Magbabalik Ako, Para Sa 'Yo

10 0 0
                                    

Genre: Drama/Slice of Life

***

Kasing ganda ng umaga ang ngiti ni Nanay nang salubungin niya ako. Parang ang ayos-ayos at ang gaan ng lahat ng bagay dahil sa pagiging positibo niya. Nakakahawa ang sayang taglay niya, kaya’t kahit ako ay napapangiti sa kanyang kilos.
Galing ako sa labas ng bahay namin dahil nakipaglaro ako sa mga pinsan ko. Pagkakain pa lang ng agahan ay lumabas na ako para makipaglaro ng piko at Chinese garter sa kanila.
“Halika nga rito, anak,” pagtawag niya sa akin. Hinaplos niya ang likuran ko.
“Basang-basa ka na naman ng pawis, Sabrina. ‘Wag kang nagpapatuyo ng pawis sa likod mo, ha. Masama ‘yon. Baka magkasakit ka,” pagpapaalala pa niya. Tumingin ako sa kanya at ngumiti. Binihisan niya ako at nilagyan ng bimpo sa likod.
“Heto nga pala, nagluto ako ng paborito mong bananacue. Kain ka na, anak,” aniya at ibinaba sa mesa ang isang platong puno ng katakam-takam na saging na balot ng malagkit na asukal.
Excited kong kinuha ang isa at kinain. Masarap talagang gumawa si Nanay ng bananacue. May kakaiba rito na lalong nakapagpapasarap sa lasa nito. Kaya naman paboritong-paborito kong meryendahin iyon.
Pagkakain ko ay umupo sa tabi ko si Nanay. Kumuha siya ng suklay saka niya sinuklay ang buhok ko. Gustong-gusto kong sinusuklayan niya ako t’wing pagkatapos kong maglaro. Hinaplos-haplos pa niya ‘yon, at pagkatapos ay itinirintas.
“Maganda ang buhok mo, anak. Kaya lagi mo ‘yang susuklayin at aalagaang mabuti, ha.”
Tumango naman ako. Umuusog siya papalapit sa akin, saka niya ako niyakap. Hindi man niya sabihin, ramdam na ramdam ko na mahal na mahal niya ako.
“Mahal ka ni Nanay, anak.”
“Mahal ko rin po kayo, Nanay.”
***
Nagising ako na basang-basa ng luha ang unan ko. Ilang gabi ko nang napapanaginipan si Nanay, at ‘yung mga alaala na kasama ko siya, na lagi kong binabalik-balikan. Walong taon na. Walong taon na mula nang iwan niya kami ni Tatay.
Miss na miss na kita, Nanay. Naaalala mo pa kaya ako? Kailan ka ba babalik? Sana makita na ulit kita at mayakap tulad ng ginagawa mo sa akin dati. Sana makasama kita ulit, at ikaw naman ang ipagluluto ko ng bananacue. Sana, narito ka. Sana...
Kahit pa iniwan niya kami, kailanman ay hindi ako nagtanim ng sama ng loob sa kaniya. Palagi kong ipinagdarasal na sana, bumalik na siya rito sa amin.
Malinaw na malinaw pa sa isip ko ang araw kung kailan siya umalis...
“Nanay, hindi mo na po ba kami mahal ni Tatay? ‘Wag ka na pong umalis,” lumuluha kong pakiusap sa kanya habang nakakapit sa kanyang braso. Pilit kong hinihila ang kamay niya para hindi siya makalayo.
“’Wag mong isipin ‘yan anak. Mahal na mahal kita. Kailangan ko lang ‘tong gawin. Pangako, babalik ako. Magbabalik ako, para sa ‘yo. Hintayin mo ako, ha? Tandaan mo lagi, mahal na mahal ka ni Nanay.” Ginawaran niya ako ng isang halik sa aking pisngi. Pinipigil niyang hindi umiyak. Habang ang mga hakbang niya ay mabibigat na parang ayaw niyang umalis.
“’Nay!” patuloy kong pagpigil sa kanya.
Hinawakan naman ako ni Tatay papalayo kay Nanay, na ngayon ay hila-hila ang bag n’yang may lamang gamit. Tuluyan na siyang umalis at nawala sa aking paningin. Nagpupumiglas ako. Pilit kong tinatanggal ang pagkakahawak sa akin ni Tatay.
“Hindi na niya tayo mahal. May iba na siyang pamilya kaya niya tayo iniwan. Hinding-hindi na siya babalik,” matigas na sabi ni Tatay.
Hindi ako naniniwala kay Tatay. Alam ko, babalik si Nanay at mabubuong muli ang pamilya namin.
***
Bumalik ako sa sarili ko nang kumatok si Tatay sa pinto. Bahagya pa akong napaigtad sa gulat.
“Anak, bangon na. May pasok ka pa.” Oo nga pala! May klase pa ako. Napatingin ako sa alarm clock. 6:03am. Maaga pa pala. 8 o’clock pa naman ang klase ko.
“And’yan na po, Tatay.”
Naligo muna ako at nag-ayos ng sarili. Hindi ko maiwasang hindi malungkot tuwing naaalala ko si Nanay, at ‘yung mga oras na siya pa ang naggagayak sa akin sa pagpasok.
Lumabas na rin ako agad. Pagkarating ko sa mesa, nakita kong may nakahain nang pagkain doon. Umupo na ako at nagsimulang kumain. Ilang saglit pa ay umupo na rin si Tatay sa tapat ko at kumain. May trabaho pa siya kaya gumagayak din siya nang maaga.
“Ay, Tatay, meron nga po palang family day sa school sa Friday. Required daw po na um-attend ang parents ng lahat ng estudyante,” sabi ko.
Hindi yata naging maganda ang dating ng sinabi ko sa kaniya kaya napakunot ang kaniyang noo. “Tigilan mo nga ako, Sabrina. Anong family day? Alam mo namang hindi na tayo buong pamilya. Tapos ipipilit mo pa ‘yang walang-kwentang family day na ‘yan.”
Hindi ko inaasahan na gano’n ang magiging reaksiyon niya. Hindi naman ganito si Tatay.
Hindi malakas ang kanyang boses pero ramdam ko ang galit dito – galit na kinimkim niya sa mahabang panahon – galit sa ginawa ni Nanay sa amin.
Hindi na ako nagsalita pa. Hindi ko masisisi si Tatay, at hindi ko rin naman kayang magalit sa kanya dahil masakit talaga ang ginawa ni Nanay.
“Anak, pasensya na sa nasabi ko,” biglang hingi niya ng paumanhin. “Pasensya ka na kung ikaw ang napaglalabasan ko ng galit. Hindi ko intensyon na sabihin ‘yon.”
“Ayos lang po ‘yon, ‘Tay. Sasabihin ko na lang po sa teacher ko na hindi kayo puwede.”
“Hindi, hindi, h’wag. Sasamahan kita,” pagtutol niya, saka nginitian ako.
Maya-maya’y mayroong sasakyang huminto sa harap ng bahay namin. Kapwa kami napalabas ni Tatay upang tignan kung sino ‘yon. Nabigla kaming dalawa nang malaman namin kung sino.
Nagbalik siya... si Nanay.
Kasama siya nina Lolo’t Lola, at iba pa naming kamag-anak.
Dali-dali akong tumakbo papalapit sa kanila. Sa wakas! Heto na ang araw na matagal ko nang hinintay. Dininig na ng Diyos ang gabi-gabing panalangin ko sa Kaniya. Umagos sa aking pisngi ang mga butil ng luha, hindi ng kasiyahan, kundi ng labis na paghihinagpis at kalungkutan.
Tila bumagal ang pag-inog ng mundo. Kasabay no’n ang pagharap ko sa katotohanan.
Sa pagsilip ko sa puting kahong nasa harap ko, nakumpirma kong si Nanay ‘yon.
Tinupad niya ang kanyang pangako.
Bumalik siya para sa akin.

EntradasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon