Genre: Action
Word Count: 1414
Walang magpakailanman sa pag-ibig.
Gasgas na yan. Ano pa nga ba ang bago? Kaya nga sandamukal ang mga bitter sa mundo. Kaya nga nauso at sumikat ang mga banat ni Pastillas girl. Kaya nga pilit ibinabalik ng Aldub ang pag-iibigan na sana ay mayroon pa rin ang mga kabataan ngayon. Hindi yung puro live-in, puro pakilig, puro pa-sweet sa facebook posts pero matapos magkaanak, matapos magkasawaan at dumating ang paghihirap, maghihiwalay na para bang nakalimutan ang mga pinagsumpaan.
Pero hindi iyan ang punto ko. Lumalayo lamang ang aking isipan dahil sa paghihintay. Naranasan niyo na ba na tumitig sa kawalan, hanggang sa ang iyong isipan ay malayo sa kasalukuyan? Malamang ang mga manunulat ay madalas makaranas niyan. Wari bang nananaginip ng gising at ang diwa ay malayo sa paligid.
Biglang nagising ang aking ulirat nang ikaw ay aking masilayan, ilang metro ang layo mula sa aking pinagkukublihan. Naguluhan ako sa halu-halong emosyon na umahon mula sa aking puso. Makisig pa rin ang iyong pangangatawan mula ng tayo ay huling magtagpo. Sa iyong mukha mapagmamasdan ang mga labi na sanay dapuan ng ngiti. May kinang at liwanag ang iyong mga mukha na hindi nawawaglit kahit pa nga ilang beses kong pinilit na iyun ay maalis.
Napasinghap ako sa naisip. Hindi tayo, hindi naging tayo at kahit na unting pagtingin hindi mo ako nabahaginan noon, kahit pa nga kakarampot na respeto ay hindi mo ibinigay sa akin. Ilang taon nga ba kitang hinabol-habol? Tatlong taon? Limang taon? Kahit nga sa PMA, sinundan pa rin kita. Saglit, mag iisang dekada na nga pala na pagkabaliw ang inialay ko sa iyo.
Walang magpakailanman lalo na sa mga pangako.
Naalala mo pa ba noong nag-aaral pa tayo? Pangako mo noon pag nakatapos tayo, magiging masaya ang ating buhay, ibibigay mo ang lahat sa akin, ang lahat ng iyong pagkukulang ay tutugunan. Naniwala naman ako kahit na hindi nga pala tayo.
Walang magpakailanman kahit ang pagiging sibilisado.
Napansin ko ang iyong mga kasama na gumawa ng depensa, mga sundalo, nakahanda ang mga baril, riple at ibang pang armas. Nasa gitna ka, matalas ang mga mata na nagmamasid sa paligid, sa damuhan at sa ilog na kailangang tawirin ng iyong mga tao. Kung saan ako at ang mga kasama kong rebelde ay nakakubli at nag-aabang na kagatin mo ang bitag. Napangisi ako. Hawak ang baril sa aking kamay at ang paa ay nakatapak sa pilit lumalaban na sundalo, ang kanyang hininga ay unti-unting nauubos habang ang kanyang ulo ay nasa ilalim ng ilog kung saan siya nakalubog.
Walang magpakailanman pagdating sa perspektibo ng moralidad.
Ako ang dahilan ng pagpunta mo sa kabundukan. Kailangan mo akong hanapin at hulihin. Dati akong nasa ilalim ng iyong patnubay at ako ang higit na nakakaunawa sa iyo. Alam ko na tanging pagkitil lamang sa aking buhay ang siyang magpapagaan ng iyong pakiramdam.
Napuna ko ang unti-unting nauubos na oras ng sundalo sa aking paanan, ang kanyang buhay ay parang kandilang dahan-dahang nauupos. Itinaas ko ang ulo nito. Nakapikit ang mga mata na humihingi ito ng kapatawaran ngunit hindi para sa kaniyang buhay kundi para sa kanyang mga kapwa sundalo na malapit nang mahulog sa aming patibong. Sa aking gunita, naalala ko ang kabaitan nito noong nagsasanay pa kami, alam nito na huli na ang lahat para sa kanya. Kahit ang kalabitin ang baril ay hindi na nito magagawa sa dami ng pahirap na natamasa nito mula sa aking bagong grupo, pangkat ng mga kawatan, kalipunan ng mga sanggano.
Muli kong inilubog ang ulo nito sa tubig hanggang mapansin ko ang iyong paglapit. Muli kong naramdaman ang pag-uunahan ng aking paghinga. Wala na ngang makakapigil pa sa aking nadarama. Lahat ng parte ng aking pagkatao ay pag-aari mo na. Ibinigay ko sa iyo ang lahat. At nang hindi ka pa nakuntento, ikaw mismo ang lumapit upang sirain ang natitira kong pagkatao. At hanggang ngayon iyan pa rin ang pakana mo dahil lagi naman akong nahuhulog sa ganyang silo.
Walang magpakailanman kahit sa mga martir.
Ilang pitsel na luha, ilang timbang dugo, ilang galong hiyaw at ilang toneladang pagmamakaawa ba ang iyong kailangan? Matagal kitang inibig, matagal nagpaalipin, nawalan ng direksyon ang buhay at hanggang ngayon ay gumagapang patungo sa kakarampot na liwanag na aking nababanaag. Kaibahan nga lang, ikaw ay nakahadlang sa sinag na aking natatanaw.
Ngunit namulat ako sa katotohanan, sa kung ano ka. Kahit na ang isang tulad ko ay marunong ring mahapo. Iniwasan kita. Pilit inialis ang mata. Ang mga leeg na nangangawit sa kahahanap sa iyo ay akin ring ipinahinga.
Ngunit sa halip na ikaw ay magpasalamat, sinuklian mo ang aking pagtingin, ng kaakibat na pagdurusa. Nang mabaling ang aking pagtingin sa iba, ikaw naman ang namilit. Iginigiit ang iyong sarili kahit na lubusan nang naglaho ang aking pag-ibig.
Ang pagmamahal ko sa iyo ay tuluyan nang nagmaliw, napalitan ng bagong pag-ibig. Pag-ibig na tama. Pag-ibig na siyang naging dahilan kung bakit ang nagkalat na pira-piraso ng aking pagkatao ay dahan-dahang nabuo. Pag-ibig na humihilom ng sugat. Pag-ibig na hindi makasarili. Pag-ibig na nag-uugnay sa dalawang nahahapis na tao.
Pumatak ang ulan habang ikaw ay palapit nang palapit. Napansin mo ang unang bitag. Nakataas ang iyong mga kamay, tanda ng pagsuko. Alam mong malambot ang aking puso, noon.
Ngunit balewala sa iyo, lumapit ka pa rin. Iniahon ko ang lalaki sa aking paanan, wala na itong malay. Narinig kong tinawag mo ang aking pangalan. Ikinubli ko ang baril sa aking likuran. Nagpakita ako mula sa aking pinagtataguan. Ngumiti ka. Sinagot ko ang iyong ngiti. Bumilis ang iyong lakad patungo sa akin. Makikita sa iyong mga mukha ang pagkabalisa. Binilisan ko rin ang aking mga hakbang palapit sa iyo.
Walang magpakailanman sa pagiging tanga.
Isang putok ng baril ang pumailanlang sa katahimikan ng kagubatan. Lumuhod ka. Hawak ang iyong tiyan kung saan dumadaloy ang dugo mula sa butas na ginawa ng bala ng aking baril. Muli kong ikinasa ang aking armas at saka muling itinutok sa iyo, sa iyong paa. Katulad ng ginawa mo noong ang buhay ko ay unti-unti mong kinikitil.
Lumapit ang mga bago kong kasama. Pinalibutan tayong dalawa, gumawa sila ng depensa laban sa mga sundalong tulalang nakamasid sa ating dalawa. Hindi sila makapaniwala sa mga kaganapan. Hindi ko sila masisi, kahit ako, hindi ko naisip na magkakaganito tayo.
Muli kong narinig ang iyong pagbanggit ng aking pangalan na wari bang minahal mo nga ako, tila nalason ang aking pandinig. Isa pang putok ang pumailanlang, sumigaw ka sa sakit habang nakatingin pa rin sa akin at sa baril na hawak ko.
Paano nga ba nahantong sa ganito?
Sininta kita. Nagpakatanga ako sa pamimintuho na inihandog ko sa iyo. Ang aking sukli? Nang matuto akong magmahal ng iba saka ka nagbabalik. Kinitil mo ang buhay ng aking bagong pag-ibig at saka ito ibinintang sa isang aksidente. Matapos noon, wala pang isang buwan ako naman ang iyong sinimulan. Kaso? Tungkulin? Misyon? Nang araw na iyun, isa lamang ang iyong layunin, ang ako ay pagsamantalahan, gahasain at patahimikin. Ilang araw kang nagpapasasa sa akin? Ilang araw tiniis ang paghahaplit? Ilang araw na unti-unting inubos ang natitirang katinuan na mayroon ako.
Walang magpakailanman sa hustisya na hindi maibigay.
Isa pang putok ng baril sa iyong dibdib. Tutal, ang puso mo ay yari sa bato. Kabaligtaran ng uri ng bato na maaaring gamitin bilang panlunas sa anumang karamdaman. Bagamat katulad nito ang kaibuturan ng iyong puso, nagtatago sa isang liblib na lugar kahit na ika'y nariyan at malapit. Maraming maling haka-haka at sapantaha sa iyong kabuuan at kapakinabangan. Isang balatkayo.
Bato Balani.
Patuloy ang pag-ulan. Ang iyong dugo ay humahalo sa tubig alat na bumabagsak mula sa kalangitan. Mainam sana kung ito ay tanging pagbuhos ng tubig na nanggaling sa mga anyong tubig sa iba't ibang panig ng mundo. Sa kasamaang-palad, mga yari sa tanso at metal ang siyang inihahandog ng mga sundalo na wari bang hindi tao ang pinupukulan nito.
Naramdaman ko ang unang pagtama ng bala sa aking katawan. Ang unang hustisya na karapatdapat sa akin. Hinintay ko ang kasunod. Sa dami ng buhay na aking ninakaw para sa isang sakim na hangarin, hindi sapat ang aking hininga upang ialay. Gayunpaman, wala na akong kayang ihain na magdudulot ng kaunting kaginhawaan. Ibinukas ko ang aking mga bisig, malugod na hinihintay ang kamatayan. Handa na ang aking madumi at makasalanang katawan.
Tumingala ako sa langit. Hindi ko kailangan ang magpakailanman, ang tanging hiniling ko lang ay ang pag-ibig na magtatagal ng panghabangbuhay. Mariin kong ipinikit ang aking mga mata at saka bumulong,
Bato Balani.
BINABASA MO ANG
Second Wave and Round 2 Entries
Short StoryGusto lamang naming batiin ang lahat ng sumali at naglaan ng kanilang oras sa paggawa ng mga akdang ito! Mabuhay! Ngayong araw nga'y magsisimula na ang judging natin. End of judging: March 5, 2016 Posting of results: March 6, 2016 CRITERIA: Content:...