Genre: Tragedy/Drama
***
Bahagya nang napakunot ang noo ko. Kanina ko pa pinipindot ang doorbell ng gate namin, pero walang nagbubukas para sa akin. Muli kong diniinan ang buton na gumawa ng malakas at nakaka-iritang ingay. Kaya lang ay wala pa ring nakakarinig.
Nasaan na ba si Yaya Tess, saka si Ysabelle? Kaninang makapananghali pa siya nakauwi galing sa eskwelahan.
Maya-maya ay dumating din si Yaya Tess at pinagbuksan ako.
“Yaya Tess, kanina pa ho ako rito sa labas. Hindi ninyo ba naririnig ang doorbell?” tanong ko na may halong pagka-inis. Napayuko naman siya. Tumuloy na kami sa loob ng bahay.
“A, e, ma’am, nagsasampay po kasi ako ng mga nilabhan ko. Tapos maingay po ‘yung kapitbahay natin,” tugon niya.
“Gano’n ho ba? Siya nga pala, nasaan si Ysabelle? May importante kaming pag-uusapang dalawa. Dapat magpaliwanag sa akin ‘yung bata na ‘yon.”
Nakipag-away na naman kasi ang anak ko kanina sa eskwelahan. Hindi ko alam kung bakit nagkakagano’n ang bata na ‘yon.
“Huli ko po siyang nakita no’ng pinagbuksan ko siya ng gate kaninang mga bandang ala-una. Niyaya ko pa nga pong kumain pero ayaw po. Baka po nasa k’warto lang ‘yon.”
Naupo ako sa sofa sa living room. Medyo nahihilo ako sa init at sa sobrang pagod dahil sa maghapong pagtuturo. Isa akong Filipino teacher sa isang private school malapit dito sa amin, kung saan nag-aaral ang aking anak. Bunso sa dalawang anak namin ng asawa kong si Rodolfo si Ysabelle. Si Rodolfo ay isang engineer na nagtatrabaho sa Maynila, si Ysabelle naman ay kasalukuyang nasa grade 10 na, at ang panganay ay si Xyrille na isang doctor na ngayon.
Kahit may-kaya kami, mas pinili kong magturo, dahil bata pa lang ako ay pangarap ko na talagang maging isang guro.
“Salamat,” sabi ko kay Yaya Tess pagkababa niya ng juice sa mesang nasa harap ko.
Pagkainom ay pumunta ako sa k’warto naming mag-asawa para makapagbihis. Pagkapasok ko sa loob ay ‘yung kulay puting bagay na nasa kama ang agad na pumukaw sa atensiyon ko. Nilapitan ko ‘yon at nalamang isang piraso iyon ng papel na nakatupi sa gitna.
Dala ng kuryosidad, mabilis ko ‘yong binuklat, at binasa ang nakasulat doon.
Dear Mommy,
You might be wondering kung bakit ako nag-iwan ng sulat dito sa k’warto n’yo ni daddy. Gusto ko lang pong mag-thank you sa inyo sa lahat-lahat – sa pag-aalaga n’yo po sa akin noong bata pa ako, sa pagbibigay ng lahat ng pangangailangan ko, at sa pagpaparamdam sa akin na kahit papaano ay mahal ninyo ako.
Hindi ko po gustong sumbatan kayo sa mga pagkukulang ninyo sa akin. Dahil sa totoo lang, lahat naman ng gusto ko, financial and material needs ay naibibigay n’yo sa akin. Pero pakiramdam ko po kasi, ang laki ng kulang. Na may malaking bahagi ng buhay ko ang nawawala. Do you know why I feel that way? Hindi ko na kasi maramdaman na magulang ko kayo; na nandyan kayo ni daddy para suportahan ako sa mga desisyon ko; para palakasin ako whenever I feel weary; para i-cheer up ako tuwing nalulungkot ako. Feeling ko po kasi ay wala akong mommy at daddy na p’wede kong tawagin kapag gusto kong may makausap at p’wedeng makasama kapag nararamdaman kong mag-isa ako.
Sobrang daming times na gusto ko kayong makasama, pero lagi kayong busy sa trabaho n’yo at laging walang time sa amin ni ate. Minsan nga, mommy, nagseselos na ako sa mga estudyante ninyo, kasi pakiramdam ko mas mahal n’yo sila kaysa sa akin. Mas may time kayong makasama sila kaysa sa amin. Nandiyan nga po kayo, but you seemed to be absent. Hindi ko po maramdaman ‘yung presence n’yo. Ni kumusta nga po ay hindi n’yo magawang maitanong sa akin. I’m missing you so much. Nami-miss ko na ‘yung mga times na pumupunta tayo sa amusement park at isinasakay n’yo kami sa carousel ni ate. Nakakamiss ‘yung mga times na dinadala mo kami, mommy, sa park para bumili ng dirty ice cream kahit binabawal tayo ni daddy na kumain no’n. Nami-miss ko na ‘yung mga araw na ipinagluluto mo po kami ng pancake pagkagising namin sa tanghali.
I miss those times... I miss you…
Natatandaan ninyo po ba? I was in elementary, grade 5 ako no’n at ayaw ko nang pumasok. That time, I was being bullied by my classmates. Kinukuha nila sa akin ang baon ko at palaging tinutukso na pandak daw ako. I never told a word to you ‘cause they threatened me na sasaktan nila ako once na magsumbong ako kahit kanino. I felt so low and alone; I lost self-esteem.
Naaalala n’yo rin po ba no’ng may national volleyball competition na sasalihan ‘yung school natin, at isa ako sa mga lalaban? Hindi n’yo ako pinayagan noon, dahil sabi n’yo ni daddy, nakakasira na sa pag-aaral ko ang paglalaro. Sobrang dinamdam ko ‘yun, at one week, gabi-gabi ay iniyakan ko ‘yon nang sobra, dahil pangarap ko talagang mag-compete sa national game. All I wanted was your support. Pero kahit kaunti, hindi ko ‘yon naramdaman.
I still love you despite all the things that you hadn’t done and given to me. Kahit pa palagi n’yong sinasabi sa akin na wala akong mararating kasi hindi ako tulad ni Ate Xyrille na matalino, mabait, masunurin at magaling sa lahat ng bagay. I’m sorry po kung hindi ako kagaya niya. Patawarin n’yo ako kung hindi ako ang perfect daughter na pinangarap n’yo ni daddy. I’m sorry kung hindi ko ma-reach ‘yung napakataas na standard at expectations ninyo, at dahil ‘di ko maisuko ang pangarap ko kapalit ng kagustuhan ninyo.
Minsan nga po naisip kong sana, hindi na lang ako ang naging anak n’yo. O kaya ay sana, naging katulad na lang ako ni ate para maging proud kayo sa akin. Sana naging PERFECT na lang ako para maging masaya kayo na naging anak ninyo ako.
Sorry po kung hindi ko naipasa ‘yung subject ko na MAPEH. Inalok kasi ako ng subject teacher ko na makipag-sex sa kaniya, at bilang kapalit ay bibigyan niya ako ng mataas na grade. Pero hindi po ako pumayag do’n, kaya ibinagsak niya ako. Nalaman ‘yon ng mga kaklase ko. Tinutukso nila ako kaya ako nakikipag-away sa kanila.
At kanina lang, nalaman ko na buntis pala ako. Pero ayaw akong panagutan ng boyfriend ko. Wala na akong masabihan, kaya’t kahit nakakahiya ay inamin ko na po ito sa inyo.
I am sorry, mommy. I’m really sorry. Tandaan n’yo po, mahal na mahal ko kayo nila daddy at ate.
Goodbye...
Love,
Ysabelle
Hindi ko na namalayan ang pag-agos ng luha sa mga pisngi ko. Kasabay no’n ang pangingnig ng buong katawan ko. Bakit hindi ko alam na gano’n na pala ang nangyayari? Bakit ‘di ko naisip na gano’n na pala ang pinagdaraanan ng anak ko? Napakawalang-kwenta kong ina sa kaniya.
Dali-dali akong lumabas ng k’warto para hanapin si Ysabelle. Pinuntahan ko siya sa kuwarto niya. Pagpasok ko ay para akong binuhusan ng malamig na tubig. Doon ko naramdaman na parang kakapusin ako ng hininga. Parang mawawalan ako ng malay.
Napahagulgol ako.
Hindi na pala ako makakahingi ng tawad anak ko, at ‘di ko na maipaparamdam sa kanya na mahal na mahal ko rin siya.
Dahil iyon sa lubid na kumuha sa buhay niya.