Genre: Historical Fiction
***
NASASABIK KONG GINAWARAN ng isang halik ang pinakamamahal kong si Amita. Mahigit isang linggo kong hindi siya nakita dahil kapwa kami hindi makahanap ng pagkakataon. Mariing tinututulan ng kaniyang amang Kastila na sundalo, maging ng kaniyang Pilipinong ina ang aming pag-iibigan, hindi dahil isa akong Indio, iyon ay dahil isa akong magnanakaw.
Naririto kami sa ibabaw ng burol—sa dakong kanluran ng aming bayan, ang pueblo ng Karayman—sinasamsam bawat sandaling alam naming mabilis na lilipas.
“Pakiusap, Maisog, h’wag mo nang ituloy ang kagustuhan mong nakawin ang kayamanan ng gobernadorcillo. Lubhang delikado kung ikaw ay magpapatuloy. Mainit ang kanilang mata sa iyo. Kilala ka na nila dahil sa paulit-ulit na nakawan na pinangungunahan mo. At sigurado, kapag nahuli ka nila, wala kang magiging laban sa mga sundalo at kanilang sandata,” pagtutol niya sa aking plano.
“Napag-usapan na natin ‘to, Amita. Tutuloy ako mamayang gabi habang abala ang lahat sa pagdiriwang. Alam mo rin naman na hindi sa gobernadorcillo na ‘yon ang kayamanang tinutukoy ko. Sa mga Indio iyon na sapilitan nilang kinuhanan ng labis-labis na buwis, at sa aming pamilyang matagal nang iniingatan ang aming kayamanan,” aking pagpapaliwanag.
“Huwag mong sasabihing hindi kita binalaan,” aniya sa tonong may halong pananakot, dahilan para mapatitig ako sa kanina’y inosente niyang mukha na ngayon ay hindi ko mawari ang nais ipabatid.
Kapwa kami nagpaalam sa isa’t isa. Pagkabalik ko sa aming tahanan, sinalubong ako ng aking pinsan na si Limarawen; humahangos na ihinatid ang isang balita.
“Maisog, Maisog, kinuha ng mga sundalo ang iyong ama! Inakusahan nila siya na nagnanakaw at bumubuo ng isang kilusan laban sa kanilang pamahalaan.”
Nangibabaw sa akin ang matinding galit. Noong una’y ang aking kapatid na si Murukan ang kanilang kinuha dahil sa isa raw ito sa nag-aaklas laban sa kanila; sinamsam pa ang aming kayamanan. Sunod ay ang aking ina naman na ipinagbili nila’t ginawang alipin. At ngayon, ang aking ama na inakusahan nila ng pagnanakaw? Gaano ba sila kawalang-puso?
Hindi ko na napigilan ang aking sarili. Tumungo ako sa kabayanan upang harapin ang gobernadorcillo. Wala na akong pakialam kung mamatay pa ako, basta’t mabawi ko lang ang aking ama.
Nang marating ko ang liwasan, nakita ko ang kumpulan ng mga tao sa daan. Nagimbal ako nang masaksihan ang isang walang-buhay na katawan ay ipinapahila ng isang sundalo sa kabayo, at iyon ay ang aking kapatid! Ayon pa rito, hindi siya dapat tularan dahil magnanakaw at suwail siya sa pamahalaan.
Lumakas pa lalo ang alimpuyo ng galit sa puso ko. Susugurin ko na sana ang sundalo, subalit pinigil ako ni Limarawen na sumunod pala sa pagtungo ko rito.
“Nag-iisip ka ba, Maisog? Alam mong wala kang kalaban-laban sa sundalong iyon. Kung nais mong bawiin ang iyong ama at ipaghiganti ang iyong kapatid, mag-isip ka at gumawa ng plano,” aniya nang hilahin ako papalayo sa mga tao.
Tama si Limarawen. Dapat mag-isip ako ng plano para makaganti sa ginawa nila sa aking kapatid; para mabawi ko ang aking ama.
Napabaling muli ako ng tingin sa kaniyang direksyon at pilit sinusundan ng tingin ang paghila sa katawan ng aking kapatid. Kasunod ng sundalong nakasakay sa kabayo ang iba pang sundalo na mukhang naglilibot-libot sa paligid. Kataka-taka lamang na may isang babaeng kabilang sa kanila. Napahabol ako ng tingin upang kilalanin ang pamilyar niyang pigura subalit hindi ko siya makilala.
NANG SUMAPIT ANG gabi, nagpunta ako sa bahay-tanggapan ng gobernadorcillo dala lahat ng katapangan ko at isang itak. Sakto at aligaga ang lahat sa liwasan dahil sa selebrasyon ng pagkakasilang ng ikatlong anak ng gobernadorcillo.
Mabuti’t tutulog-tulog ang nag-iisang bantay sa kaniyang bahay kaya’t madali ko iyong napasok. Nang tunguin ko ang kaniyang silid, tumambad sa akin ang sandamakmak na palamuting gawa sa ginto. Kaya’t hindi na ako nagdalawang isip na kunin ang makakaya kong dalhin.
Katabi ng bahay-tanggapan ay ang mga piitan. Mayroon para sa mga Kastilang nagkasala sa batas, at mayroong bukod para sa mga Indio. Tinungo ko ang piitan ng mga Indio upang hanapin at ilabas ang aking ama.
Subalit hindi pa man ako nakakalapit doon, isang babaeng nakatakip ang mukha ng piraso ng tela at may suot na mahabang damit na gawa sa lino ang lumapit sa akin. Nakatitig ang mga mata niyang tila nanghihipnotismo. Ang halimuyak niya ay tila sa sampaguita na nagdudulot sa akin ng matinding pagnanasa sa paghaplos niyon sa aking ilong.
Nang hawakan niya ang akin dibdib ay nawala na ako sa aking sarili. Tila ba nagamitan ako ng salamangka. Isang gayuma, na habang tumatagal ay nagpapaalab ng pagnanais kong mapasa-akin siya.
Inilapit niya ang kaniyang bibig sa aking mukha, kaya’t akala ko’y magagagawad siya ng halik.
“Ang dali mo namang bumigay, Maisog,” bulong niya. Kasabay noon ay ang pagtagos ng matulis na bagay sa aking tagliran.
Bago magdilim ang lahat sa akin, inalis niya ang nagkukubli sa kaniyang mukha.
“Amita?”