Genre: Fantasy/Romance
***
Mula sa bintana ng aking silid ay minamasdan ko si Lyrica. Hindi ko maiwasang ngumiti sa t’wing makikita siyang lumalabas ng bahay nila. Kasabay ng pag-ihip ng hangin ay ang paghampas ng mahaba at makintab niyang buhok sa kanyang mga balikat. Ang matamis niyang ngiti ay tila sikat ng araw na nagbibigay-liwanag sa aking puso. Ang himig na kanyang ginagawa tuwing dinidilig niya ang mga halaman sa kanilang hardin ay naghahatid sa akin ng walang kapantay na kasiyahan.
Bahagya akong nagulat nang mula sa aking likuran ay nagsalita ang aking ina.
“Pinagmamasdan mo na naman siya. Anak, hindi ko nais na palungkutin ka, subalit sasabihin ko lang sa’yo ang katotohanan. Kailanman ay hindi maaaring pahintulutan ng ating angkan ang pag-ibig ng isang gnome sa isang tao. Mariing ipinagbabawal iyon – ang makisalamuha, at mas lalo na ang umibig sa isang tao.”
“Alam ko naman po iyon, Ina. Ngunit ano ba ang magagawa ko? Puso ko na ang nagdidikta kung sino ang aking iibigin. Pigilin ko man ito, mas lalo lamang na tumitindi ang nararamdaman ko para sa kanya, kay Lyrica. Nakikita ko sa kanya ang lahat ng katangian ng babaeng pinapangarap ko. Isa na po ro’n ang pagmamalasakit at pagmamahal sa kalikasan, na atin namang tungkulin bilang mga gnome,” sagot ko sa kanya.
Tumugon siya sa akin sa pamamagitan ng isang malungkot na ekspresyon. Hindi man siya magsalita, alam ko ang labis na pagtutol niya sa kagustuhan ko.
“O sige, anak. Maiwan muna kita. Akin pang pagsisilbihan ang iyong ama.” Tumango naman ako bilang sagot, at lumabas na siya sa aking kuwarto.
Gustong-gusto kong lumabas. Gustong-gusto kong magpakita at magpakilala kay Lyrica. Pero mali iyon. At alam ko rin na hindi niya ako magugustuhan. Sa ibang anyong mayroon ako, malamang ako’y katakutan at kamuhian lang niya.
Nagtatalo ang puso at isipan ko. Alin ba ang aking susundin?
A, bahala na! Bahala na kung ano pa man ang mangyari. Nais kong mamasdan siya nang malapitan at makilala nang higit pa sa pagkakakilala ko sa kanya.
Mula sa punong aming tinitirhan, buo ang loob kong lumabas. Isa sa mga kakayahan namin bilang mga gnome ay ang makalipat sa ibang lugar sa pamamagitan ng isipan. Kaya naming maglakbay sa gitna ng oras at kalawakan.
Sa unang pag-apak ko sa lupa, kakaibang pakiramdam ang bumalot sa akin. Nagpalinga-linga ako. Napanganga ako sa mga nakikita ko. Ang mga halaman, puno at mga hayop na natatanaw ko lang dati, heto na sila ngayon sa aking harapan. Makasampung beses ang laki sa mga nakikita ko noon. Wala na itong atrasan. Gabayan nawa ako ni Bathala sa aking gagawin.
Humakbang ulit ako. Kakaiba ang simoy ng hangin. Mainit sa balat ang tumatamang liwanag mula sa araw. Iba’t ibang huni at kaluskos ang aking naririnig. Hindi man ako sanay sa ganitong pakiramdam, kailangan kong maging matapang – para sa pag-ibig, para kay Lyrica.
Sinubukan ko siyang hanapin. Nakita ko siya papasok sa loob ng bahay nila. Sinundan ko siya at pumasok din ako sa loob. Ang paghakbang niya ay katumbas ng aking pagtakbo. Nakakapagod man, sinikap kong makarating. Umakyat ako sa maiksing hagdan na daanan patungo sa pinto nila. Bawat hakbang ko ay may kalakip na pag-iingat. Sinisigurado kong walang makakapansin sa akin. Hindi naman dahil maliit ako, wala nang makakakita sa akin.
Isang bahay na gawa sa pawid at kawayan ang kanilang tahanan. Umakyat ako sa bintana at doon naupo. Patuloy kong minasdan si Lyrica sa mga ginagawa niya. Sa halip na mamahinga, naglinis pa siya at tumulong sa gawain sa kanilang bahay Talagang masipag siya at masunurin.
