Left But Not Alone

14 0 0
                                    

Genre: Inspirational/Slice of Life

***

Ayoko na. Hindi ko na kaya. Pagod na pagod na ako sa buhay ko. Desidido na ako sa gagawin ko. Wawakasan ko na ang walang kwenta kong buhay.

Hapon na. Malapit ng dumilim. Ilang oras na lang ay sasapit na ang Kapaskuhan.

Pero narito ako ngayon sa tulay na naging saksi ng lahat ng pighati at paghihirap ko. Ang tulay na kung saan ako palaging pumupunta tuwing may problema ako, kung saan ako umiiyak upang ilabas ang lahat dinadala kong sama ng loob, at dito rin kung saan ko kikitilin ang sarili kong buhay.

Sino ba naman ang hindi hahantong sa puntong ganito? Papaalisin na kami sa bahay namin dahil hindi na kami nakakabayad ng tatlong buwang renta. Natanggal si Tatay sa trabaho. Si Nanay naman, may sakit na hindi pa daw natutukoy. At pinakamalala, buntis ako, dalawang buwan na. Tapos, tinakasan ako ng boyfriend ko nang malaman niya na magkakaanak na kami. Mahal na mahal ko siya kaya nagawa kong ibigay ang sarili ko sa kanya. Subalit iniwan pa rin niya ako.

Huminga ako nang malalim. Handa na ako.

Hinayaan ko na ang aking sarili na mahulog sa tubig, habang dumadaloy ang luha sa aking pisngi. Sa wakas, mawawala na ang sakit, makakalaya na ako.

Bumagsak ako sa tubig at lumubog. Hindi ako makahinga. Sumasakit ang dibdib ko. Parang sasabog ang ulo ko.

Biglang nagbalik sa isang mabilis na alaala ang lahat ng pangyayari sa buong buhay ko. Kasama na doon ang mga alaala ng aking pamilya. Kung paano ako pasayahin ni Jack, ang nakababata kong kapatid, tuwing malungkot ako. Kung paano kumakayod at nagsusumikap si Tatay sa trabaho para buhayin kami. At kung paano ako alagaan ni Nanay kapag may sakit ako.

Teka, handa na ba talaga ako? Paano na sila na pamilya ko? Sila na umaasa sa'kin na mag-aahon sa kahirapang aming kinasasadlakan. Sila na nagmamahal sa'kin. Hindi ko pa pala kaya. Oo, maaaring hindi ko na mahal ang buhay ko. Pero mahal na mahal ko ang aking pamilya kaya hindi ko sila kayang iwan. Nagkakawag ako upang umangat sa tubig at makahinga ngunit huli na ang lahat.

Alam kong malapit na akong umabot sa sukdulan. Malapit na ang aking katapusan. Paalam, Nanay, Tatay at Jack. Mahal na mahal ko kayo. Sana ay mapatawad ninyo ako. Ganoon din sa'yo aking anak. Patawarin mo ako kung hindi mo masisilayan ang daigdig. Diyos ko, patawad po.

Bago ako mawalan ng malay, may isang pigura akong nakita mula sa itaas. Lalaki iyon at nakita kong tumalon din iyon sa tubig. At tuluyan ng nagdilim ang aking mundo.

...

Iminulat ko ang aking mga mata. Nasaan na ako? Sa ospital?

Nakita ko si George, ang aking bespren, na nakaupo at natutulog.

Nang magising siya, ikinwento niya sa akin na siya ang nagligtas sa akin. Ayon din sa kanya, wala naman daw naging problema ang baby ko.

Sinabi ko sa kanya noon ang lahat kaya alam niya ang dahilan ng pagtatangka ko sa sarili kong buhay. Nalaman na daw ng pamilya ko ang nangyari kaya maya-maya lang ay narito na sila.

Iniluwa ng pinto ang tatlo sa pinakamahahalagang tao sa buhay ko. Yumuko ako dahil ayaw kong salubungin ng tingin ang galit nilang mga mukha. Alam ko, sigurado, galit sila.

Katahimikan. Nag-aabang ako ng sigaw, masamang salita, o hindi magandang reaksyon mula sa kanila. Pero wala. Nanatili akong nakayuko.

Ilang saglit pa ay naramdaman kong may umupo sa aking tabi. Si Nanay. Hinawakan niya ako sa baba at iniangat ang aking mukha. Hindi galit sa halip awa at pagmamahal ang nakita ko sa mga mata niya. Ganoon din si Tatay at Jack na kapwa nakatayo. Awa at pagmamahal ang nakikita ko sa kanilang mga mukha.

Pero bakit? 'Di ba dapat galit sila?

Kinabig ako ni Nanay para yakapin. Doon bumangon ang halo-halong emosyon sa puso ko. Nagsimulang bumukal ang aking luha.

"Anak, dapat sinabi mo sa amin ang nangyari. Hindi ba pamilya mo kami? Handa kaming pakinggan ka. Handa kaming damayan ka sa pinagdadaanan mo. Dahil pamilya tayo. Ang problema mo ay problema rin namin. Hindi sagot ang pagpapakamatay sa lahat ng problema mo, natin. Alam mo namang mahal na mahal ka namin at hindi naming makakaya kung mawawala ka," wika ni Nanay na lumuluha at yapos-yapos ako.

Napakapinagpala ko para biyayaan ng ganito kamaunawain at mapagmahal na pamilya. Lalo kong naramdaman ang hiya at lungkot sa ginawa ko. Hindi ako karapat-dapat pero biniyayaan ako ng Diyos ng pamilya na makikinig at dadamay sa akin, na magmamahal sa akin ng lubos pa sa inaakala ko.

Bakit ba noong una pa lang ay hindi ko ito naramdaman? Marahil nagpadala ako sa mga suliranin kaya hindi ko na naisip na nandiyan sila para sa'kin.

Lumapit si Tatay at si Jack sa amin ni Nanay at nagyakapan kami. Nakita ko si George na nakangiting nakatunghay sa amin.

Ano pa ba ang mahihiling ko bukod sa isang buong pamilya na binibigkis ng pag-ibig. Wala na. Isang pamaskong regalo na hindi kayang bilin ng salapi at matumbasan ng anumang materyal na bagay.

Oo, maaaring hindi kayang alisin ng aming pagmamahal sa isa't isa ang mga suliranin. Hindi nito kayang alisin ang katotohanan na mawawalan kami ng tirahan, walang trabaho si Tatay at may sakit si Nanay. Hindi nito matatanggal ang katotohanan na iniwan ako ng lalaking labis kong iniibig. Pero ang pag-ibig naming sa bawat isa ang magpapasibol ng bagong pag-asa na mahaharap at malalapagpasan namin nang sama-sama ang lahat ng problema - bilang isang pamilya.

Sa isip-isip ko, "Salamat, Panginoong Hesus. Maligayang kaarawan sa Iyo."

EntradasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon