BLOG post #934: Pagsintang-Pururot Revisited.
Been staring at this piece of invitation for hours. San Gabriel Elementary School Grand Reunion. Just the sound of it makes my stomach tingle with anticipation.
Sa wakas, I'll be seeing him again - ang kaisa-isang lalaki na nagpatibok ng aking batang puso noon, labing-isang taon na ang nakakaraan. We weren't that close but I knew, even from such a very young age that there was something between us, something I couldn't quite explain, just feel.
The reunion's three months from now. This is it. Pupunta ba ako, o hindi? Siyempre, pupunta!
Pupunta ba siya? Aba, dapat lang!
Kaklase iyon ni Tasha mula grade 1 hanggang grade 6. He's the type who stands out from the crowd because of his charm and chinito good looks. Maputi, singkit rin tulad niya, pero kulut-kulot ang buhok. In short, super cute at sa buong eskuwelahan, ito ang pinakamabait, pinaka-sensitive at pinaka-guwapo sa lahat. Kinikilig siya sa tuwing nakikita ito pinagpapawisan siya ng malamig kapag nakakatabi niya ito.
Kaya naman sobrang nalungkot nang napilitan itong umuwi ng probinsiya noong high school dahil sa hindi magandang estado ng mga grado nito.
~~
"NAG-CHECK ka na ba ng blog mo, Tasha? Sangkatutak ang comments, girl!"
Dalawang araw nang hindi nabibisita ni Tasha ang kanyang blog na 'The Silly and the Sassy', na palaging kasama sa 'Top 15 Most-Read Blog in the Philippines'. Tinanggal niya ang salamin sa mata at umiling ng maraming iling.
Mabilis niyang isinasara ang zipper ng knapsack. Makulimlim na noon ang langit kaya nagmamadali niyang iniligpit ang kanyang mga gamit sa ibabaw ng mesa ng coffee shop na iyon – laptop, dalawang notebooks, cellphone, tatlong ballpens, coin purse, mga susi. Kailangan nilang makabalik kaagad sa opisina ng The Glitz Magazine, bago pa sila maabutan ng ulan. Muli siyang tumanaw sa labas ng bintana. Nagsisimula nang umambon.
"Bakit ka ba nagmamadali, may date ka ba?" kunut-noong tanong ni Jene, ang kanyang ka-opisina at matalik na kaibigan. "Ay, oo nga pala, hindi ka nga pala nakikipag-date dahil...first love never dies," sabi pa nito sabay tawa.
Nginitian iyon ni Tasha, at pagkatapos ay kinindatan ang kaibigan. Nagmamadali siyang pumasok sa loob ng The Forum at sumakay sa elevator na kasunod si Jene. Medyo may katabaan ang kaibigan kaya hingal na hingal ito nang naroon na sila sa loob. Uminom agad ito sa water bottle, na parati nitong dala. Si Jene na ang naging matalik niyang kaibigan simula nang magtrabaho siya sa Glitz dahil na rin sa marami nilang pagkakapareho - pareho silang 'obsolete' pagdating sa fashion at pareho silang single at walang balak magkaroon ng boyfriend. At oo, pareho silang umiibig sa mga lalaki sa kanilang nakaraan.
Pagkatapos niyang maka-graduate ng Journalism ay agad siyang naging kolumnista ng The Glitz, isang lifestyle/fashion/entertainment magazine, kasabay ng pagsikat ng kanyang personal blog. At kahit sa ganoong kaiksing panahon ay kilalang-kilala na siya lalo na sa mga social networking sites, na minsan ay hindi maiwasan ang pang-ba-bash sa kanya online, na nakasanayan na rin niya kalaunan.
Agad na sinilip ni Tasha ang kanyang blog post #934 at tama si Jene, sangkatutak nga ang mga komento roon pagkaraan lamang ng isang araw.
"OMG, Tasha! Nakita mo na ba ito?" excited na tanong ni Jene pagkaupong-pagkaupo nito. "S-si Red Esquivel, nag-comment sa blog post mo!" mabilis itong tumayo at lumapit sa kanyang mesa para ipinakita ang hawak na cellphone.
"Red who?" kunut-noo niyang tanong. Isinuot niya ang salamin sa mata at tiningnan iyon.
"Si Red ng Red Jazz! Iniimbitahan ka niya sa afterparty ng banda nila...sa Valentine's Day!"
BINABASA MO ANG
Tasha's Blog Post #934: Pagsintang-Pururot Revisited (COMPLETE) by Tamara Cee
Romancereleased under PHR Tasha's Blog Post #934: Pagsintang-Pururot Revisited (5906) by Tamara Cee COPYRIGHT © 2016 by Precious Pages Corporation Ang cute na kuwento nina Tasha at Red ay ang pangalawang libro ko (Tamara Cee) na nailathala ng Precious Hear...