notes namin.

Marami din kaming napag-usapapan bukod sa aming mga aralin. Isa na doon ang pag-aaral namin ng College. Napagkasunduan namin na doon mag-enrol sa State University sa aming lugar. High-standard din naman ito at nasa malapit lang. At para patuloy parin naming makakasama ang isa't-isa. Pareho kami ng kursong kukunin, Civil Engineering nang saganun magkaklase parin kami. Sobrang tuwa ko noon dahil hindi kami magkahihiwalay ni Jun.

Sumapit ang araw ng aming graduation. Nagtapos akong Valedectorian ng aming batch.Si Angela ang Salutatorian. Si Melvin ay First honorable mention at si Jun na bagamat transferee ay nasungkit parin niya ang ikalimang karangalang banggit. Magkahalong tuwa at lungkot ang aking nadarama sa mga oras na iyon. Tuwa dahil sa wakas natapos ko narin ang apat na taon ko sa haiskul at nakamit ko pa ang pinakamataas na karangalan. Lungkot dahil lilinsanin ko na ang paaralang isa sa humubog sa aking pagkatao. Samot saring mga ala-ala ang naikintal sa aking isip ng paaralang iyon na babaunin ko sa pagtahak ng panibagong landas. Isa sa pinakamasayang araw ko ay noong nakilala ko si Jun. Ang kaibigan kong nakabihag ng aking puso. Hindi man naging kami, pero langit na ring maituturing na maging matalik na kaibigan niya.

Matapos ng aming graduation ay dumeritso na kami sa aming bahay. Inimbita ko sina Melvin, Jun at Angela dahil ipinaghanda ako ng munting salo-salo nina Itay at Inay dahil sa aking pagtatapos. Alam kung may handaan rin sa kani-kanilang bahay pero nagpumilit ako, bagay na hindi nila nagawang tanggahin. Walang puknat ang aming mga biruan at tawanan habang kami at kumakain. Pagkatapos naming kumain ay dumiritso kami sa sala at nag-videoke. Si Melvin ang unang nakapili ng kakantahin. Tumayo pa talaga siya sa gitna at sumigaw ng, "Good evening Araneta!" Aba parang concert lang sa "The Big Dome". Tawanan kaming lahat pati mga imbitado naming mga kapitbahay.

Love LetterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon