Kabayaran

13 0 0
                                    

Genre: Urban Fiction

***

Kasabay ng pagkain ng dilim sa natitirang liwanag ay ang pagtahak ko sa daan pauwi sa aming bahay. Yumayanig ang lupa sa pagdaan ng mga naglalakihang sasakyan. Isa-isang sumisindi ang mga ilaw sa bawat establisyimento.
Gumabi man ay abala pa rin ang lahat. Kahit sumapit man ang araw at gabi nang paulit-ulit, wala namang magbabago. Madilim pa rin, at ang karimlang ito’y dulot ng kawalan ko ng pag-asa sa isang maayos at magandang buhay.
Gustuhin ko mang sumuko, hindi maaari. Sa akin lang umaasa ang aking nanay na ngayon ay nakaratay na dahil sa isang aksidente. Naghihintay siya sa akin, sa pagkain at gamot na dala-dala ko. Nangako ako sa kanya na uuwi ako na mayroong dala, kaya kahit mahirap kumita ng pera sa maghapon ay sinikap kong may maiuwi sa kanya.
Matinding awa ang bumangon sa aking dibdib – awa para sa aking sarili. Bakit ko ba nararanasan ang lahat ng ito - ang mahirapan at magtiis? Sa dinami-rami ng mga masasamang tao sa mundo, bakit ako pa na pilit nagpapakabuti ang dumaranas sa ganitong kalagayan? Marangal nga at mabuti, pero alipin naman ng kahirapan at pangmamata ng ibang tao.
Bata pa lang ay namulat na ako sa hirap ng buhay dito sa siyudad. Usok, dumi at basura – maliliit na bagay lamang ang mga ‘yan kumpara sa pagod, gutom at paghihirap na dinaranas ko.
Araw-araw, kilo-kilometrong layo ang kailangan kong lakarin para makapunta sa palengke kung saan ako nagtatrabaho bilang kargador. Bagama’t barya lang ang kinikita ko, pinagtitiisan ko na lang. Ayon sa aking nanay, ‘di baleng kumita ng kakarampot na halaga, basta’t hindi sa paraang masama. At ‘yan ang prinsipyo na siya sigurong dahilan kung bakit hindi kami umaasenso. Mabuti pa ang mga halang ang kaluluwang pulitikong nakaupo sa pwesto, kaunting pitik lang ng mga daliri ay nagagawang humakot ng sako-sakong salapi.
Sa lugar na tila isang malaking basurahan, sinalubong ako ng mga galising aso at mga gusgusing bata. Isa ako sa mga libo-libong tao na nagtitiis mamuhay sa lugar na ito. Kailangan matibay ang loob at sikmura mo, dahil kung hindi, matatalo ka, o mas masaklap, mamamatay ka nang nakatirik ang mga mata.
Dumiretso na ako sa amin at hind na sila pinansin. Sa pagpasok ko sa loob ng maliit, tagni-tagni at butas-butas na bahay ay mas matinding dilim ang bumungad sa akin. Kumuha ako ng kandila at nagsindi. Unti-unti ay kumalat ang liwanag nito at umabot sa sulok ng bahay kung saan naroon ang aking ina na mukhang humihimbing.
“’Nay...” bulong ko at marahang naglakad patungo sa kanya.
“Narito na po ako. Dala ko na po ang pagkain at gamot ninyo,” saad ko sa mababang tono.
Katahimikan ang sumagot sa akin. Naglatag ako ng sako at doon ko ibinaba ang mga dala ko. Inihanda ko na rin ang pagkain ni nanay.
Binalikan ko siya at tinabihan para pakainin. Hindi pa rin siya tumutugon kaya iniupo ko siya at isinandal sa dingding. Bahagyang nakabuka ang kanyang bibig kaya isinubo ko na sa kanya ang pagkain. Pero hindi niya ‘yon nginuya. Nakita ko sa ekspresyon ng mukha niya na ayaw niyang kumain.
“’Nay, kailangan mo po ‘to. Kailangan mo pong magpalakas, kaya kumain ka na po.”
Patuloy ko lang siyang sinubuan kahit na iniluluwa lang niya ang pagkain. Nang maubos na ang laman ng mangkok na hawak ko, pinainom ko siya ng gamot, at nilinisan ng katawan. Naramdaman ko na rin ang pagod, kaya tinabihan ko na siya sa pagtulog. Niyakap ko si nanay, at dahil doon, naibsan ang bigat na dinadala ko. Noon pa man, siya na talaga ang lakas ko kaya ko naipagpapatuloy mabuhay.
Tinitigan ko siyang maigi, at napansin ko na may kakaiba sa kanya. Nangingitim ang balat niya! Doon na ako naalarma. Napabangon ako at tinapik ko siya sa pisngi. Hindi siya tumutugon. Dahil sa bugso ng kaba at pag-aalala, lumabas ako ng bahay, sinubukang humingi ng tulong. Dinala ako ng mga paa ko sa kalsada marahil para makatawag ng sasakyan papunta sa ospital.
Dala ng pagiging desperado, gumitna na ako ng kalsada para humarang ng sasakyan. Pero nagimbal ako sa sumunod na nangyari. Nagtuloy-tuloy sa pagtakbo ang sasakyan at hindi man lang nag-abalang tapunan ako ng pansin. Parang nauulit na naman ang mga pangyayari.
Natagpuan ko na lamang ang sarili ko na nakabulagta at iginugupo ng labis na sakit. Parang anumang oras ay ikamamatay ko iyon. Umiikot ang paligid. Sa isang kislap ng liwanag ay mayroong mga alaalang nagbalik sa isipan ko, na kagabi lamang nangyari.
***
Tatawid na sana ako sa kalsada patungo sa eskinita na siyang daan ko pauwi, nang mamataan ko ang nanay na sasalubungin ako.
“Diyan lang po kayo, ‘Nay! Tatawid na rin po ako!” sigaw ko sa kanya, at saka ako ngumiti.
Mukhang hindi niya ako naintindihan, kaya tumawid pa rin siya. Biglang nangibabaw ang takot sa akin nang makita ko ang isang humaharurot na kotse na patungo sa aking nanay.
“’Naaaaaaayyyyyyy!” Napabulalas ako ng sigaw kasabay ng paggulong ng duguang katawan ng nanay sa kalsada. Hindi ko maipaliwanag ang pagbugso ng mga emosyon sa puso ko. Ano ba’ng nagawa ko para mangyari sa akin ang lahat ng ‘to?
Nang malapitan ko siya ay niyapos ko agad ang walang buhay niyang katawan. Doon na tumulo ang luha ko. Hindi ko na namalayan na humahagulgol na pala ako.
Nakita kong huminto ang sasakyan at bumaba ang isang lalaking nakaputing uniporme na siyang nakabundol sa nanay ko. Halatang-halata sa mukha niya ang pagkalito at pag-aalala. Pero imbes na tulungan kami, bumalik siya sa sasakyan at mabilis na umalis. Hindi ko na siya nagawang habulin pa.
Humingi ako ng tulong sa iilang taong nasa paligid namin. Subalit ni isa ay wala man lang sumaklolo. Bingi at bulag sa pangangailangan ng iba. Ganito ba talaga kamakasarili ang mundo? Ako na mismo ang gumawa ng paraan. Binuhat ko si nanay at iniuwi. Sa pag-asang maghihimala at papakinggan ng Diyos ang panalangin ko, hinintay ko na ibalik Niya ang hininga ng aking nanay. Pero wala, walang nangyari.
***
Iminulat ko ang mga mata ko. Nasaan ako? Iginala ko ang aking paningin at doon ko napag-alamang nasa ospital ako.
“Mabuti naman po at gising na kayo,” sabi ng nurse na nasa gilid ng kama ko na hindi ko alam kung ano ang ginagawa.
“Dalawang araw na po kayong natutulog. Mabuti po at nagising na kayo. Sandali lang po, tatawagin ko si Dok,” dagdag niya saka lumabas.
Ilang minuto rin akong naiwang mag-isa sa loob ng kwarto. Biglang bumalik sa alaala ko ang nangyari bago ako mapunta rito. Oo nga pala, nabangga ako ng kotse. Teka, si nanay! Paano na siya? Kinain na ako ng pag-aalala para sa kanya.
Bumalik na ang nurse at may kasama ito. ‘Yon na siguro ang doktor na tinutukoy niya. Iniluwa ng pinto ang isang lalaking nasa higit kwarenta anyos, may katangkaran at medyo maputi. Pero hindi ang mga tipikal na katangiang ito ang nagdulot sa akin ng pagkagulat – at galit. Kilala ko siya! Siya ang dahilan kung bakit namatay ang aking nanay.
Nagliyab ang galit sa loob ko. Hindi ko siya mapapatawad! Doktor pa naman siyang naturingan pero bakit hindi niya kami tinulungan? Makasarili!
Pinigil ko muna ang sarili ko. Nakaisip na ako ng plano. Igaganti kita, ‘Nay. Pangako.
Nag-usap pa sila ng nurse, at kung ano-anong bagay pa ang ginawa sa loob ng silid. Paminsan-minsa’y tinatanong din nila ako. Maya-maya ay lumabas ang nurse. Nanatili pa sa loob ang doktor pero saglit lang ay nagdesisiyon na ring lumabas.
Mula sa ilalim ng unan ay kinuha ko ang gunting na itinago ko nang nag-uusap pa sila kanina. Walang sabi-sabi, hinabol ko ng saksak ang doktor. Wala na akong pakialam kung saan ko siya tinamaan - sa likod, balikat, mga braso at mukha. Dumanak ang masaganang dugo. Ni ang paghingi ng tulong ay ‘di na niya nagawa. Saksi ang mga mata ko kung paano niya ginawa ang huli niyang paghinga.
Sa wakas! Nakaganti rin ako. Buhay ang kabayaran ng buhay, kaya dapat lang na buhay rin ang kapalit ng ginawa niya sa nanay ko.
May ngiti sa labi akong tumakas sa ospital na iyon. Lakad. Takbo. Walang kapaguran kong tinunton ang daan pauwi. Makakasama na ulit kita, ‘Nay.
Usok. Makapal na usok ang sumalubong sa aking pagbabalik. Pero nagkakamali ako. hindi lamang usok, kundi napakalaking apoy ang siyang tumutupok sa aming lugar! Dali-dali kong pinasok ang aming bahay. Wala na akong pakialam kung ano pa’ng mangyari sa akin. Kailangan kong balikan ang nanay.
Binuhat ko siya para ilabas. Pero bago pa man kami makalayo, mabilis na gumuho ang aming bahay, dahilan para makulong kami sa loob nito. Sa gitna ng usok at apoy ay naramdaman ko muli ang walang kaparis na sakit. Nawawalan na ako ng hangin at paningin. Pero bago ako tuluyang mabulag, isang mukha ang aking nasilayan – si nanay – at lumuluha siya.
Naramdaman ko ang init ng yakap niya. Bago pa man ako maubusan ng lakas ay akin pang naitanong sa kanya, “’Nay, ito ba ang kabayaran ng lahat?”

EntradasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon