TAHIMIK ang bahay namin pag-uwi ko. Nakasara ang mga bintana at pinto. Pagkapasok ko sa hindi naka-lock na kinakalawang na gate ay napansin ko na agad na parang wala si Nanay. Nagtaka ako. Sa ganoong oras ay hindi na siya umaalis pa. Nasa bahay na siya. Tapos na sa maraming trabahong ginagawa niya sa araw araw. Hindi tumitigil sa bahay si Nanay. Naglalako ng kung ano-ano, naglalabada, naglilinis ng malalaking bahay sa kakilala ng mga kakilala niya, nagmamasahe ng mga nirarayuma, naggugupit ng buhok at minsan ay manikurista pa.
Super woman si Nanay Liona. Hanga ako sa tatag at tibay ng loob niya. Mula nang mawala ang ama ko ay inako na niya ang maging ama at ina sa akin. Busy man lagi, hindi siya nagkulang sa akin pagdating sa atensiyon at pagmamahal. Marami man ang kulang sa buhay namin, mas mahalagang nararamdaman ko ang buong-buong pagmamahal niya—sapat na iyon para magsikap rin ako para sa aming dalawa. Sa ngayon, ang magagawa ko lang ay mag-aral nang mabuti at tulungan siya sa mga trabahong inuuwi niya sa bahay.
"Nay?" tawag ko, paisa-isa ang hakbang ko papasok sa lumang bahay na iyon na hindi talaga sa amin. Sa matalik na kaibigan at kababata iyon ni Tatay na matandang binata at nasa ibang bansa—si Domingo Dacierna. Libre ang pagtira namin sa bahay na iyon hanggang hindi pa dumarating ang kapatid ni Kuya Domingo. Katatapos ko lang ng elementarya nang lumipat kami sa Angeles City mula sa Quezon Province, ang probinsiya ni Tatay. Nawalan kami ng tahanan dahil sa bagyo. Nag-alok ng tulong si Kuya Domingo. Siguro, wala na rin namang pagpipilian si Nanay kaya pumayag na. Ilang linggo pagkalipat namin, may dalang good news si Nanay. Mag-aaral ako sa Highschool sa isang private school. May sasagot sa pag-aaral ko.
Ang St. James Academy ang school na iyon—na 'forest' pala ang totoong mukha kapag nasa loob na ng campus ang isang baguhang gaya ko. Hindi ko kilala ang sponsor ko na siguro ay influencial kaya walang hirap akong nakapasok. At doon na nagsimula ang journey ko sa St James. Natapos ang isang taon na wala akong naging kaibigan. Bawat isa sa mga classmates ko, may kanya kanyang grupo. Sila sila ang magkakasama. Ramdam kong wala akong lugar sa alinmang grupo. Nakikita ko rin ang kaibahan ko sa lahat. Para akong damong ligaw sa lugar na iyon ng magagandang bulaklak. Kaya naman hindi na nakakagulat na inaapak-apakan lang ako. Maraming beses na ginusto kong tumigil na lang pero kapag naiisip ko ang mga sakripisyo ni Nanay, nagkakaroon ako ng lakas na harapin uli ang susunod na araw ko sa St. James.
Sa isip ko, na-survive ko ang isang taon. Buhay akong lumabas ng St. James bitbit ang report card ko na may matataas na grades sa bawat subject. Bakit ako susuko na lang? At nang makita kong naluluha si Nanay sa tuwa matapos makita ng grades ko, para akong character sa isang computer game na naubusan na ng life at na-recharge uli—handa na namang lumaban.
Ngayon nga, second year na ako. Ang mga 'beast' last year, ka-section ko pa rin. Ayos lang. Kahit ilang forest pa ang mapuntahan ko, kapalit ng nakita kong saya ni Nanay pagkatapos niyang makita ang report card ko, paulit-ulit kong titiisin ang mga 'attack' ng mga beasts. Masakit man dahil wala akong 'shield' at wala akong ka-team, okay lang. Hindi naman siguro mauubos ang life ko. Makakalabas pa rin ako sa forest na may natitira pang energy at life.
"Nanay!" malakas na ang pagtawag ko. "Nay? Nandito na po ako—" isang babaeng sa hula ko ay nasa fifty's na ang edad ang nakita kong lumabas galing sa pinto sa kusina. Hindi ko siya kilala. Nagtaka ako. Sigurado akong galing siya sa kusina ng bahay namin.
"Ikaw si Leia?" naunahan niya ako.
Tumango ako, nagtataka pa rin. "Sino ho kayo?" hindi ko na natiis na hindi magtanong. "Nakausap n'yo ba si Nanay bago umalis?"
Tumango ang babae. "Maricela," sabi ng babae. "Kapatid ko si Domingo."
Si Kuya Domingo...
BINABASA MO ANG
Leia's Diary By: Victoria Amor (COMPLETED)
Teen FictionForest ang tawag ni Leia sa St James Academy-ang Academy ng mayayaman kung saan siya naka-enroll sa tulong ng isang sponsor. Ang mga Jamie, mga babaeng estudyante ng St. James at Jamo-mga lalaking estudyante, ay witches at beast ang tawag niya. ...