Blind Date

60 0 0
                                    

Genre: Horror

***

Bagama't kanina pa ako nababagot sa aking ginagawa, ipinagpatuloy ko pa rin ang pag-scroll at pagbabasa ng mga post ng 'Facebook friends' ko, na hindi ko naman talaga mga kaibigan, ni kakilala man lang. Iba't ibang mga pangalan ang lumalabas sa screen sa patuloy kong pag-scroll. Kung ano-anong mga post at mga picture ang nakikita ko, na sa totoo lang ay wala namang kabuluhan.

Hindi ko rin naman masisisi ang mga taong ito. Dahil katulad ko, karamihan sa mga nagbababad at namamalagi sa mga social media site tulad ng Facebook ay naghahanap din ng atensiyon, pang-unawa at pagmamahal. Mga bagay na hindi ko matagpuan sa totoong mundo - sa mundong puno ng kalungkutan at panghuhusga.

Ang mga social media site na ito at ang mga taong kabilang dito ay naging pamilya ko na. Isang pamilya na naging sandalan at karamay ko nang mga panahong nilulukob ako ng labis na kalungkutan at ng mga tanong na hindi ko mahanapan ng kasagutan.

Pitong taong gulang pa lang ako nang mamatay ang mga magulang ko dahil sa isang kalunos-lunos na trahedya. Isang trahedya na ayaw ko nang maalala, na ayaw ko nang balikan pa. Nang dahil doon, naiwan ako sa pangangalaga ng aking tiyuhin, si Tito Sam, na kapatid ng mama ko. Sa kanya ang computer shop na ito na ngayon ay ako ang nagpapatakbo dahil nasa probinsya siya, at ibinilin na rin niya ito sa akin.

Nagbasa pa ako ng mas marami. Naghahanap, naglilibang, nagpapalipas ng oras. Pilit kong inaaliw ang sarili ko.

Tumingin ako sa gilid ng screen. 9:36PM. Kanina pa palang tanghali ako nakaharap sa computer. Hindi ko na namalayan kung gaano kahabang oras ang ginugol ko sa pakikipagsalamuha sa mga tao sa loob ng Internet, nang isang post ang pumukaw ng pansin ko.

"Hindi mo namamalayan, hindi mo nakikita. Ang kamatayan ay nasa harap mo na pala." Ang post na iyon ay galing sa isang babaeng nagngangalang Mara Santos.

Bigla na lang gumapang ang kilabot sa buong katawan ko. Hindi ko maipaliwanag kung bakit ganoon ako naging kaapektado sa isang post ng taong 'di ko naman kakilala. Basta, may kakaiba dito.

Pero parang pamilyar sa akin ang pangalan niya. Saan ko ba 'yon nakita? Dahil sa kuryosidad, binuksan ko ang profile niya. Nagpunta ako sa mga album niya, pero ni isang picture ng mukha niya ay wala. Tanging ang profile picture lang na mukha ng isang pusa ang naroon.

Hinanap ko naman ang mga post, pero bakit ganoon, wala rin? Kakikita ko pa lang ng post niya kani-kanina lang. Ba't wala na agad? Nakaramdam na ako ng bahagyang takot.

Naalala ko na! Katunog ng pangalan niya ang dati kong nobya, si Marie Santos, na tatlong taon nang patay ngayong araw mismo.

Isa iyon sa mga hinanakit ko sa mundo. Bakit lahat ng mga mahal ko ay kinukuha sa akin? Masama ba ako? A, ayoko nang isipin! Tama na! Nakakapagod lang.

Isang malamig na bagay ang biglang pumatong sa balikat ko na naging dahilan para mapaigtad ako.

"Ren, uuwi na ko. May pasok pa ako bukas, e." Si Louie pala, isa sa mga katropa ko na taong-computer shop din.

"Walang-hiya ka! Nalaglag na yata ang puso ko dahil sa gulat. Bigla ka na lang sumusulpot d'yan!" napabulalas kong sabi.

"Ano ba kasi 'yang tinitignan mo?" tanong niya.

"Wala. Wala. Sige na, umuwi ka na."

Tumuloy na si Louie. Dahil doon, ako na lang ang natira sa loob. Isinara ko na ang pinto para wala nang pumasok na customer. Pamaya-maya rin kasi ay matutulog naman na ako. Humarap ulit ako sa screen. Nagbukas ng panibagong tab para pumunta sa paborito kong dating website.

EntradasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon