Kabanata 10

1K 47 7
                                    

  May bisita ka pala Hon!" Narinig kong sabi ng lalaki sa likuran ko. Buong-buo ang boses nito. Mukhang nagmature na nga siya dahil pati boses nito nag-iba na. Dadding-daddy na.


Nagulat naman ako ng makaharap ko na siya. Tumabi siya ng upo kay Angela. Nagpabaling-baling ako ng tingin sa dalawa. Kay laki na nga ng pinagbago niya na halos hindi ko na nakilala.


"Jc?" Ang pagkagulat ko ng mamukhaan ko ang lalaking kaharap ko na asawa ni Angela.


"Benjie, sinasabi ko na nga ba hindi mo ako agad makilala e, lumubo na kasi katawan ko. Di gaya ng sa'yo gumanda na ang katawan, mas lalong naging gandang lalaki pa!" Ang pabirong tinuran ni Jc sa akin. Hindi naman tungkol sa paglobo ng katawan niya ang ikinabigla ko kundi sa kung paano naging sila ni Angela gayong sa pagkakaalam ko si Jun ang naging long term boyfriend nito. Anong nangyari sa relasyon nila? Bakit sila nagkahiwalay?


Hinintay ko na muna na umalis si Jc sa aming mesa bago ko isatinig ang mga katanungan sa aking isip kay Angela at maya-maya lang, nagpaalam na si JC na pumasok muna sa loob ng kanilang office para i-set-up ang wifi.


"Paanong naging kayo ni Jc? Diba going strong ang relasyon ninyo ni Jun noon?" Hindi ko na napigil ang sarili na huwag mag-usisa bagay na hindi naman ikinagulat pa ni Angela. Mukhang inaasahan na niya na magtatanong ako.


"Matagal na kaming wala ni Jun, Ben. Winakasan niya ang relasyon namin sa mismong gabi ng prom natin noon!" Ang pagsisimulang paglalahad ni Angela.


"Ano? Pero bakit? Mukhang ayos naman kayong dalawa pagkatapos ng prom hanggang sa gumraduate tayo ah, ang sweet nyo pa nga noong inimbita ko kayo sa bahay matapos ang graduation natin!?"


"Dahil iyon ang kahilingan ko sa kanya, na magkunwari kaming kami parin hanggang sa matapos ang graduation natin dahil ayokong maging tampulan ng mga tsismis. Pero ang totoo niyan, gaya ng sinabi ko, hiwalay na kami noong gabi ng prom. Matapos ang kotilyon sinabi niya sa akin na tapos na daw kami. Inaasahan ko na iyon dahil batid kong kulang ang pagmamahal na nararamdaman niya sa akin noong kami pa. Masasabing one sided love affair ang naging siste ng relasyon namin noon, bagay na pinagtiisan ko dahil sobrang mahal ko siya. Pero napakasakit pala pag sinabi na mismo ng taong mahal mo sa iyong harapan na tinatapos na niya ang inyong relasyon na walang sapat na dahilan!"


Nakita ko ang pamumula ng mga mata ni Angela habang ikinukwento niya sa akin ang mapait niyang karanasan sa piling ni Jun. Ramdam kong magpahanggang ngayon andoon parin ang pilat sa puso niya na iniwan ng dati kong kaibigan kahit siya ay nagkapamilya niya.


"Sinabi ba niya kung ano ang dahilan niya kung bakit niya nagawa iyon sa iyo?" Hinawakan ko ang palad niya bilang simpatiya sa masakit niyang nakaraan.


"Oo, noong gabi ding iyon. Nakita ko siyang nakatayo sa ilalim ng punong kahoy sa labas ng hotel. Sabi niya sa akin doon daw sila magkikita ng taong matagal na niyang lihim na minamahal!"


Pakiramdam ko ay may biglang mabigat na bagay ang nakadagan sa aking dibdib sa sinabing iyon ni Angela, kung totoo man ang sinabi nito, hindi kaya si Jun ang secret admirer ko noon? Sa ilalim kasi ng punong iyon dapat kami magkikita ng secret admirer ko na naudlot dahil andoon si Jun ng nagpunta ako doon. Napainom ako bigla ng iced tea para mapakalma ang sarili. Patuloy na nagsasalita si Angela.

Love LetterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon