Rehas ng Nakaraan

15 0 0
                                    

Genre: Drama/Inspirational/Slice of Life

***

“’NAY, HETO NA po ang pagkain n’yo. Pinagtirhan ko po kayo,” sabi ni Lolet sa akin. Kasalukuyang nakadukdok ako sa mesa. Masakit pa rin ang ulo ko dahil sa tama ng alak na ininom ko kagabi.
Pagkabangon ko ng ulo ko ay tumambad sa akin ang isang tingkal na kanin at kalahating tuyo na nakalagay sa isang mangkok. Dahil doo’y nag-init ang ulo ko at tinabig ko ang lalagyan na ikinabasag nito. Kaya’t nagulat siya at napayuko na lamang.
“Tuyo na naman ang ulam? Wala ka na bang ibang alam na ipakain sa ‘kin kundi ‘yan? Sawang-sawa na ako, ha! Kahapon lang ng tanghali, ‘yan din ang ulam ko!” mataas ang tonong saad ko.
“A, e, ‘Nay, ‘yan lang po k-kasi ang nabili ko s-sa natitirang p-perang ibinigay n’yo. Hindi p-po kayo n-nagbigay sa a-akin ng pera ngayon,” mangiyak-ngiyak na tugon niya. Nanginginig na ang boses niya at ilang saglit na lang ay mababasag na iyon.
“Aba’t sumasagot ka pa sa akin, ha!” Nilapitan ko siya at saka piningot. Napaatras siya sa pader, marahil ay ‘di na niya matiis ang sakit. Lalo ko pang pinaikot ang tenga niya, kaya’t napaiyak na siya sa kirot. Nagmamakaawa siyang umiiyak at pilit na inaalis ang kamay ko sa tenga niya.
“Letseng buhay ‘to! Palibhasa puro kamalasan ang dala mo sa akin, kaya nagkaganito ang buhay ko! Makaalis na nga rito!”
Sabihin n’yo nang masama akong ina o kahit walang-kwenta pa. Wala akong pakialam. Bakit, alam ba ninyo ang dinanas ko sa hayop na ama ng batang ‘yan? Alam n’yo ba kung gaano naging napakamiserable ng buhay ko nang pagsamantalahan ako ng ama niya?
Kung tutuusin, kulang pa ang ginagawa ko sa kaniya. Kailanma’y ‘di mapapagbayaran ni Lolet ang kasalanan ng rapist niyang ama. Dahil sa lalaking ‘yon, nasira ang buhay ko. Dahil sa kaniya, nawala ang minamahal kong tatay.
Kinuha ko ang wallet ko sa ibabaw ng maliit na TV. Dali-dali akong lumabas. Mas mabuti pang maghapon na lang akong makipaglaro ng baraha sa mga kumare ko, kaysa makasama ang batang ‘yon na nagpapaalala lang sa akin ng paghihirap na pinagdaanan ko noon.
“LINTEK! TALO NA naman ako! Dinadaya n’yo yata ako, e!” napabulalas kong sabi matapos ang isa pang round ng tong-its namin ng mga kumare ko. Napangiti lang sila nang sabihin ko iyon. Humithit muna ako ng sigarilyo at bumuga ng hangin.
Iniusog ko sa gitna ng mesa ang huling pera ko, na halagang singkwenta pesos. Padabog akong tumayo sa aking kinauupuan. Nahampas ko pa nang kaunti ang mesa dahil sa sobrang inis na nararamdaman ko.
Napalinga ako sa paligid. Sa panantya ko ay nasa alas-kuwatro na ng hapon. Hindi ko na alintana ang gutom at antok. Nawala na sa isip ko ang iba pang bagay, kaya’t naubos ko na ang maghapon sa paglalaro.
Tumayo ako sa gilid ng isa kong kumare at nanood na lang. Wala pa akong balak umuwi. Dahil siguradong pagdating ko sa bahay, kunsumisyon at sama ng loob lang ang mapapala ko.
Hindi inaasahan ng bawat isa sa amin ang sumunod na nangyari. Dahan-dahang umuga ang lupa. Una’y marahan lamang, hanggang sa ang pag-uga ay naging pagyanig. Napuno ng takot ang bawat isa. Nagkani-kaniya na kami ng takbo sa iba’t ibang direksyon.
Kitang-kita ko kung paano paguhuin ng lindol ang ilang mga bahay sa paligid. May ilang puno rin na humambalang sa kalsada. Umalingawngaw ang mga sigawan. Nag-uusugan nang kusa ang mga sasakyan. Mula sa kung saan ay maririnig ang tunog na animo’y gumuguhong lupa. Natagpuan ko na lamang ang sarili ko na napadako sa isang bakanteng lote sa ‘di kalayuan. Mula roon ay tanaw ko ang isang kalunos-lunos na senaryo.
Ni sa panaginip ay hindi ko naisip na mangyayari ‘to sa buhay ko. Nabalot na ako ng matinding takot. Napayakap ako sa aking sarili habang nakaupo sa lupang yumayanig. Napausal ako ng dasal. Bigla na lang sumulpot sa isipan ko ang imahe ni Lolet. Doon na ako kinain ng pag-aalala. Alam kong galit ako sa kaniya, pero sa puso ko, naroon pa rin ang pangamba para sa buhay niya, bilang isang ina.
Diyos ko! ‘Wag Mo hong pababayaan si Lolet! Iligtas Ninyo po siya.
Makaraan ang humigit-kumulang apat na minuto, pumanatag din ang paligid. Humupa na ang tensyon at takot na namuo sa dibdib ko. Napabuntong-hin
inga ako habang tumatayo at lumilingon sa paligid na winasak ng lindol. Sa unang paghakbang ko’y ‘di ko pa mahanap ang balanse, pero nabawi ko rin ‘yon agad nang maalala ko si Lolet.
Dali-dali akong napatakbo patungo sa aming bahay. Sa pagdaan ko sa mga kabahayan, hindi ko maiwasang makaramdam ng panlulumo at lungkot. Naririnig ko ang mga hinaing ng mga taong nadaganan ng mabibigat na bagay. Pakalat-kalat ang mga humihingi ng saklolo. Maraming umiiyak, at karamihan ay mga bata.
Nanginginig pa ang mga palad ko habang hinahaplos ko ang aking mukha. Hindi ko malaman kung ano ba ang una kong gagawin.
Tumambad sa akin ang aming bahay na halos sirain na nang buo ng lindol. Sa harapan nito ay nabuwal ang napakalaking puno ng narra. Maliit at kongkreto ang aming bahay. Ngunit nawasak pa rin iyon, na tila ba dinaan ng ilang bagyo.
Katulad ng paglindol ay nayanig din ang loob ko—nayanig ng matinding takot para sa buhay ng aking anak. Pakiramdam ko’y anumang oras ay mapapaiyak na ako.
“Anak! Anak ko! Nasaan ka?!” Lumapit pa ako para masilip ang ilalim ng gumuhong pader. Ngunit walang bakas ni Lolet ang natagpuan ko. Sana’y mali ang iniisip ko na nadaganan siya ng aming bahay.
Mula sa aking likuran ay narinig ko ang isang pamilyar na tinig. “’Nay!”
Napuno muli ako ng pag-asa dahil sa pagtawag na ‘yon. Pero bago pa man ako lumingon, naramdaman ko na lamang na mayroong tumulak sa akin, dahilan para mabuwal ako at mapaluhod sa lupa. Isang tunog na parang bumagsak na bagay ang umere. Ramdam ko iyon dahil bahagyang umuga ang lupa.
Paglingon ko’y ginulat ako ng isang kalunos-lunos na eksena. Si Lolet, nakapailalim sa puno ng narra!
Tila hinampas ang puso ko sa aking nasaksihan. Ito na siguro maaari ang pinakamasakit na bagay na maaari kong maranasan, bilang isang tao, bilang isang ina. Ang makita ang aking anak na iginugupo ng kamatayan.
Iniligtas niya ako. Iniligtas ako ng aking anak.
Bumugso ang mga emosyon sa puso ko. Takot, para sa kaniyang buhay. Galit, para sa aking sarili. Lungkot, na dulot ng pagsisisi.
Dali-dali akong tumungo sa kaniyang kinalalagyan at kinalong siya ng aking mga binti. Sisigok-sigok siya na animo’y kakapusin ng hininga. Doon na nagbalik sa aking isipan ang mga alaala naming mag-ina. Kung paano ko siya maltratuhin sa kabila ng pagtitiis niyang makasama ako. Kung paano ko siya saktan sa kabila ng pag-aalaga niya sa akin. Kung paano ko ipamukha sa kaniya na wala siyang silbi kahit pa ako naman itong walang kuwentang ina sa kaniya. Kung paano ko ipagkait sa kaniya ang pag-ibig na nararapat niyang makuha.
Buong-lakas kong itinulak ang katawan ng puno na nakadagan sa kaniya. Napahagulgol na ako.
“Anak, patawarin m-mo ako. Patawad, anak ko. ‘Wag mo a-akong iiwan. Pangako, b-babawi ako sa ‘yo. Mahal kita, anak. Mahal na mahal. P-patawarin mo ako sa mga pagkukulang k-ko sa ‘yo,” sabi ko habang umaagos ang luha sa aking mga pisngi.
Bago sumagot, hinawakan niya ako sa aking labi upang pigilan ako sa pagsasalita. “’Nay, matagal ko na p-po k-kayong pinatawad. Alam n’yo naman po na mahal ko kayo, at ‘di ko kayang m-magalit sa i-inyo. Patawad d-din po sa ginawa ng tatay ko s-sa inyo,” naghihingalo niyang sambit.
“Pssshhh... Huwag mong sabihin ‘yan. Ako ang m-may kasalanan at pagkukulang sa ‘yo. Hindi d-dapat ikaw ang sinisisi ko. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag may hindi magandang nangyari sa ‘yo.”
“’Wag po, ‘Nay. ‘Wag p-po kayong magagalit sa s-sarili n’yo. Matuto po kayong magpatawad, at p-palayain ang sarili n’yo. Tandaan mo po, nandito l-lang ako at nakabantay sa ‘yo lagi. M-mahal po k-kita, ‘Nay...”
Iyon ang huling katagang narinig ko mula sa kaniya. Kitang-kita ng mga mata ko kung paano niya ginawa ang huli niyang paghinga.
“Anak ko! Loleeeeettt!”
***
MARAHAN KONG IBINABA ang basket ng bulaklak na dala ko sa tabi ng puti at malapad na bato kung saan nakasulat ang kaniyang pangalan.
Anak, kumusta ka na? Sana ay masaya ka kung nasaan ka man. ‘Wag mo na akong alalahanin. Mabuti na ako ngayon. Kaya lang hindi ka pa rin masabing tunay na akong malaya. Oo, napatawad ko na ang sarili ko, pero hindi pa lubusan. Nakapiit pa rin ako sa kulungan ng nakaraan. Nakakulong sa galit at pagsisisi na ako mismo ang gumawa.
Labing-dalawang taon na rin. Sana’y mayroon na akong bente-kuwatro anyos na anak kung hindi ka nawala. Nami-miss na kita. Sobra.
“Mama…” pagtawag sa akin ni Alleah, ang anak ko. Nakasunod naman sa kaniya ang tatay niyang si George. Kapwa nakangiti ang mag-ama ko nang puntahan nila ako sa puntod ni Lolet. Hinawakan ako sa kamay ni Alleah. Tumingala siya sa akin saka ako nginitian. Ibinaling din naman niya agad ang tingin sa puntod ni Lolet.
Lolet, ipinapakilala ko sa ‘yo si Alleah, ang bunso mong kapatid.
Sila ang pamilya ko. Ang dahilan ng pagbangon ko bawat umaga. Ng pagngiti ko. Ng pagharap ko sa bawat araw nang may pag-asa.
Marahil ito na nga ang tamang panahon para tuluyan kong patawarin ang sarili ko, palayain sa rehas ng nakaraan na patuloy pa ring kumokontrol sa aking buhay.
Salamat, anak, sa kapatawaran. Salamat sa kalayaang ipinagkaloob mo sa akin…

EntradasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon