Ito ba ang Silbi ng Tao?

7 0 0
                                    

Ito Ba Ang Silbi Ng Tao?

“Halikayo! Doon tayo sa gubat maglaro!” pag-aaya ni Maliksi sa mga kalaro niya.
“P-pero… ‘di ba’t bawal tayo ro’n? Baka tayo naman ang sunod na maging biktima ng mangkukulam na nakatira roon,” nag-aalalang sagot ni Alwino.
“Napakaduwag mo naman, Alwino,” sabi ni Diwali. “Hindi naman totoo ‘yon, e. Panakot lang ng mga matatanda ‘yon para hindi tayo pumunta sa gubat,” dagdag nito.
Tatanggi pa sana siya nang hilahin siya ng mga kaibigan patungo sa kakahuyan.
...
Nakarinig ng kakaibang ingay si Alwino sa likod ng mga halamang nasa gilid niya. Dahil sa kuryosidad, hinawi niya ang mga dahon, at ganoon na lang ang pagkagulantang sa nasaksihan. Halos mapasigaw siya nang makita ang mangkukulam na parang mayroong ginagawang ritwal. Kitang-kita niya kung paano gilitan ng babae ang isang kambing. Sinahod nito ang dugo at ipinatak sa isang malaking kawang mayroong tubig.
Hinalo ng mangkukulang ang laman ng kawa at nagbigkas ng mga katagang hindi niya maunawaan. Pagkaraan noon ay may maitim na usok na umakyat sa langit na napansin din ng mga kasama ni Alwino. Gumuhit ang napakahabang liwanag. Pagkaraan noo’y ang pagdagundong ng kulog na ikinagulat ng magkakaibigan, dahilan para makita sila ng babae na nanlilisik ang mga mata.
Ganoon na lamang ang pagkakapinta ng takot sa mukha ng mga bata kaya’t nag-una-unahan silang nagsipagtakbuhan.
...
“Pinuno! Pinuno!” habol ang hiningang tawag ni Maliksi sa kanilang pinunong si Simalain nang makasalubong nila ito sa daan.
“Pinuno, nakita po namin ang mangkukulam sa gubat!” saad ni Diwali.
“Galing kayo sa gubat? Hindi ba’t pinagbawalan na ang lahat na pumunta ro’n?!” galit na tanong nito.
“‘Wag n’yo muna po kaming pagalitan. May ikukuwento pa po kami sa inyo.” Hinila ni Alwino sa kamay ang pinuno papunta sa loob ng bahay nila nang tuluyan nang bumagsak ang ulan.
...
“Ibig sabihin ba nito, ang mangkukulam na iyon ang dahilan ng pagka-ubos ng mga alaga nating hayop?” tanong ni Simalain pagkatapos ilahad ng mga bata ang nasaksihan nila.
“Maaaring siya rin ang kumuha sa mga nawawalang tao rito sa ating lugar,” suspetsa pa niya.
Labis na ikinabahala ng bawat isa sa lugar nila ang balitang iyon. Ibig sabihin kasi noon, maaaring patay na ang mga nawawala. Sinasabing ang lahat ng nawawala ay nagpunta sa gubat upang manguha ng bungang-kahoy at mag-igib ng tubig sa batis na naroon, at ni isa sa mga ‘yon ay hindi na nakabalik pa.
Isa pang bagay na isinisisi ng mga mamamayan sa mangkukulam ay ang taggutom na dinaranas nila. Isang taong nang dumadaan sa taggutom ang lugar nila. Gayunpaman, hindi naman sila pinababayaan ng langit, dahil minsan sa isang buwan ay dumarating naman ang ulan.
...
“Sobra na ang lahat ng ‘to! Maraming buhay na ang naisakripisyo dahil sa kagagawan ng mangkukulam na iyon! Papayag pa ba tayo na may magbuwis na naman ng buhay?!” tanong ni Simalain sa mga taong bayan.
“Hindi!” sagot ng mga tao at kanya-kanyang itinaas ang sulo na hawak nila. Pagkagat ng dilim ay tinungo nila ang pusod ng kakahuyan at hinanap ang mangkukulam.
“Narito siya!” sigaw ng isa na nakakita sa kanilang pakay.
“Pakawalan n’yo ako! Bitiwan n’yo ako! Pagsisisihan n’yo ‘to kapag hindi kayo tumigil!” pagbabanta ng mangkukulam nang mahuli siya ng mga tao at itali sa haligi ng sarili niyang kubo.
“Sunugin siya!” hiyaw ng isang lalaki na sinundan ng iba pa.
Lumapit si Simalain sa kubo at idinikit ang dulo ng sulo sa pawid na bubong.
“‘Waaaag! Huwag! Pakawalan ninyo akooo!”
Mabilis na kumalat ang apoy at tinupok ang bahay. Nagsisigaw ang mangkukulam sa paggapang ng apoy sa kanya. Nanunuot sa tainga ang boses nito, dahilan para takpan ng lahat ang kani-kanilang mga tainga.
“Aaaahhhh! P-pagsisisihan n’yo ‘to! Pagsisisihan ninyo ang lahat ng itooooooo!” Pagkasigaw ng mangkukulam ay nalagot agad ang kanyang hininga.
Kasabay ng pagpalahaw ay ang muling pagkulog at pagdating ng maliwanag at mahabang kidlat. Tumama iyon sa isang puno, na ikinabiyak nito. Mula roon ay lumabas ang isang napakaliwanag na nilalang. Unti-unting kumupas ang liwanag at nalantad sa paningin ng bawat isa ang isang napakagandang diwata, na nagdulot sa kanila ng matinding takot.
“Ano’ng ginawa ninyo, mapangahas na mga taga-lupa?! Kayo mismo ang siyang kumitil sa buhay ng inyong tagapangalaga!”
Naguluhan ang mga tao sa sinabi ng diwata. Takot at tahimik na nakinig ang bawat isa sa patuloy na pagsasalita ng mala-diyosang nilalang.
“Hindi ba ninyo alam na si Bulawan, ang mangkukulam na iyan, ay ang diwata ng ulan at pag-aani? Oo, tama ang narinig ninyo! Maaaring nagtataka kayo kung bakit ganyan ang kanyang anyo. Nagbalat-kayo lamang siya. Ang katotohan ay labis ang galit sa inyo ng mahal na Bathala dahil sa walang habas na paggamit, pang-aabuso at pagsira ninyo sa mga yamang likas. Subalit dahil sa pagmamahal sa inyo ni Bulawan, itinakwil siya ni Bathala para lamang tulungan kayo. Nanirahan siya sa kagubatan at nagpanggap na isang mangkukulam para hindi siya gambalain ninuman at patuloy pa rin kayong matulungan. Kinailangan niyang gumamit ng mga hayop upang gawing alay para sa patuloy na pagpatak ng ulan sa bawat buwan. Ngunit kailanma’y hindi siya pumatay ng tao—dahil mahal niya kayo! Isang buwaya na nakatira sa batis ang pumapatay sa mga nawawala ninyong mahal sa buhay… Labis akong nagdadalamhati!” at tumangis ang diwata.
“At dahil sa ginawa ninyo, para na rin ninyong unti-unting papatayin ang inyong mga sarili!”
***
Bagama’t nanghihina, pinilit ni Alwino na ibangon ang sarili sa pagkakahiga. Ilang araw na silang hindi kumakain at kagabi ang huli nilang pag-inom ng tubig. Kailangan niyang makahanap ng makakain dahil siya na lang ang may natitira pang lakas sa pamilya, at kung hindi, alam niyang lahat sila’y mamamatay.
Nakaisip siya ng ideya. Pupunta siya sa gubat. Baka roo’y mayroon pang prutas o kaya’y tubig.
Subalit nadismaya siya sa nakita. Wala nang buhay ang mga puno sa gubat. Wala nang mga hayop. Maging ang batis ay tuyot at ang paligid nito ay sira na. Wasak na ang kayamanang ipinagkatiwala sa kanila ni Bathala.
At alam niyang ang pagkasirang ito... ay kagagawan nilang mga tao.

EntradasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon