Chapter 3

788 17 0
                                    

TAHIMIK na ang buong bahay nang lumabas ako ng kuwarto. Walang tunog ang pagbaba ko. Dumeretso ako sa kuwarto ni Nanay na nakaawang pa ang pinto kaya alam kong gising pa siya. Mahina akong kumatok kasunod ang maingat rin na pagpasok.

Gising pa nga si Nanay. Nasa kama siya at nagbabasa ng lumang libro. Umupo ako sa tabi niya at nakibasa. Lumang libro tungkol sa mga home remedies pala ang hawak niya. Mahilig talagang magbasa si Nanay. Mula sa mga diyaryo na balot ng kung anumang binili niya sa palengke, hanggang sa mga librong natatanggap niya mula sa mga pinagtrabahuhan—lahat ay binabasa niya. Sa kanya ko natutunan na magandang hobby ang pagbabasa. Dagdag kaalaman na, malaking tulong pa sa recitation at biglaang essay quiz na tungkol sa current events na mas madalas ay ten points equivalent.

"O, gising ka pa?" baling niya sa akin, inayos ang suot na reading glasses. "Nagawa mo na ba lahat ng assignments mo?" mula noong nasa elementary pa ako ay lagi nang tanong iyon ni Nanay kapag late night na at gising pa ako. Natatandaan ko rin na mula nang pumasok ako sa St James, madalas ay halos sabay lang kaming gumigising nang madaling araw—ako para mag-aral tuwing may quizzes o kaya ay periodical tests at si Nanay naman ay para simulan nang maaga ang marami niyang trabaho. Sa matatataas na scores sa tests at quizzes lang ako nakakabawi sa pang-aapi sa akin ng mga 'beast' sa 'forest'. Napipilitan kasi silang pumapalakpak pagkatapos ng simpleng pagpuri ng professor namin. Pakiramdam ko, kapag napipilitan silang pumalakpak para sa akin, nakakaganti ako. Hindi ko kayang lumaban sa mga ginagawa nila dahil wala akong kakampi sa St James. Sa simpleng bagay man lang na iyon ay nakakaganti ako. At natutuwa rin ako kapag ang mga katabi kong 'witches' ay nanghahaba ang leeg para mangopya pero walang makuhang answers sa test paper ko. Inaral ko rin kasi ang pagtatakip ng mga sagot ko para di nila ma-steal. Nag-aaral ako hanggang madaling-araw para sa mataas na grades, ang bait ko naman para ipakopya lang sa kanila ang mga answers ko. 'Tapos paglabas ng professor namin, gagawan na naman nila ako ng kalokohan? Lalaitin na naman ako mula ulo hanggang paa? Iinsultuhin at pagtatawanan?

Tanggap ko lahat ng pang-aapi sa akin. Wala rin akong reaksiyon kahit paulit-ulit akong dinidikitan sa likod ng 'Pangit ako. Huwag lapitan' o kaya ay 'Pangit ako, layuan' Wala silang narinig na kahit ano. Totoo naman iyon. Hindi ako maganda. Hindi maganda ang kulay ko, ang buhok ko, ang mukha ko. Maitim ako kaysa sa kayumanggi. Naturally wavy ang buhok kong lampas balikat. Hindi matangos ang ilong ko pero hindi rin naman pango. Ang mga mata ko, bilog na bilog sabi ni Nanay. Hindi rin ako matangkad pero slim ako, siguro dahil sanay akong maraming ginagawa. Mas naglalakad rin kaysa sumasakay ng jeep kaya tagtag ang mga excess fats. Walang espesyal sa akin. Hindi ko kilala ang mga pampaganda at wala rin akong mga bagong damit. Ako ang naiiba sa St. James kaya hindi nakakagulat na ako ang laging pinapansin at nilalait. Hindi talaga ako 'belong' sa school na iyon.

Natatandaan kong ilang beses akong umiyak noong isang taon nang sinadya ng grupo ni Brixie na ipahid sa mukha ko ang eraser para naman pumuti raw ako kahit minsan lang. Iba't ibang masasakit na panlalait rin ang narinig ko kay Gabbi at sa grupo nito. Tiniis ko lahat. Nakuha rin ng mga ito ang ganti ko—ang walang makopya sa quiz at test. Hindi nila ako magawang takutin na gagawan ng kalokohan. Sanay na ako. Hindi na ako mas natatakot pa. Ang mababang scores nila sa mga test at quizzes ang ganti ko.

"Tapos na po, Nay..."

"Tapos na pala. Ano pa'ng ginagawa mo, Leia? Matulog ka na."

Hindi ako umimik. Hindi rin ako kumilos para lumabas ng kuwarto. Gusto kong marinig mula kay Nanay na hindi siya naniniwala sa mga sinabi Ross. At gusto ko rin malaman kung ano'ng nangyari sa iniwan kong eksena kanina.

"Hindi ka naman naniwala sa mga sinabi ni Ross, Nay, 'di ba?" sabi ko. "Sa akin kayo mas naniniwala 'di ba? Hindi po ako nagka-cutting classes..."

"Natural," agap agad niya. "Ikaw ang anak ko. Mas paniniwalaan kita."

Leia's Diary By: Victoria Amor (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon