Write Your Own Adventure Story

2 0 0
                                    

Write Your Own Adventure Story

“No man is an island.”
‘Yan ang mga salitang palagi kong nababasa kapag dumadaan ako sa Values Education garden.
Hindi naman totoo ‘yan. ‘Yung mommy ko, namatay nang ipinanganak niya ako. Kaya siguro walang pakialam si daddy sa’kin. Heto tuloy ako, isinusubsob ang sarili sa pag-aaral para maging proud siya sa‘kin. Pakiramdam ko, wala man lang may gustong makipagkaibigan sa akin. Siguro, nawiwirduhan sila sa mga kilos ko.
Pero ‘di bale na nga. Wala akong panahon para problemahin pa ‘yon. Mas importanteng makapag-research ako para sa reporting ko next week. In-assign sa‘kin no’ng teacher namin sa Araling Panlipunan ‘yung Underground River sa Palawan at ‘yung Parisian Catacombs sa France. Ang dali lang sana, pero ayaw n’ya kaming pagamitin ng Internet. Gusto niya na mag-research kami using books as references. Palibhasa, matanda na. Sanay sa traditional ways ng paggawa ng lahat ng bagay.
Umakyat ako sa library sa third floor. Pagpasok ko, bumungad sa akin ‘yung matandang librarian na sobrang sungit. Tahimik akong pumasok. Maliban sa akin, may ilan-ilan lang na nandoon. Napatingin ako sa pagkataas-taas na shelves ng mga libro.
Pumunta muna ako sa History section at nahanap-hanap ng books na magagamit ko. Marami naman pero parang hindi ako nakuntento. Kumuha pa ako ng iba. Hanggang sa makita ko ang isang libro na may title na: “Write Your Own Adventure Story.”
Bakit nandito ‘to? Parang hindi naman ‘to related sa History. ‘Di lang siguro naisauli nang tama. Masyadong nakaka-curios ‘yung title at cover, kaya binuklat ko ‘yon.
Nagulat ako nang pagbukas ko’y sumalubong sa akin ang liwanag na nakakasilaw mula roon. Napasigaw ako nang maramdaman kong hinigop ako no’n patungo sa ibang dimensyon. Ramdam kong nawala ang balanse ko at nagpasirko-sirko sa kawalan.
Unti-unti kong iminulat ang mga mata ko. Nakahiga ako ngayon… sa isang bangka? Napabangon tuloy ako bigla. Ba’t nandito ako? Imbes na maalarma, namangha ako sa mga nakikita ko. Halos lahat ay kulay berde. Sumasabay ang paghampas ng mga dahon ng puno sa marahang pag-agos ng kulay luntiang tubig ng ilog. Preskong umiihip ang sariwang hanging pinapaganda ng himig ng mga ibon sa aking pandinig.
Sumusunod lang ang bangkang sinasakyan ko sa agos, patungo sa isang malaking tila kuweba na may tubig sa ilalim. Teka, hindi kaya nasa Underground River na ako? Paano ‘to nangyari? For I know, Science can explain everything that happens. Pero, paanong—? A, basta, bahala na nga!
Siguro, mas mainam na gamitin ko na lang ang pagkakataon. Inilabas ko ang camera ko mula sa backpack. Abot-tainga ang ngiti ko habang kumukuha ng picture. Hanggang sa makapasok na ako sa loob.
Madilim. Nakaramdam ako ng takot nang makarinig ng kakaibang tunog. Mula sa malayo ay may nakita akong lumilipad na parang alikabok na apoy. Noong lumapit ‘yon, nalaman kong mga alitaptap pala, at parang tinatanglawan ang daraanan ko. Doon naging malinaw sa akin ang itsura ng paligid. Santuwaryo ‘yon ng mga batong may iba’t ibang hugis at sukat; ng mga paniki at ilang ibon. Hindi ko nakalimutang kumuha ng shot ng lugar.
Bigla na lang yumanig ang paligid at umalon ang tubig. Nanginginig na rin ako sa kaba. Mula sa kadiliman ay lumabas ang nakakasindak na nilalang—isang higanteng paniking singlaki ng isang kabayo.
Napaalis ako sa bangka at nagtago sa likod ng isang bato. Ano’ng gagawin ko? Papasugod siya sa’kin nang biglang may ideyang pumasok sa isip ko. Takot ang mga paniki sa apoy, pero paano ako gagawa no’n? Luminga-linga ako. Nakita ko ‘yung kulay itim na bakas sa batong dingding. Sa pagkakaalam ko, guano ang tawag do’n. Dumi iyon ng paniki na may mataas na phosphorus content, na kapag ikiniskis sa sulfur ay maaaring makagawa ng apoy o kaya’y pagsabog.
‘Di sinasadya, nakatapak ako ng tipak ng bato. Nang tignan ko ‘yon, laking gulat ko nang malamang sulfur iyon. Base na rin sa kulay at amoy, nakumpirma kong tama ako. Sa pag-asang makakagawa ako ng pagsabog, ibinato ko ang sulfur sa dingding. Buti na lamang at gumawa iyon ng mahinang pagsabog na ikinatakot ng halimaw.
Lumipad iyon papaatras, at tumama ang likod sa matutulis na stalactites sa taas ng kuweba. Bigla na lamang sumabog ang nilalang at naglabas ng kulay pulang tila alikabok na apoy. Napatakip ako sa aking mata dahil nakakasilaw iyon. Mula roon, isang bolang liwanag ang nabuo. Lumapit iyon sa’kin. Sinapo ko ‘yon ng mga palad ko. Kumupas ang liwanag at lumitaw ang isang tirador at pitong bato. Aanhin ko naman kaya ang mga ‘to?
Bago pa man ako gumawa ng kilos, kumalat muli sa paligid ang nakabubulag na liwanag. Nagulat ako nang lumutang ako sa ere’t muling sumama sa kawalan.
Napaluhod ako nang lumabas ako mula sa kung saan. Ano ba talaga ang nangyayari? Parang gusto kong umiyak sa gulo ng lahat. Noon ko napag-isip-isip, mag-isa na naman ako. Kung adventure story ‘to, ‘di ba dapat may sidekick ako? Hindi ko na napigilang mapabuntong-hinga. ‘Di bale na nga, sanay naman na ‘ko.
Nang tumingin ako sa aking harapan, sumalubong sa‘kin ang isang bulwagan. Sa itaas noon, may isang karatulang may kakaibang karakter na ‘di ko mabasa. Tumuloy na lang ako sa loob dala lahat ng lakas ng loob na mayro’n ako. Bahala na talaga.
Gumapang ang kilabot sa buo kong katawan; parang kinakalabog naman ang puso ko sa kaba nang makita na ang dingding ng silid na pinasok ko’y gawa sa buto’t mga bungo. Sa sobrang takot, tumakbo ako papalabas, pero nagsara bigla ang daanan. Tumakbo muli ako’t nakapasok sa isa pang silid.
Tumambad sa‘kin ang isang tila hugis banga na yari sa kalansay. Ilang saglit lang ay gumalaw ang mga iyon at nag-anyong isang higanteng tao. Napaatras ako sa pagkagimbal.
“Ano’ng ginagawa mo rito, lapastangang nilalang?” aniya sa nakakahindik na boses. Iba ang lenggwahe niya, ngunit ganoon ang pagkakaintindi ko sa kanyang sinabi.
“A, hindi ko po alam. Maawa po kayo, ‘wag n’yo akong papatayin!” nanginginig kong paki-usap.
Yumuko siya sa akin at nagsabi, “Kung gayon, palalayain kita kung masasagot mo ang bugtong ko. At kung hindi, ‘di ka na makakalabas nang buhay, mamatay ka’t mabibilang sa akin!”
Napatango na lang ako sa takot, at nakinig.
“Ako’y kaibigan mo kapag wala sila.
Dulot ko’y kapayapaang ‘di kayang ibigay ng iba.
Kapahingahan, aking dala kung napapagod na.
Hatid ko’y lungkot, kapag walang kang kasama.”
Ano ‘yon?
Napaisip ako nang malalim; nagpalinga-linga at kumalma
Kaya ko ba ‘to nang mag-isa? Mag-isa… Teka, mag-isa? Pag-iisa! Tama, pag-iisa ang sagot!
“Pag-iisa! ‘Yon ang sagot. Pag-iisa!”
“Hindi! Hindi maaari! Wala pang nakakasagot ng bugtong na iyon!” paasik niyang sambit.
Akmang dadakmain niya ako, pero umiwas ako. Naalala ko ‘yung tirador. Kinuha ko ‘yon sa bag ko at walang patid siyang inasinta, hanggang isang bato na lang ang natira. Bakit ‘di siya tinatablan? Umilag ako nang muli siyang kumilos. Napansin ko ang nag-iisang pulang bungo sa kanyang noo. Maaaring iyon ang kanyang kahinaan, kaya tinumbok ko iyon.
Bigla na lang siyang nawasak at gumuho. Kasabay rin no’n ay ang pag-uho ng paligid at ang pagtangay ng liwanag sa akin.
***
“Excellent, Mr. Fajardo!” sabi ng teacher ko sa‘kin. Nagpalakpakan naman ang mga kakalase ko.
Bumalik ako sa upuuan ko. Napatingin ako sa librong “Write Your Own Adventure Story” at napangiti.
Minsan, mainam din palang maging mag-isa. Minsan lang naman…

EntradasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon