Inakala kong iyon na lamang ang problemang kinakaharap ko, kung paano matatanggap ni Itay ang relasyon namin ni Melvin. Ngunit may iba pa pala na mas malala. Hanggang kailan pwedeng takasan ang tunay na nararamdan? Hanggang kailan pwedeng ilaban at isuko ang tunay na pagmamahal? Alin ang mananaig, ang unang pag-ibig? O ang ikalawang pintig?
"Nay, alis na ho kami!"
Ang sambit ko kay Inay isang umaga. Babalik na kasi kami ni Melvin sa Maynila. Nahagip ng tingin ko si Itay sa may sala, kasalukuyang nililinis ang kalibre 45 niyang baril. Isang simpleng pamamaalam lang ang nasambit ko kay Itay, hindi ko na muling binanggit pa ang tungkol sa aming relasyon ni Melvin dahil baka mawala pa ito sa tamang pag-iisip at pagbabarilin pa kami. Masakit sa loob ko na umalis na may sama ng loob sa akin si Itay. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagkaroon kami ng tampuhan. Pero hindi ko naman siya masisisi. Nag-iisa lang akong anak. Wala siyang mapagbabalingan na puwedeng mahingan ng apo kundi ako lang. Matagal na niyang pinapangarap iyon.
"Benjie!" Narinig kong tinawag ni Itay ang pangalan ko ng palabas na kami ng pinto. Napatigil ako. Nagpatuloy si Melvin sa paglakad dahil batid niyang kakausapin ako ng Itay. Ngunit napatigil din siya ng tinawag din siya nito Nagkatinginan kami. Umupo kami sa tapat ni Itay.
"Melvin, sigurado ka ba sa nararamdaman mo kay Benjie!" Ang tanong ni Itay habang nakayuko itong pinapakintab ang baril.
"Opo Tay!" Taas noong tugon ni Melvin kinuha pa niya ang palad ko at hinawakan iyon ng mahigpit.
"Ikaw naman Benjie, sigurado ka na ba sa buhay na pinili mo. Si Melvin na ba talaga ang gusto mong maging kabiyak. Ayaw mo na ba talaga sa babae?" Baling ni Itay sa akin. Kinakabahan man pero malakas ang loob kong sinagot si Itay. Kailangan kong manindigan.
"Sigurado po ako Tay. Mahal ko po si Melvin.Mali man sa paningin ng iba ang aming relasyon pero wala na akong pakialam pa. Kaligayahan ko ang nakasalalay dito. Patawad po pero hindi ko kayang ipilit sa sarili na ibaling sa isang babae ang aking pagmamahal. Dahil ganito na po ang pagkatao ko. Si Melvin po ang aking kaligayahan!"
"Kung ganun....." Sabay kasa ng kanyang baril. Bigla kaming nagkatinginan ni Melvin. Kinabahan.
"....sino sa inyo ang bakla!"
"Ako ho!" Sabay naming sagot ni Melvin.
Nagpabaling-baling ng tingin sa amin si Itay. Gumuhit ang gitla sa kanyang noo. Napapailing. Saka humugot ng isang napakalalim na hininga.
"Ano na ba ang nangyayari ngayon sa mundo. Bakla sa bakla na pala ang labanan ngayon. O siya lumakad na kayo at baka magbago pa ang isip ko at pagbabarilin ko kayo!"
"Tanggap na ho ninyo ako Tay? Hindi na kayo galit sa akin?"
"Galit?, hindi. Nagtatampo...oo, pero may magagawa pa ba ako? Anak kita. Sa amin ng Inay mo ikaw nanggaling, hindi ko iyon maitatwa, kaya wala na akong ibang pwedeng gawin kundi ang intindihan ka at tanggapin ang pagkataong meron ka. Tanggap ko na ang relasyon ninyo ni Melvin, nasa sa inyo na ang aking basbas!"
BINABASA MO ANG
Love Letter
RomanceNoong nagbibinata ako, alam kong naiiba ako sa mga kabataang lalaking katulad ko na lingid sa kaalaman ng aking mga magulang Pero hindi diyan iinog ang kwento ko kundi sa lihim kong pag-ibig para sa isa kong matalik na kaibigan. Si Jun. Ngunit ang p...