Naging sikat na nga si Jun sa buong Campus mula ng manalo siya bilang bagong Mr. Campus ng aming paaralan. Kaliwa't- kanang "Hi" ang sumasalubong sa kanya kahit saan siya magpunta. Mas dumarami pa ang nagka-crush sa kanya na mga kababaihan at mga bakla sa school namin. Nagkaroon na rin siya ng maraming kaibigan na kasa-kasama bukod sa akin. Kung dati dadalawa lang kami na kumain sa recess at pananghalian, ngayon may iba ng sumasama sa amin na kadalasan mga kaklase naming babae. Isa na doon si Angela. Maganda, sexy at matalino pa. Kumbaga beauty and brain. Lahat ng lalaki sa campus ay luluwa ang mata pag makita siyang dumaan.
Napapansin kong mas naging close na sila ni Jun. At ramdam ko rin na may lihim siyang pagtatangi sa aking kaibigan. At mukhang ganoon din naman si Jun sa kanya. Hindi man nila aminin pero halata naman sa mga ikinikilos nila. Minsan nahuhuli ko pa nga ang malagkit nilang titigan sa isat isa. May mga bulong-bulungan pa nga na may nakakita raw sa dalawa na kumain sa isang fastfood. Para namang sinaksak ng napakatalim na kutsilyo ang aking dibdib ng marinig ko ang balitang iyon na bagamat chismis lang at hindi sigurado kung totoo nga pero hindi naman malayong mangyari ang bagay iyon. Guwapo si Jun at maganda si Angela. Para silang isang loveteam sa pelikula at bagay na bagay sa isat-isa. Perfect match talaga. Kahit ganunpaman, lagi parin naman kaming magkasama ni Jun sa loob at labas ng klase. Sabay parin kaming kumain sa recess at pananghalian. Tuloy parin kami sa aming nakagawian tuwing hapon ng sabado at linggo. Ang pagbibisikleta, paliligo sa lawa at ang aming mga harutan, biruan at walang puknat na kwentuhan sa ilalim ng puno ng akasya habang pinapanood namin ang magandang paglubog ng araw.
Isang araw, matapos ang praktis namin sa isang sayaw para sa aming PE exam ay nagmamadali akong bumalik sa aming classroom para kunin ang naiwan kong wallet sa bag. Recess na din kasi iyon at kailangan ko ng pera para makabili ng makakain. Wala pa ang iba kong mga kaklase kaya pakanta-kanta pa akong pumasok sa aming silid. Ngunit napatda ako sa aking nakita. Hindi agad ako nakagalaw. Parang binusalan ang aking bibig. Parang tinaga ng makailang ulit ang aking puso. Nahuli kong magkayakap si Jun at Angela at parang nakakita ng multo noong ako ay pumasok. Hindi ko na napigilan pa ang aking mga luha. At upang hindi nila mapansin iyon kaagad akong tumalikod at nagwikang "Sorry" at patakbo akong nagtungo sa likurang bahagi ng aming paaralan na kung saan may matatayog na mga puno na nakatirik doon. Alam kong hindi na gaanong nagagawi ang ibang mga estudyante doon kaya malaya kong pinakawalan ang aking mga luha. Doon ako umiyak ng umiyak para mailabas ang sakit na nararamdaman.
Alam kong wala ako sa posisyon para magselos o magalit sa aking nakita dahil hindi naman kami ni Jun. Wala kaming relasyon bukod sa pagiging mag-bestfriend. Wala akong karapatan para pagbawalan siya sa kung sino man ang kanyang gustuhin o mamahalin. Sino ba ako? Isa lang naman akong kaibigan na lihim na umiibig sa kanya. At ang tang-inang pusong ito ay ayaw paawat kahit ilang beses kong pagsabihan na hindi pwedeng maging kami kahit kailan. Hindi ako ang nababagay sa kanya.
Isang babae, at si Angela iyon. Ano ba ang laban ko sa isang babae na may boobs, na may matris, at ako isang lawit lang ng kagaya din ng sa kanya.Pero tao lang din ako, may damdaming nasasaktan. Marunong ding umibig at umaasang iibigin din at tatanggapin ng buo sa kabila ng aking pagiging ganito.Pero may tao pa kayang ganoon. Sa pagkakaalam ko, ang katulad namin ay piniperahan lamang ng mga kalalakihang nagigipit. Hinuhuthutan at pagkatapos makuha ang gusto, ay iniiwan. Ang ending, nganga!
Nasa kasagsagan ako ng aking pag-iiyak ng biglang may tumapik sa aking balikat. Kinabahan ako, inisip ko na baka si Jun iyon na sinundan ako at itatanong kung bakit ako umiiyak. Baka nahalata nito ang pagseselos ko kay Angela. Naku, naloko na.
"Ayos ka lang ba Benjie?" Nakahinga naman ako ng maluwang ng marinig ko ang boses na iyon. Si Melvin iyon at hindi si Jun.
"A-ayos lang ako.Nawala ko kasi ang perang ipinadala ni Inay para pambayad ng kuryente. Malalagot ako pagnalaman niya iyon!" Pagdadahilan ko pa para hindi na lumaki pa ang usapan. Pero mukha namang hindi kumbinsido si Melvin. Nakita kong kumunot ang noo nito at muling nagtanong.
![](https://img.wattpad.com/cover/58485690-288-k738394.jpg)
BINABASA MO ANG
Love Letter
RomanceNoong nagbibinata ako, alam kong naiiba ako sa mga kabataang lalaking katulad ko na lingid sa kaalaman ng aking mga magulang Pero hindi diyan iinog ang kwento ko kundi sa lihim kong pag-ibig para sa isa kong matalik na kaibigan. Si Jun. Ngunit ang p...