Hindi ako mapakali sa aking puwesto kaya bumaba ako at nagpunta sa isa pang kuwarto. Maya-maya’y pumasok si Lyrica sa silid na kinaroroonan ko. Nagulat ako nang makita kong nakatapis lamang siya ng tuwalya. Mukhang galing siya sa paliligo. Mas lalo akong nataranta nang hubarin niya ang tuwalya. Napatakip ako sa aking mga mata. Hindi ko kayang silipan ang kahubaran ng mahal ko. Pinigil ko pang matawa sa bagay na kamuntikan ko nang makita. Pakiramdam ko tuloy ay namula ang aking matatambok na mga pisngi. Nakabihis na siya nang tanggalin ko ang mga kamay ko.
Hindi ko na maisip ang aking gagawin nang lumapit siya sa maliit na mesang tinutuntungan ko. Hindi ko na nagawang makapagtago pa.
Pumalahaw ang isang nakakabinging sigaw. Nagimbal yata siya nang makita ako.
“Sino k-ka?! Anong g-gagawin mo sa ‘kin?” tanong niya sa nanginginig na tinig.
“A, e, a... A-ako si... si Tanhim,” sagot ko nang nakangiti. Astang lalapit ako sa kanya kaya lang ay sumigaw siyang muli.
Dahil doon, pumasok na sa loob ng silid ang kanyang ina.
“Ano ‘yon, Lyrica?” pag-aalala nito.
Hindi agad nakasagot si Lyrica.
“Bakit ba kung makasagiw ka riyan ay parang nakakita ka ng multo? Ano ba’ng nangyari?” tanong pa nito.
Bago pa man ako makita ng ina niya, mabilis kong tinungo ang bintana. Tumalon ako roon at nagpagulong-gulong sa damuhan sa labas.
“M-may halimaw p-po!” dinig kong sabi ni Lyrica. “Ayon po s-siya sa m-mesa.”
“Wala naman, a. baka imahinasyon mo lang ‘yon. Kung ano-ano kasi ang iniisip mo. Hala, sige labas na at marami pang gawain,” saad pa ng babae.
“Opo, tiya.” Hindi pala ina ni Lyrica ang babae na ‘yon. Tiyahin lang pala niya ‘yon. Sa tono nito ay parang hindi maganda ang pagturing sa kanya.
Bumalik sa harap ng punong aming tinitirhan. Ipinikit ko ang aking mga mata, at pagmulat ko’y nakabalik na ako sa loob ng silid ko. Nakakalungkot. Nakakalungkot isipin na ganoon pala ang tingin niya sa akin. Halimaw ba ako?
Napatingin ako sa salamin at sinuri ang aking sarili – ang punggok kong mga braso at binti, ang makapal kong buhok sa baba, ang matatambok kong mga pisngi, ang may kalakihan kong tiyan, at ang matutulis kong mga paa. Mayroon bang mali sa akin?
* * *
“Anak, gumayak ka at magbihis,” utos ng aking amang si Karnel pagkatapos naming mag-agahan.
“Bakit po, ama?” pagtataka ko.
“Ayon sa ulat ng mensahero ng mahal na hari, naghahanap ang hari ng mapapangasawa ng mahal na Prinsesa Faeyaris. Alam kong bagay na bagay sa ‘yo ang maging sunod na hari ng kahariang ito. Makisig ka, matalino, mabait at guwapo. Mga katangian ng isang mabuting hari,” aniya.
“Pero ama...”
“Anong pero? H’wag mong sabihing ayaw mo?” Bahagyang tumaas ang tono niya.
“Ama, mayroon na po akong minamahal,” tugon ko.
“Ano?! Sino siya? Hindi maaari! Hindi kita maintindihan. Lahat ng kalalakihan dito ay nagnanais na maging kabiyak ng prinsesa at sunod na hari. Subalit ikaw, tumatanggi sa ganitong napakalaking pribilehiyo?”
Hindi ako nakaimik. Hindi ko maaaring sabihin sa kanya na ako ay umiibig sa isang tao.
“Wala nang pero-pero. Basta maghanda ka. Sasali ka sa paligsahan mamaya sa kaparangan.”
“Anong paligsahan po?”
“Paligsahan sa pagkuha ng gamot na ugat na magpapagaling sa sakit ng mahal na reyna.”
* * *
Narito ako ngayon sa gitna ng kalawakan ng kaparangan. Kasama ko ang mga kalaban ko sa paligsahan. Wala akong balak na ipanalo ang labang ito. Dahil kapag nangyari ‘yon, siguradong mawawalan na ako ng pag-asang makapiling si Lyrica.
Nagsalita ang tagapanguna ng laban. “Alam ng lahat na nakaratay ang mahal na reyna ngayon dahil sa isang malubhang sakit, at walang may kakayahang kunin ang ugat ng Calypso sa ilalim ng lupang kinatatayuan natin. Kaya kayo, bilang mga kalahok, amin kayong hinahamon na kunin ang nasabing ugat. Gawin ninyo lahat ng alam ninyong paraan. Gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya upang makuha iyon. Bilang kapalit, mapapangasawa ng magwawagi ang mahal na Prinsesa Faeyaris,” pagpapaliwanag nito.
Hindi ko na siya pinatapos pa sa pagsasalita at agad akong tumakbo papalayo.
Hindi ko na alam kung nasaang bahagi ako ng kaharian. Medyo madilim dito, maraming patay na insekto at tuyot na mga halaman. Kung hindi malakas ang loob mo, malamang ay mahindik ka. Napahinto ako sa pagtakbo nang may marinig akong pumaswit sa akin.
“Pssssstttttt!”
Narinig ko na naman ang nakapangingilab
ot na paswit. Napalingon ako sa aking likuran. Sa likod ng bato ko parang naulinigan ang tunog. Dahan-dahan akong naglakad patungo roon. Isang hakbang. Dalawa. Tatlo. Napatigil ako.
Maya-maya ay may anino na unti-unting lumabas sa likod ng higanteng bato. Napaatras na ako at nagbalak na tumakbo.
Napaupo ako nang tuluyang lumabas ang nilalang. Napasapo ako sa aking dibdib dahil sa matinding gulat. Bumaha ang takot sa loob ko. Subalit napalitan naman iyon ng kapanatagan nang aking mapagtanto na isang matandang gnome lang pala ang nilalang na nagkukubli sa batuhan.
“Akala ko po ay kung ano na. Natakot po ako sa inyo,” sambit ko.
“Ikaw, amang, ano ba kasi ang ginagawa mo rito? Liblib na lugar na ito ng kaharian. Delikado ito para sa isang tulad mo.”
“Kayo po, bakit nandito rin po kayo?” tanong ko pabalik.
“Dito ako nakatira. Sagutin mo ang tanong ko sa ‘yo, ano’ng ginagawa mo rito?”
Isinalaysay ko lahat sa kanya ang nangyari bago ako mapadpad sa lugar na ito. Maging ang pag-ibig ko para sa isang taga-lupa ay ikinuwento ko rin sa kanya.
“Ganoon ba? Alam mo? Umibig din ako sa isang tao nang ako’y nasa edad mo,” aniya. Nagulat ako sa sinabi niya kaya’t naitanong ko tuloy, “Talaga po? Ano po’ng nangyari sa inyong dalawa?”
“Hindi ako sumuko. Hindi ako bumitiw sa aking pag-ibig sa kanya. Pero tinutulan ako ng aking ama. Isinumpa niya ang babaeng inibig ko, na naging sanhi ng kamatayan niya.” Ramdam ko ang matinding kalungkutan sa tinig niya. Maging ako’y nahawa na ng panlulumong nararamdaman niya.
“Paumanhin po kung akin pang naitanong.”
“Nako, wala iyon. Hindi mo naman kasalanan. Siya nga pala, ano ang iyong ngalan?”
“Ako po si Tanhim. Anak ng mag-asawang Karnel at Hesmyra. Nakatira po kami malapit sa batis sa harap ng palasyo. Ang aking pong ama ay tagapaglingkod ng hari at ng pamilya niya sa palasyo. Kayo po, ano ang inyong pangalan, at bakit po pala narito kayo sa kagubatan?” takang-naitanong ko. Bago siya sumagot, inaya muna niya ako sa bahay niya sa ‘di kalayuan. Sa isang yungib na inukit siya naninirahan.
“Ako si Darnum. Dito na ako tumira magmula nang mamatay si Allena, ang taong inibig ko. Nang mga panahong iyon, wala na akong mukhang maiharap pa sa aking mga kamag-anak at sa mga gnome na nakakasalamuha ko. At bukod doon, pinarusahan ako ng hari dahil sa paglabag ko sa kautusan,” pagpapaliwanag niya. Kumuha siya ng tasa at nagtimpla ng tsaa. Inilapag niya iyo sa mesang nasa harap ko.
Patuloy akong nakinig sa k’wento niya. “Bilang kaparusahan, minarkahan nila ako ng marka ng isang traydor.” Inililis niya ang suot niya at ipinakit ang nasa likod niya. “Ito ang tinutukoy kong marka. Kapag tinatakan ka ng ganitong marka, ang ibig sabihin nito at itiniwalag ka na sa ating lahi at ituturing kang isang taksil.”
Nakita ko sa likod niya ang marka na parang pinaso. Isa iyong bilog na peklat na mayroong trayanggulo sa gitna. Napaisip ako, paano kung ipagpatuloy ko pa ang pagnanais kong makasama si Lyrica? Maging katulad din kaya ng kapalaran niya ang sa akin?
“Ikaw, amang, akin kitang tatanungin, nais mo pa bang ipagpatuloy ang iyong pag-ibig sa taong minamahal mo matapos mong malaman ang lahat ng ito?” Matama siyang tumingin sa akin. Nanghihingi ng kasagutan ang mga mata niyang matamang nakatuon sa akin.
Opo. Buo na ang aking loob na sundin ang isinisigaw ng puso ko. Nakakatakot man po kung iisipin, pero hindi ako mahahadlangan ng kahit ano mang balakid sa pag-abot ko sa minimithi kong pag-ibig,” may pagmamalaki kong tugon.
“Napapamangha mo ako sa iyong katapangang taglay. Nakikita ko ang sarili ko sa ‘yo. Ganyang-ganyan din ako noon. Isinuko ko ang lahat para sa kanya. Isinakripisyo ko ang aking pamilya at pagka-gnome para sa pagmamahalan namin,” aniya.
“Ngunit may isang bagay po na humahadlang sa akin,” sabi ko.
“Ano iyon? Sabihin mo sa akin.”
“Nagpakita po ako sa kanya kahapon, at lubha siyang natakot sa aking anyo. Ang tingin niya sa akin ay isang halimaw.”
“Normal lamang na maging ganoon sila. Sapagkat hindi sila sanay na makakita ng katulad natin.”
“Kung may paraan lamang po upang hindi na siya matakot sa akin, upang maging isang tao rin ako, gagawin ko iyon.”
“Paano kung sabihin ko sa ‘yong mayroong paraan?”
Pakiramdam ko ay nabuhayan ako ng loob. “Ano po iyon? Maaari ko po bang malaman?” Naiinip ako sa pagsagot niya. “Paano po?”
“Delikado. Lubhang mapanganib kung ito ay iyong – ating isasagawa.”
“Pakiusap, sabihin mo po, Tata Darnum,” pamamakaawa ko.
Matagal siyang tumitig sa akin. Ramdam ko ang pag-aalinlangan at pagdadalawang-isip niya.
“Desidido ka na ba talaga? Tandaan mo na nakasalalay ang buhay mo rito,” pagbasag niya sa katahimikan.
“Opo. Higit pa po ako sa pagiging desidido ang pagnanais ko para rito. Handa po akong gawin ang lahat para makasama ko si Lyrica.”
“Kung gayon, makinig kang mabuti sa aking sasabihin.” Ipinaliwanag niya sa akin kung ano ang gagawin. Ayon kay Tata Darnum, isang mapanganib na salamangka ang aming isasagawa para maisakatuparan ang pagkakaroon ko ng katawang-tao. Sabi niya, sa loob daw ng puso naming mga gnome, mayroong binhi na nagdidikta kung ano ang aming magiging pagkatao, anyo, kakayahan at kaluluwa. Sa pamamagitan ng isang ritwal, maaaring kuhanin ang binhing iyon at baguhin. Kapag nakuha na ang binhi, maaaring palitan ang alinmang elemento na bumubuo rito. At kapag nangyari na iyon, maaari na niya akong gawing isang tao.
“Paano ninyo po nalaman ang lahat ng ito?” namamangha kong tanong.
“Anak ako at tagapagmana ng salamangka ng punong-salamangkero ng hari noon kaya’t aking nalalaman ang lahat ng ito. Tanging ang mga salamangkero ng hari at ang hari lamang ang nakakaalam sa bagay na ito. Mahigpit itong ipinagbabawal na gamitin dahil itinuturing itong itim o masamang mahika. Ito ang ginamit kong paraan upang magkaroon ng katawang-tao. At dahil nakikita ko sa iyo na mayroon kang mabuting puso at masidhing pag-ibig sa babaeng taga-lupa, tutulungan kita. ”
“Maraming salamat po, Tata Darnum. Maaari na po ba nating umpisahan ang ritwal?”
“Hindi pa. Kailangan pa natin ang dagta ng ugat ng puno ng Calypso. Ito ang magsisilbing instrumento upang tumibok ang iyong puso habang isinasagawa ko ang ritwal sa iyong binhi.”
Bigla kong naalala, ang ugat ng Calypso ang kailangan ng mahal na reyna para gumaling mula sa malubha niyang sakit. Kung noong una pa lang ay nalaman ko na ang bagay na ito, kinuha ko na sana ang ugat na iyon.
“Alam ko po ang ugat na tinutukoy ninyo. Iyon po ang gamot ng mahal na reyna. Iyon po ang ipinapakuha sa amin sa paligsahan kanina.”
“Kung gayon, magbalik ka roon at kumuha ka ng ugat. Sa lalong madaling panahon, bago sumapit ang kabilugan ng buwan, dapat nating maisagawa ang ritwal.”
* * *
“Heto na po ang ugat ng Calypso,” sabi ko at inilapag sa mesa ang ugat. Saglit ko lamang iyong kinuha at bumalik din ako agad.
“Paano mo ito nakuha nang ganoon kabilis?” Nagtataka siyang sumulyap sa aking mukha.
“Nakuha ko po ‘yan sa pamamagitan ng kakayahang mayroon ako.”
“Ano iyon?”
“Mayroon po akong kakayahang tumagos at manatili sa ilalim ng lupa.”
“Siya nga ba? Kung gayon, mapalad ka dahil nabiyayaan ka ng isang napaka-espesyal na talento.” Ngumiti siya matapos magsalita. “Atin nang simulan,” aniya pa at tumango sa akin.
Pinahiga niya ako sa isang mahabang bato at pinaalalahanan ng ilang salita. “Sa una ay wala kang mararamadamang sakit, ngunit kapag kinuha ko na ang binhi mula sa iyong puso, doon mo mararanasan ang pinakamatinding pisikal na sakit na maaaring maramdaman ng isang gnome. Basta’t manalig ka lang at maniwalang magiging matagumpay ang ating gagawin.
Pinainom niya ako ng isang uri ng tsaa. Ilang sandali lamang ay nakaramdam ako ng antok. Hangggang sa mahulog ako sa pagkakahimbing.
Kakaiba ang aking nararamdaman. Alam ko na tulog ang katawan ko ngunit gising na gising ang aking diwa. Maya-maya’y parang nabukasan ang aking dibdib at may kung anong bagay ang umangat mula roon. Nakapagtataka na wala akong nararamdamang sakit o kahit kirot man lamang. May tila ipinatak na likido si Tata Darnum sa bagay na nakalutang sa bukas kong dibdib. Sandali pa ang hinintay ko sa susunod niyang gagawing hakbang.
“Carzum th µ xce velum! Faiz βσ korthj sdera! Elcaiz pektor krjsie tzko hϴbreiz!”
Iyon mga katagang binitawan niya bago ko maramdaman ang walang kaparis na sakit. Parang anumang oras ay ikamamatay ko iyon. Nais kong sumigaw ngunit tila may bara ang aking lalamunan, at parang nakapasailalim ako sa isang ‘di matinag na sumpa. Hanggang sa ang sakit ay napalitan ng pagod na nakapagpawala ng aking kamalayan.
* * *
Iminulat ko ang mga mata ko. Paulit-ulit ko pang ikinurap iyon para maging malinaw ang aking paningin. Naramdaman kong may kumibot ng bahagya sa aking dibdib, kaya napadako ang tingin ko roon. Walang sugat na naroon. Ngunit may kwintas na nakasuot sa akin.
Hinawakan ko ang palawit ng kwintas. Isang kulay lumot na bato ang nakakabit doon. Ngayon lamang ako nakakita ng ganitong uri ng bato, o diyamante? Hindi ko rin alam. Teka, paano nga pala ako nagkaroon ng kwintas na ganito?
Tinitigan ko pa itong mabuti. Sa gitna ng palawit ay mayroong parang napakaliit na dahon. Bahagya akong napangiti at napaisip kung paanong naipasok ‘yon doon.
“O, gising ka na pala,” pagbati sa akin ni Tata Darnum na ngayon ay papalapit sa akin. “Kumusta ang pakiramdam mo?”
“Mabuti naman po ako. May bahagyang kirot lang po sa aking dibdib,” tugon ko naman habang pinipilit na ibangon ang aking sarili. Inalalayan naman ako ni Tata Darnum.
“Normal lang na makaramdam ka ng kirot dahil nakuha ko na ang binhi na nasa iyong puso. Ang hawak mong batong iyan ay ang iyong binhi.” Nagulat ako sa sinabi niya, kaya’t napatingin ulit ako sa batong nasa suot kong kwintas.
“Bakit po may dahon ito sa loob?”
“Iyan ang simbolo ng pagiging alagad natin ng kalikasan. Bawat gnome ay mayroong ganiyan, dahil ito ang elemento na ipinagkatiwala sa atin. Iyan din ang nagdidikta ng ating pagkatao, silbi at anyo. Sa pagsapit ng gabi, mahahati sa apat na kulay ang batong iyan – pula, bughaw, kayumanggi at luntian – iyan ang apat na elemento na kukumpleto sa katawang magkakaroon ka. Nangangahulugang ito na isa ka na noong ganap na tao. Subalit dapat mong pakatandaan, may hangganan ang pagiging tao mo. Simula sa ganap na ika-6 hanggang ika-12 ng gabi lamang ang itatagal ng mahikang ito. At mayroon ka lamang saktong labing-apat na araw bago sumapit ang pagkabilog ng buwan. Dahil kapag lumagpas na ang pagkabilog ng buwan, kusa ka nang bababalik sa anyong gnome at kailanman ay hindi ka na maaaring maging tao pa.”
“Ibig sabihin po ba nito, hindi magiging permanente ang pagiging tao ko?” nag-aalala kong tanong sa kanya.
“Hindi, kung aabutin ka ng pagkabilog ng buwan. Pero maaari pang maging permanente ito kung...” Huminto sandali si Tata Darnum.
“Kung ano po?”
“Kung matatagpuan mo ang totoong taong magmamahal at buong-buong tatanggap sa ‘yo, at maggagawad sa ‘yo ng isang... halik.”
Napaisip ako. Sa loob ng dalawang linggo, mapa-ibig ko kaya si Lyrica? Paano kung hindi? Napaka-iksing panahon iyon. Kailangan kong kayanin.
“Maiwan muna kita. Magpahinga ka dahil mamayang gabi, makakamtan mo na ang katawang-taong inaasam mo.”
* * *
Nagpaalam na ako kay Tata Darnum. Eksaktong tatlumpung minuto na lang ang nalalabi bago sumapit ang takdang oras. Bahagya ko na rin naaaninag ang dilim. Ang araw ay magpapahinga na, ngunit ako ay haharap pa lamang sa pinakamahirap na pagsubok ng buhay ko – ang humarap sa isang tao bilang isang tao.
Sa labas ng puno ng narra na aming tinitirhan, naghintay pa ako nang ilang sandali. Hanggang sa makita ko ang isang butiki na papahalik sa lupa, hudyat na tutuntong na ang oras sa ika-6. Bumagal ang ihip ng hangin. Maging ang pagsayaw ng mga dahon ay nawalan ng sigla. Ang mga ulap ay dahan-dahang lumalabas sa kanilang lungga. At ang mga kuliglig, kung humuni’y malumanay.
Heto na ako. Nararamdaman ko na ang unti-unting pagbabago sa aking buong pagkatao. Pumalibot sa akin ang mga tila gintong alikabok na sumasama sa hangin. Lumakas ang pagpintig ng aking puso, na sinaliwan ng musikang hatid ng mga kumikislot na bahagi ng aking katawan. Pumikit ako upang mas lalong maramdaman ang magaganap na pagbabago. Kabado subalit labis na masaya. Bigla na lamang lumiwanag ang buo kong katawan at umangat ako sa ere.
Napasigaw ako dahil sa ‘di maipaliwanag na pakiramdam. Bumagsak ako sa lupa na hindi ko inasahan.
Napatingin ako sa aking sarili. Una sa aking mga palad, na ngayon ay nagsihaba na at nag-iba ng hugis. Sunod ang mga paa kong nagkaroon ng daliri at sa mga binting nagkaroon ng mga maliliit na balahibo.
Humakbang ako. Parang mawawalan ako ng balanse subalit natantya ko rin ang bigat ng aking bagong katawan, kaya’t natanggal rin ang pagiging mabuway ko. Maging ang kasuotan ko’y nagbago rin. Tulad na ito ng sa mga taong nakikita ko. Hindi ko maipaliwanag ang saya sa pagkakataong ito. Sa wakas! Makakasama na kita, Lyrica...
* * *
“Sino ka?” tanong ng kung sinuman sa akin. Naglilibot-libot ako sa napakaganda at malawak na hardin ni Lyrica nang marinig ko ang tinig, kaya’t napaharap ako sa may-ari no’n.
Siya ang tiyahin ni Lyrica.
“Ako po si Tanh— ” Teka, hindi yata maganda kung gamitin ko ang tunay kong pangalan. “... si Tanny,” pagpapatuloy ko.
“Anong sadya mo rito, guwapong binata?” Tinawag niya akong guwapo?
“A, e, a-ano po... manliligaw po sana ako.” Wala na akong maisip na maisasagot dahil sa pagkataranta kaya’t nasabi ko na ang totoo.
“Talaga?! O sige, halika, tumuloy ka sa loob,” magiliw niyang pag-anyaya sa akin.
At pumasok kami sa loob.
“Saglit lamang at tatawagin ko ang anak ko,” aniya pagkatapos akong bigyan ng maiinom.
Mula sa isang silid ay lumabas ang isang dalaga. Akala ko’y si Lyrica na iyon, ngunit hindi pala siya. Isang babaeng sobrang puti, maiksi ang buhok at mapula ang mga labi. Kabaligtaran ng lahat ng katangian ni Lyrica.
“Totoo bang manliligaw ka sa akin?” malambing nitong tanong. Umupo silang mag-ina at nagharap-harap kami.
“A... e... hindi ikaw ang sadya ko rito. Si Lyrica,” diretsa kong saad.
“Ano?!” sabay na napabulalas ng mag-ina.
“’Yung panget na ‘yon ang liligawan mo?” tanong ng binibini saka humalakhak.
“Seryoso ka ba, iho?” tanong ng ginang at sumunod sa pagtawa.
“Opo, seryoso po ako.” Kapwa sila hindi makapaniwala sa binitiwan kong salita. Nakita kong mula sa labas ay pumasok ng bahay si Lyrica at napatingin sa amin. Napatayo naman ako sa paglapit ng presensya niya. Napatingin din ang mag-ina at nagwika ang ina, “Lyrica, may manliligaw ka.”
Napansin ko naman ang masamang titig ng binibini kay Lyrica.
“L-lyrica... manliligaw sana ako sa ‘yo.” Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa. Walang panahon ang dapat masayang.
Hindi maipinta ang emosyon sa mukha niya. Parang ayaw niyang maniwala. Bigla na lang siyang lumayo at tumakbo papalabas. Naabutan ko siya sa pampang ng dagat malapit bahay nila at nakatanaw sa kawalan. Tinabihan ko siya at kinausap.
“Totoo ang sinabi ko kanina. Nais kitang ligawan, Lyrica. Matagal na kitang sinusubaybayan. Marami na akong nalalaman tungkol sa ‘yo. Alam ko na mahilig ka sa halaman. Alam ko rin na mahilig king umawit. Malimit kang mamalagi sa batis na ito at maging mapag-isa.”
Punong-puno ng katanungan ang mga mata niya. “Pero bakit ako pa? Bakit ‘di na lang ‘yung pinsan ko na ‘di hamak sobrang mas ganda kaysa sa akin? ‘Wag mo akong paglaruan. Hindi ako naniniwala sa ‘yo,” walang tingin niya saad.
“Sa palagay mo ba, susundan kita rito’t kakausapin kung hindi tunay ang layunin ko? Siya nga pala, ako si Tanny.”
Hindi na siya umimik, sa malayo’y nakatanaw pa rin. Kaya’t naisipan kong magkuwento na lang sa kanya. “Alam mo, mayroon akong kakilalang bata noon na sobrang duwag. Sobrang takot siya sa palaka. Alam mo ba kung bakit?”
Napatingin siya sa mga mata ko. “Bakit?”
“Kasi akala niya kakainin siya no’n.” Bahagya siyang napangiti.
“Alam mo ba kung sino ‘yong bata?”
“Sino?”
“Ako.”
Natawa siya sa sinabi ko. “Duwag ka naman pala, e.”
Parang tumalon ang puso ko nang makita ko ang ngiti niya. “Ikaw naman ang magk’wento,” sabi ko.
Saglit siyang hindi kumibo, subalit nagsalita rin. “Alam mo ba? May kilala rin akong bata na dati ay masayahin, pero ngayon ay malungkutin na dahil namatay sa isang aksidente ang mga magulang niya. Naiwan siya sa pangangalaga ng tiyahin niya na sobrang sama ng ugali, kasama ang maldita niyang pinsan. At alam mo kung sino ang bata na ‘yon?”
“Sino?”
“A-ako...”
Pakiramdam ko naman ngayon, dinurog ang puso ko sa aking nalaman. Narinig ko na lang na humikbi siya at tuluyang umiyak. Ganito pala kahirap at kalungkot ang pinagdaraanan niya. Minasdan ko siya habang umiiyak. Wala akong magawa para pagaanin ang bigat na kanyang dinadala.
Bigla na lang siyang tumakbo papalayo sa akin. Kasabay noon ay ang pagkislap ng kwintas ko. Hudyat na patapos na ang aking oras bilang tao. Hindi ko na hinabol si Lyrica. Bumalik na lamang ako sa puno ng narra sa kanyang hardin at doon nagbalik sa tunay kong anyo.
* * *
Sinuyo ko ulit siya nang sumunod na gabi. Pinatawa sa aking mga kuwento. Inawitan ng iba’t ibang kantang alam ko. Sa mga dumating pang mga gabi, ipinag-igib ko sila ng tubig. Ipinagsibak ng kahoy. Ginawa ko na lahat ng bagay na ginagawa ng isang lalaking nanliligaw.
Sa pag-usad ng oras, nakalimutan ko na labing-apat na araw lang ang mayroon ako. Sa halip na isipin iyon, sinulit ko ang mga gabi na kasama ko si Lyrica. Ipinaramdam ko sa kanya kung gaano ko siya kamahal, na tunay ang intensiyon ko, sa maiksing panahon na ipinagkaloob sa akin. Hanggang sa sumapit ang huling gabi bago ang kabilugan ng buwan...
“Mahal na kita, Lyrica,” sabi ko at tumingin sa kanya na ngayon ay nakahilig sa balikat ko. Nakatanaw naman siya sa umaalong dagat.
“Mahal na rin kita, Tanny.” Ibinangon niya ang ulo niya at tumitig sa ‘king mga mata nang masuyo.
Namagitan sa amin ang katahimikan. Doon ko naramdaman ang pinakatunay sa lahat ng mahika – at iyon ang wagas na pag-ibig. Heto na, magiging ganap na ang aking pagiging tao. Sa pagbagal ng pag-inog ng daigdig, unti-unti naglapat ang aming mga labi. Walang kasing-ligaya. Walang nang mas makapangyarihan pa. Nagningning ang aking kwintas nang mga sandaling iyon. Binalot ako ng liwag at lumutang sa ere, na ikinatakot ni Lyrica.
Sa wakas! Magiging ganap na ‘kong tao!
Nang idilat ko ang aking mga mata, pareho kaming nagulat ni Lyrica. Bumalik lamang ako sa anyong gnome. Pero bakit? Hindi ba’t ang halik ng totoong pag-ibig ang paraan upang habang-buhay na akong maging tao?
Napasigaw si Lyrica sa takot at nagwika, “Sino ka? Nasaan si Tanny? Ano’ng ginawa mo sa kanya?”
“Ako, ito, Lyrica. Ako si Tanny.”
Doon ko naalala ang sinabi ni Tata Darnum.
“Kung matatagpuan mo ang totoong taong magmamahal at buong-buong tatanggap sa ‘yo, at maggagawad sa ‘yo ng isang... halik.”
Buong-buong tatanggap? Ibig sabihin ay hindi pala ako matatanggap ni Lyrica sa anyong ito kaya’t wala ring silbi kung mahalikan ko siya.
“Hindi p’wedeng mangyari ‘to,” aniya.
Tumakbo siya papalayo sa tabing-dagat. Pakiramdam ko ay gumuho na ang buong mundo ko sa nangyayari. Wala na ang silbi ko kung mawawala ka sa akin, Lyrica. Napahagulgol ako at napaluhod. Wala na. Nasayang lamang ang lahat.
Subalit nabuhay ang loob ko nang may tinig akong narinig.
“Tanny, ikaw ba talaga ‘yan?”
Napatingala ako sa kanya. “Oo, mahal, ako ito. Patawarin mo ako kung naglihim ako sa ‘yo. Hayaan mong magpaliwanag ako.”
Naupo kaming dalawa sa pampang. Ipinaliwanag ko lahat sa kanya. Simula sa pagsubaybay ko sa kanya hanggang sa ritwal na isinagawa sa akin. Hindi ko alam kung bakit nakakaya niyang makinig sa aking k’wento gayong ganito ang aking anyo.
“Ibig sabihin ba, kung hahalikan kita, magiging tao ka?”
“Oo,” nahihiya kong sagot.
Binuhat niya ako. Ang pag-aakala ko ay gagawaran niya ako ng isang halik. Subalit niyakap niya ako nang sobrang higpit. Nakita kong mayroon muling liwanag na lumabas mula sa aking kwintas at binalot kaming dalawa. Sa pagkakataong iyon, kapwa kami lumutang at sumama sa hangin. Halos masilaw ako sa liwanag na nagmumula sa aming dalawa. Hindi ko na alam ang nangyayari, dahil wala rin naman ito sa mga inaasahan kong maaaring maganap.
Dahan-dahan ay lumapag kami sa lupa. Kung kanina ay hamak ang laki niya sa akin, ngayo’y magkasing-laki na kami. Akala ko ay naging tao na ako, ngunit ako pala ay mali.
“Lyrica, isa ka nang gnome!” napabulalas ko sabi.
Kapwa kami naguguluhan sa nagyayari.
“Paanong nangyari ‘to?” tanong ko.
“Hindi ko rin alam. Basta’t hiniling ko lang na sana, wala nang hadlang na pumagitan sa pagmamahalan nating dalawa.”
Wala akong ideya sa kung ano ang nangyari. Ang tanging natutunan ko lang, hindi isang halik lamang, kundi tunay at wagas na pag-ibig at pagtanggap ang makakagawa ng mga bagay na imposible.