Chapter 8

517 13 0
                                    

NAGTATAKA ako kay bad boy. Hindi ko sure kung masama o mabuti ba ang iniisip niya tuwing ginagawa niya iyon—ang pasulyap-sulyap sa akin na hindi ko alam kung ano ang meaning. Napapansin kong madalas niyang ginagawa iyon—kapag nagbe-breakfast kami, kapag isinasabay niya ako sa kotse, kapag nagkikita kami sa mga favorite spots ko sa St. James at sa ilang beses na magkaharap kami sa library at parehong nagbabasa ng book. Ilang beses kong nahuling lampas ang tingin niya sa book, sa akin siya nakatingin pero nang mahuli ko ay walang reaksiyon. Nagbawi lang ng tingin bago itinuloy ang pagbabasa sa hawak na book.

Naisip kong naghahanda siya sa susunod na kalokohang gagawin. Mas mag-iingat na lang ako. Kung tumingin kasi siya, para talagang may iniisip gawin na hindi ko mahulaan kung ano. Nagiging iba na rin tuloy ang heartbeat ko kapag nahuhuli ko siyang nakatingin sa akin.

Napansin ko rin na mas tahimik ang bad boy. Mas madalas pang gawin ang pagsulyap-sulyap kaysa magsalita.

Buong linggo akong nakiramdam, nag-abang ng kalokohang gagawin niya pero wala. At pagsapit ng weekend, gusto niya akong isama sa Tagaytay. May project daw na gagawin ang grupo niya. Hindi ko alam kung anong klaseng project at kailangan ay sa Tagaytay pa.

Nagdalawang-isip akong sumama. Baka iyon na ang araw na pinaghandaan ng bad boy. Isasama niya ako para malayo kay Nanay. Wala akong kakampi sa Tagaytay. Magagawa niya sa akin lahat ng kalokohang iniisip niya.

"Marami akong assignments," ang sinabi ko nang sabihin ni Ross na kailangan kong sumama. Marami daw siyang bibitbitin at kailangan niya ng 'alalay'. "May long quiz kami sa Lunes," kahit wala naman.

"Mas tahimik sa hotel," sabi niya. "Mag-aral ka habang nasa brainstorming ako with our group."

"Ayoko pa rin," nagkunwaring nagbuklat ako ng notebook. Nasa kuwarto siya nang oras na iyon. Hindi ako lumabas kaya kinatok niya ako. "Busy ako," sabi ko pa. "Minsan ka lang naman walang yaya, eh. Ang laki mo na, kaya mo nang mag-isa."

"Hindi ka busy," ang sinabi niya pagkatapos nang mahabang pagmamasid sa akin. "Ayaw mo lang sumama sa akin, Leia."

Napatingin ako sa kanya, kasunod ay napalunok nang magtama ang mga mata namin. Bakit ba alam agad ni Ross kapag nagsisinungaling ako? Pakiramdam ko tuloy ay nababasa niya ang iniisip ko kapag tumitingin siya sa mga mata ko—na imposible naman. Hindi naman siguro bampira o kaya ay psychic ang bad boy. Bakit niya kaya nahuhulaan?

Umupo siya sa kama. Tahimik lang. Mayamaya ay tahimik na humiga, ginamit niya ang mismong unan ko. Nasa may ulunan niya ako nakaupo.

"Bakit ayaw mong sumama sa akin?" tanong niya.

"Ayoko lang..."

"Don't lie to me, sweet girl."

Sweet girl? Ako ba ang tinawag niyang sweet girl o may iba siyang babaeng iniisip? Hindi ako sumagot, nakatingin lang ako sa mukha niya habang iniisip ko kung ako talaga ang sweet girl na iniisip niya.

"Leia," sabi ni Ross. "Nagtatanong ako, sumagot ka."

"Busy nga ako!"

"Hindi ka convincing magsinungaling. Sabihin mo na lang ang totoo."

Katahimikan. Mayamaya pa ay umamin na rin ako. "Takot lang ako..."

"Sa akin?"

Umiling ako. "Sa iniisip kong posibleng gagawin mong mga kalokohan. Wala sa Tagaytay si Nanay, eh. Wala akong kakampi do'n. Magagawa mo sa akin ang kahit ano. Ayokong bigyan ka ng chance."

Marahang nag-angat siya ng tingin, hinanap ang mga mata ko. Matagal na nagtama lang ang mga mata namin at hindi siya umimik. Hindi ko alam kung bakit pero parang nagugustuhan ko nang tumitig sa mga mata niya.

"Kung sabihin kong wala akong gagawin, maniniwala ka, Leia?"

Agad akong umiling. "Hindi," sabi ko. "May gagawin ka. Hindi puwedeng wala. Ikaw pa! Lagi ka lang naghahanap ng chance, eh."

"Can't you trust me?"

Hindi ako sumagot. Nakatingin lang ako sa mga mata niya kasi parang may iba akong nararamdaman. Parang init sa dibdib ko na masarap sa pakiramdam. Ang tagal naming nagtitigan lang. Mayamaya ay inilahad niya ang isang kamay na tiningnan ko lang dahil hindi ko siya naintindihan.

Nakatingin lang ako sa kamay niya. "May hihiramin ka sa akin?"

Napangiti siya. Hindi ko alam kung para saan ang ngiting iyon. Ibinigay ko ang hawak kong ballpen.

"Kamay mo," sabi ni Ross, ibinaba sa kama ang ballpen.

"Kamay ko? Bakit?"

Hindi siya sumagot, tinitigan lang ako. May iba sa titig niyang iyon na di ko alam kung ano. May naramdaman akong ibang beat sa dibdib ko. Nabuhay ba ang beat na iyon dahil sa kakaibang titig niya?

Maingat na inabot ko sa kanya ang kamay ko. Maingat rin ang ginawa niyang paghawak. "Bakit ang liit ng kamay mo?"

Natawa ako sa tanong. "Ikaw, bakit ang lapad ng kamay mo?" balik ko naman.

Ngumiti siya. Nakakagulat pa rin na ngumingiti na ang bad boy. "Marami talaga akong alam na kalokohan, Leia," sabi ni Ross. "Pero mas marami akong alam na paraan para ingatan ka. You just have to let me do it." Maingat na hinagod ng daliri niya ang likod ng palad ko. "Trust me, will you? Hindi kailangang buo. Basta meron lang, okay na sa akin."

"Kung magtitiwala ba ako, hindi mo sisirain? Baka nag-iisip ka lang ng mas malupit na kalokohan, ah?"

"Hindi," sabi niya, parang may kung ano siyang tinititigan sa mukha ko kaya hindi niya inaalis ang tingin. Na-curious din tuloy ako kung ano'ng meron sa mukha ko nang oras na iyon. "Wala akong gagawing masama, Leia."

"Promise?"

"Hindi ako nagpa-promise," sabi niya. "Pero ginagawa ko ang sinabi ko."

Matagal na tumingin lang din ako sa mga mata niya. Hindi ko alam kung bakit mayamaya ay gusto ko na siyang pagkatiwalaan. "Ipagpaalam mo ako kay Nanay."

Ilang seconds na nakatitig lang siya sa akin at nakangiti. Napangiti rin tuloy ako. "Bakit? Ngingiti ka lang ba? Ipagpaalam mo ako!"

"Okay. Later."

"Bakit 'di pa ngayon?"

"Gusto ko munang mag-nap, Leia."

"Dito? Do'n ka sa room mo—"

"Mabilis lang," agap ni Ross. "Dito na lang sa room mo. 'Pag tulog na ako, puwede mo na akong gantihan." At marahan siyang ngumiti. Nagustuhan ko na naman ang ngiti niya, pati ang pagpikit ng mga mata. Parang gusto kong haplusin ang mukha niya. Ang gulo ng mga naiisip ko!

"Bad boy," pukaw ko sa kanya. "Do'n ka sa room mo matulog. Ross..."

Ang mahinang pagpisil sa kamay ko ang sagot niya.

Hindi na lang ako kumibo. Hindi ko na rin binawi ang kamay ko. Gusto ko rin kasi ang pakiramdam na hawak niya ang kamay ko. Iba ang warmth na galing sa kamay niya. Gustong-gusto ko ang init na iyon.

Leia's Diary By: Victoria Amor (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon