Entry 4 for Round Two: Cul-de-sac

150 5 2
                                    

Genre: Spiritual-Mystery

Word Count: 1314

Takbo nang takbo si Juan patungo sa kung saan, walang matinong destinasyong tinatahak. Kung saan siya dalhin ng kaniyang mga paa ay doon lamang siya pupunta, tila hilong talilong sa mga nagaganap. Hindi magkamayaw ang pagtagaktak ng pawis sa kaniyang katawan sanhi ng pagtakbong kaniyang ginagawa. Lingon-takbo, lingon-takbo, hanggang sa umabot sa kung saan at abutan ng takipsilim sa daan. Ramdam na niya ang sakit ng kaniyang paa at pati binti niya'y pagod na sa aksyong ginagawa, sikmura niya ay nagsimula nang magreklamo sa pasakit na naranasan nito mula kahapon pa.

Unti-unting tinatakpan ng kadiliman ang maputing kalangitan hudyat ng pagtago ng haring araw at ang paglabas naman ng buwan. Tiyak niyang nagpupunyagi na rin sa dilim ang humahabol sa kaniya sapagkat ito ay mas mabilis nang makakapaghanap sa kaniya. Para itong hunyango na kayang-kayang magpalit ng kulay na naaayon sa kapaligiran.

"Juan malapit na ako, maabutan na kita." ang munting tinig ay nariyan na at tiyak niyang malapit na malapit na ito sa kaniya.

Binilisan niyang lalo ang pagtakbo upang hindi siya maabutan nito ngunit hindi pa man siya nakakalayo ay muli na naman niyang narinig ang munting tinig na iyon.

Hindi niya na ito pinansin at pinagpatuloy lamang ang pagtakbo.

"Huwag mo akong takbuhan dahil kahit na anong gawin mo ay mahahabol at mahahabol din kita." ang muling saad nito.

Tila naging bingi siya sa mga sinabi nito at pilit na inignora iyon.

"Layuan mo ako. Ayoko na sa iyo. Sawang-sawa na ako sa mga pagpapasakit mo." ang pasigaw niyang asik dito.

"Tandaan mong hinding-hindi kita lulubayan hangga't hindi mo ako hinaharap. Mananatili akong isang bangungot na unti-unting gigising sa 'yo at kapag hindi mo na kaya ang magiging pagdagan ko ay pipilitin mong gumising upang mabuhay lamang. At sa paraang iyon ay mapipilitan kang harapin ako kahit na labag sa loob mo." ang sagot nito sa kaniya.

"Ayoko," ang matigas at may diing saad ni Juan. "Hinding-hindi na muli ako haharap sa iyo. Sa pagtakas kong ito, sisiguraduhin kong makakalaya na ako ng tuluyan sa iyo." dagdag pa niya.

"Hindi mo alam ang sinasabi mo, Juan. Kahit makatakas ka ay hahabulin at hahabulin kita sa konsensya mo. Sinasabi ko sa iyo, para akong multong magpaparamdam at magpaparamdam sa iyo." ang huling saad ng munting tinig bago tuluyang marinig ni Juan ang mga yabag nitong palayo sa kaniya.

Nakahinga siya ng maluwag sa pagkakataong iyon, kusa rin siyang tumigil sa pagtakbo sa kaalamang wala nang humahabol sa kaniya.

***

MATAPOS nang huling tagpong namagitan sa kanila ay naging maayos naman kahit papaano ang naging takbo ng buhay ni Juan ngunit may mga pagkakataon pa ring hindi siya tinatantanan ng bangungot na paulit-ulit na gumigising sa kaniyang pagtulog.

"Tandaan mong hinding-hindi kita lulubayan hangga't hindi mo ako hinaharap. Mananatili akong isang bangungot na unti-unting gigising sa 'yo at kapag hindi mo na kaya ang magiging pagdagan ko ay pipilitin mong gumising upang mabuhay lamang. At sa paraang iyon ay mapipilitan kang harapin ako kahit na labag sa loob mo."

Tila muli niyang narinig ang munting tinig na iyon, sadyang hindi talaga siya nilubayan nito, hindi man literal ngunit hanggang sa konsensya niya ay binabagabag pa rin siya tulad na rin ng sabi nito. Hindi rin siya binigyan nito ng isang matiwasay na pagtulog dahil sa araw-araw ay nagpapakita at nagpaparamdam ito sa kaniya sa tulong ng masamang panaginip na nagdudulot sa kaniya ng matinding pag-iisip.

Katulad kanina, muli siyang nagising sa isang masamang panaginip buhat sa pagkakatulog. Hangos na hangos at tagaktak ang pawis. Sa isang madilim na lugar sa gitna ng kakahuyan ay walang direksyong tinahak ni Juan ang lugar. Takbo nang takbo kahit na ang mga paa niya ay pagod na. Pilit na tinatakasan ang taong sunod nang sunod sa kaniya. Pilit siya nitong sinasabihang harapin siya ngunit takot si Juan na ito ay makaharap. Takot siya sa maaaring maging parusa sa nagawa niya. Hindi pa siya handa ngunit kailangan dahil kung hindi ay hindi siya titigilan ng masamang panaginip na iyon.

