"TASHA, ikaw agad ang hinanap sa akin ni Ma'am Novie pagdating na pagdating ko. Ayun, kanina ka pa hinihintay sa loob ng office niya," pabulong na bungad sa kanya ni Jene. Hawak nito ang kape para sa kanya.
Sa tingin ni Tasha ay alam na niya kung tungkol saan iyon. Nanlalambot siyang tumayo, kinuha ang kape'ng iniabot ni Jene, kasunod ng kanyang paboritong maliit na notebook kung saan niya isinusulat ang kahit na anong biglang pumapasok na ideya sa utak niya. Tinapik pa muna siya ng kaibigan sa balikat bago siya kumatok sa opisina ng kanilang editor-in-chief.
Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto at natanaw niya mula roon si Miss Novie na nakaupo at abala na nakaharap sa laptop. Maliit ito sa kanya ng tatlong pulgada, mas payat. Palaging naka-ipit ang hanggang balikat nitong buhok at ang parati nitong suot na salamin sa mata ay nakalagay lamang ngayon sa ulo nito, na nagsilbing headband.
"Good morning Miss Novie," kinakabahan niyang bati. Tumuloy na siya sa harap ng mesa nito.
Ngumiti ito sa kanya, na bihira lamang mangyari. "Someone's looking for you."
Itinuro ni Miss Novie sa pamamagitan ng nguso ang tinutukoy nito. At nang sundan niya iyon ng tingin ay nakita niya ang isang tao'ng ayaw na sana niyang makita buong buhay niya.
Naroon si Red Esquivel sa receiving area, relax na relax na nakaupo sa itim na sofa. Nakasuot ito ng puting fit na T-shirt, maong pants, leather boots, at aviator sunglasses na sa tingin niya ay hindi naman kailangang isuot sa loob ng opisina. Biglang uminit ang ulo niya, pati ang kanyang buong katawan, lalo na nang maalala ang nangyaring pagnanakaw ng halik nito sa kanya – okay, it wasn't a stolen kiss, but still, it was a huge mistake.
"I'll leave the two of you alone," matamis na sabi ni Miss Novie na nakatingin kay Red.
Tumayo ang bisita at lumapit sa kanilang editor-in-chief para makipagkamay. Hindi na rin nagtagal at nagpaalam na si Miss Novie matapos nitong papirmahan ang dalang CD at naiwan sila roon.
Muling umupo si Red at uminom ng bottled water na nasa ibabaw sa center table, samantalang nanatiling nakatayo lang si Tasha, hawak pa rin ang notebook at kape. Bigla siyang na-conscious sa suot na simpleng shirt at jeans. May mga nakawalang hibla ng buhok sa kanyang pagkakapusod, wala siyang anupamang kolorete sa mukha. Malayung-malayo sa itsura niya kagabi.
"A-anong ginagawa mo rito?" pa-singhal niyang tanong. Si Red Esquivel ang kahuli-hulihang lalaki na gusto niyang makita nang araw na iyon at ngayon na nasa harap niya ito, alam niyang sira na ang buong araw niya, at maaring buong linggo pa. Gusto niya itong sugurin roon at yakapin – hindi – sampalin pala.
"Tinakbuhan mo ako kagabi. You owe me," simple nitong sagot at sumandal sa sofa.
"Owe you what?" tumaas ang isa niyang kilay at ibinaba sa mesa ang hawak na kape para ipamewang ang isang kamay.
"An apology," simple nitong sagot. Tumayo ito at humarap sa kanya. "Sa bigla-bigla mong pag-alis kagabi na para bang may nakakahawa akong sakit."
"Apology?" Pilit niyang hininaan ang boses para hindi siya marinig sa labas ng opisina. Pero mahirap iyon dahil abot-hanggang langit na ang inis niya sa kaharap. "Hindi ba dapat ikaw ang humingi ng apology dahil sa pagnanakaw mo ng halik?"
Napangiti ito ng isang ngiting nakakainis at nakakakilig. "Hey, I know you enjoyed that kiss as much as I did. And there's no use denying it, honey." Hinagod siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa, na nakapagpamula sa kanyang pisngi.
"'Wag mo 'kong ma-honey-honey!" bulalas niya. "Puwede ba, umalis ka na at busy ako."
"At sa tingin mo, hindi ako busy?" kunut-noo nitong tanong. Tumingin ito sa suot na wristwatch. "Alam mo bang hindi pa ako natutulog simula kagabi? At may rehearsal pa kami mamaya."
BINABASA MO ANG
Tasha's Blog Post #934: Pagsintang-Pururot Revisited (COMPLETE) by Tamara Cee
Romancereleased under PHR Tasha's Blog Post #934: Pagsintang-Pururot Revisited (5906) by Tamara Cee COPYRIGHT © 2016 by Precious Pages Corporation Ang cute na kuwento nina Tasha at Red ay ang pangalawang libro ko (Tamara Cee) na nailathala ng Precious Hear...