Genre: Horror
***
"Ate, nakita mo ba siya?" tanong ni Tonyo sa isang babae sa jeep.
"Sino ba, bata?" pagtataka nitong tanong pabalik sa paslit na gusgusin.
"Nakita mo ba siya?" muling usal ni Tonyo na nagpakunot sa noo ng pasahero.
"Sino nga, bata? Ano'ng pangalan?" Bakas sa tinig ng babae ang iritasyon na pinipigil niya.
Napatingin sa kanila ang mga pasahero.
Bumaling siya sa isa pa. "Ale, nakita mo ba siya?"
"Nako, tigilan mo 'ko," pagtataray ng babae na umiwas pa at lumingon sa kanan. Halata ang pandidiri sa mga titig at kilos.
Hindi mapakali ang bata. 'Di mapalagay. Tila may hinahanap, at parang isang sagot lamang ang makakaalis sa nababagabag na isipan.
Lumabas siya't pinuntahan ang driver.
"Manong, nakita mo ba siya?"
"Umalis ka nga rito. Napakakulit mo!" singhal ng mama na siguro'y sawa na sa araw-araw na paglapit sa kaniya ni Tonyo.
Napatanaw ang bata sa kalangitan. Ang kumpulan ng mga bituin ay ngayo'y natatakpan na ng mga ulap. Kinakain ang liwanag na dulot ng buwan. Umihip ang hangin. Napasinghap siya at napahaplos sa mga braso na niyayakap ng lamig.
Ilang saglit pa, umandar ang jeep at tumulak papaalis. Ngunit hindi pa man ito nakakalayo, sumalpok ito sa isang bus. Dumanak ang dugo sa kahabaan ng daan. Umalingawngaw ang mga tinig na humihingi ng saklolo. Hinahagkan ng kasawian ang mga kaluluwang pilit hinahanap ang daan pabalik sa kani-kanilang katawan.
Naiwan namang nakatanaw lamang si Tonyong; bumulong, "Ako, nakita ko siya. Nakita ko si... Kamatayan."