Isang malalim na buntong-hininga ang kaniyang pinakawalan kasabay ng unti-unting pagpikit ng kaniyang mga mata. At sa pagpikit niyang iyon ay hindi maiwasan ang magpakita ang multo ng nakaraan.

"'Wag po itay, maawa po kayo sa akin.'Wag ninyo pong gawin sa akin ito." nagsusumamo si Anna sa kaniyang itay habang ito ay nagsisimulang maghubad sa kaniyang harap.

Walang tigil ang pagtulo ng luha sa kaniyang mga mata habang ang kaniyang itay ay sarap na sarap at tila hayok na hayok sa kaniyang katawan. Naging bingi sa bawat pagsusumano na kaniyang isinisigaw.

Gamit ang mapupulang mga mata ay tinignan siya nito ng masama at pilit na ibinusal sa kaniyang bibig ang damit niyang nawasak sa pagkakahubad.

"Shhh...'wag kang maingay, sandali na lang at mararating na nating pareho ang kalangitan." ang ani pa nito habang hinahaplos ang kaniyang basang pisngi.

Ngunit para kay Anna ay hindi kalangitan ang kaniya o kanilang pupuntahan kung 'di ay sa impyerno. Impyerno kung saan nararapat mapunta ang bumaboy sa kaniya... walang iba kung 'di ang mismong ama niya.

Nang makaraos ito ay iniwan na lamang siyang parang basura na basta-basta na lang itinapon pagkatapos gamitin. Ngunit ang mas masakit para kay Anna ay ang katotohanang nagawa sa kaniya ito nang mismong kadugo niya... hindi lang mismo kadugo kung hindi ay ang isang parte kung paano siya mismo nabuo.

Sa pagbalik tanaw ni Juan sa nangyari ay tila nabaliw siya sa naisip, kung hindi dahil sa bawal na gamot ay hinding-hindi niya magagawa iyon sa sariling anak. Dahil sa droga ay nawala siya sa tamang pag-iisip at naligaw sa ibang daan kung saan puro kasamaan ang nakasabay niya sa paglakad. At ngayong tinutugis siya ng kaniyang konsensya ay pilit niya itong tinatakbuhan ngunit kahit gaano man kabilis ang gawin niyang pagtakbo ay tiyak na aabutan at aabutan siya nito katulad ngayon kung saan ay nasa harap na siya nito.

"Juan, anak, oras na para tumigil ka sa pagtakbo at pagtakas. Oras na para harapin mo ang kasalanang iyong ginawa. Tandaan mong bawat kasalanan ay may karampatang parusa at ang parusang iyon ay ang pagharap mo sa awtoridad. Isuko mo ang sarili mo sa kanila. Hayaan mong pagbayaran mo ang lahat," ang ani ng munting tinig.

"Alam mong nagalit ako sa pagtalikod at pagtakas mo sa akin ngunit hindi ko rin matiis ang galit na iyon matapos mo akong harapin at dalawin sa aking tirahan. Nagalit man ako sa iyong ginawa ngunit alam kong ngayon ay natuto ka na sa iyong kasalanang nagawa. At ngayong nakikita at nararamdaman ko ang pagsisisi sa iyo ay handa akong tanggapin ang iyong paghingi ng tawad dahil sino ba naman ako para hindi magbigay ng kapatawaran para sa isang taong nais magbago. Gawin mo lamang ang nararapat, Juan at agad-agad mong makakamit ang aking kapatawaran."

Matinding pag-iisip ang ginawa ni Juan ngunit sa bandang huli ay dinala siya ng kaniyang mga paa sa nararapat na lugar.

Bigla na lamang bumagsak na parang talon ang kaniyang mga luha pagkaluhod niya sa harap nito. Walang humpay na paghingi ng kapatawaran ang kaniyang sinambit sa harap ng puntod ng kaniyang anak. Ang anak niyang nasawi sa kaniyang kagagawan.

"Patawad, anak, patawad, Kung hindi dahil sa akin ay hindi mo maiisipang gawin 'yon. Ang kitlin ang iyong buhay ng dahil sa matinding kasalanang naidulot ko sa'yo. Patawad, patawad, patawad!" hindi magkamayaw ang pagbuhos ng luha sa mata ni Juan. Sobrang paghihinagpis rin ang nararamdaman niya dahil kung hindi sana siya nagpatangay sa paggamit ng bawal na gamot ay hindi sana mangyayari ang lahat ng ito.

Matapos magpunta sa puntod ni Anna ay muli siyang naglakad patungo sa totoong destinasyong kaniyang patutunguhan.

Ang lugar kung saan ay siguradong magiging sanktuaryo niya sa matagal na panahon. Ang huling lugar na siyang pupuntahan niya matapos tumigil sa pagtakbo at pagtakas. Ang cul-de-sac para sa kaniya. Ang impyerno na tinutukoy ni Anna.

Walang iba kung hindi ang... kulungan.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Feb 22, 2016 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Second Wave and Round 2 EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon