Three months later...
HINDI itinuloy ng dalagitang si Leia ang pagpasok sa silid ng ina nang marinig niya ang pag-uusap ng pamilyar na mga boses.
"Salamat, Liona. Hindi ako nagkamali sa naging desisyon ko." boses ni Tita Amelia mula sa loob. Sa bahagyang nakaawang na pinto ay nasilip ni Leia na magkatabi ang kanyang ina at ang ginang. Nakaupo ang dalawa sa kama at seryosong nag-uusap.
"Ako dapat ang magpasalamat, Amy. Sa lahat ng tulong mo sa amin ng anak ko."
"Kapalit ng isang taong pagtitiis n'yo ni Leia sa anak ko, wala 'yon, Liona. Alam ko kung gaano kahirap pakisamahan si Ross."
Napangiti ng lihim si Leia, naalala ang mga eksena sa pagitan nila ni Ross. Hindi siya dapat nakikinig sa usapan ng matatanda pero natukso siya nang ilang minuto pa.
"Mabuting bata ang anak mo. Matalino at marunong rumespeto. Pilyo oo, pero hindi siya takot tumanggap ng pagkakamali kapag alam niyang hindi na tama ang nagawa niya."
Saglit na katahimikan.
"Ako ba ang nagkulang, Liona? Masyado ba akong naging abala sa maraming bagay kaya napalayo sa akin ang loob ng anak ko? Hindi ko na matandaan ang huling beses na naintindihan namin ang isa't-isa. Hindi ko alam kung saan ako nagkamali, kung ano ang naging pagkukulang ko bilang ina para humantong sa ganito ang lahat. Naging tila bato ang anak ko, batong paulit-ulit na ibinabagsak ang sarili para mabasag. Nagkulong siya sa sarili niyang mundo, itinutulak palayo ang lahat nang nagtatangkang lumapit. Gusto ko siyang maintindihan, Liona, pero bigo ako. Lalo siyang lumayo hanggang sa hindi ko na siya maabot."
"Marahil ay nagkulang lang kayo sa pag-uusap," mababang sabi ng Nanay ni Leia. "Sa isang taon ng anak mo rito, bukod sa maraming beses niyang pinaiyak si Leia sa inis noong mga unang buwan niya rito ay wala akong maipipintas kay Ross."
"Siguro nga, mas mabuti kang ina kaysa sa akin," ang tono ni Tita Amelia ay tila nasasaktan. "Para iwan ako ng sarili kong anak sa mismong araw ng Pasko para bumalik sainyo, naisip kong ako talaga ang may pagkakamali, Liona. Ako ang may pagkukulang."
Hindi umimik ang nanay ni Leia. Sumilip ang dalagita, nakita niyang hawak ng kanyang ina ang kamay ni Tita Amelia. "Gusto kong sa Maynila mag-aral ng kolehiyo si Ross pero sa nakikita kong pagbabago sa anak ko, natitiyak kong sampung beses niyang susuwayin ang gusto kong mangyari."
"Ikaw ang ina," sabi ng nanay ni Leia. "Ikaw ang nasunod noong ginusto mong dito siya mag-aral. Ngayon ka ba titiklop sa unico hijo mo? Manang-mana sa 'yo si Ross, Amy. Pareho kayong matigas ang ulo."
Natawa si Tita Amelia. Tumawa na rin ang nanay ni Leia. Doon na pinili ng dalagita na putulin ang pakikinig.
HINANAP ko sa paligid si Ross pagkatapos ng hindi ko sinasadyang pakikinig sa usapan ng mga ina namin. Nakita ko siyang nasa garden, nakahiga sa Bermuda, suot pa rin ang pang-ilalim na damit sa suot suot niyang toga kaninang hapon.
Araw iyon ng graduation ng bad boy. Kung natuwa kami ni Nanay, mas natuwa si Tita Amelia na sa wakas ay nakapagtapos na si Ross. Hindi iilang school ang pinasukan niya at iniwan na lang—ang dahilan kaya siya nasa St. James nang School year na iyon.
Tahimik na lumapit ako kay bad boy. Napansin kong hindi na naka-butones ang long-sleeves niya, may pang-ilalim naman kaya hindi akonailing na lumapit. Umupo ako sa tabi niya.
BINABASA MO ANG
Leia's Diary By: Victoria Amor (COMPLETED)
Teen FictionForest ang tawag ni Leia sa St James Academy-ang Academy ng mayayaman kung saan siya naka-enroll sa tulong ng isang sponsor. Ang mga Jamie, mga babaeng estudyante ng St. James at Jamo-mga lalaking estudyante, ay witches at beast ang tawag niya. ...