Pangatlo.
Lumipas ang ilang araw, nagdaan ang ilang linggo, natapos ang ilang buwan at panibagong panahon na naman ang haharapin ko. Ganoon pa rin walang pagbabago, nandiyan ka lang at ako nandito pa rin sa malayo. Parang ang lapit-lapit mo lang, parang isang hakbang lang nasa harap na kita at nasa harap mo na ako pero... Hindi ko pa rin magawa.
Daig mo pa ang bituin sa kalangitan dahil sila may pag-asang malapitan ng mga astronaut o kung sinong tao. Pero ako? Kahit isang hakbang lang papunta sa'yo hindi ko pa rin magawa.
Bakit ganoon? Ganyan ka ba kahirap abutin? Ganyan ka ba kahirap lapitan? Umpisa pa lang alam ko ng hanggang dito lang ako at hanggang tingin lang sayo. Alam kong hinding-hindi kita maaabot, alam kong hinding-hindi kita makukuha at alam kong kahit lapitan ka hinding-hindi ko magagawa.
Sino ba naman kasi ako? Isa lang naman ako sa mga babaeng nagkakagusto sa'yo. May isa akong blockmate, maganda siya, mabait, matangkad, balingkinitan ang katawan, matalino at maputi halos lahat na yata nasa kanya na. Alam mo bang may crush siya sa'yo? Nakakatawa 'no? Wala akong laban sa kanya, siguro kung nasa barko tayong tatlo at mahuhulog na ang barko siguradong-sigurado akong siya ang ililigtas mo. Wala lang naman ako, wala akong ganda, walang talino, hindi sexy at hindi naman gaanong maputi. Wala lang ako... Walang-wala sa mga babaeng nagkakagusto sa'yo.
Gustong-gusto kong isigaw sa kanila na, "Akin siya! Crush na crush ko iyan!" Pero hindi ko kaya... Hindi ko magawa.
Noong nakaraang linggo dalawang pila lang pala ang pagitan nating dalawa. Ito na naman ako, nakatitig sa'yo, pinagmamasdan ka sa malayo, siguro kung nakatutunaw lang ang titig matagal ka nang tunaw. Ganyan lang naman ang ginagawa ko tuwing P.E class, ikaw lang ang tinitignan ko, sa'yo lang ako nakatingin at ikaw lang ang pinagmamasdan ng mga mata ko.
Alam ng iba kong kaibigan na crush kita, kung minsan nahuhuli kitang napapatingin sa amin o baka nadadaanan lang ng tingin mo ang pila namin at ambisyosa lang ako dahil inaakala kong ako ang tinitignan mo? Pero kahit ganoon, kahit sa simple pagtingin mo lang ang saya-saya ko na, kinikilig na agad ako.
Kanina pala habang naglalakad kami ng mga kaibigan ko papuntang sakayan ng jeep pinagusapan ka namin. Siyempre ako kinikilig at umaasang mapapansin mo... Pero para akong nagising sa katotohanan sa sinabi ng kaibigan ko sa akin.
"Paano ka niya mamimiss? Hindi nga niya alam na nag-eexist ka sa mundo."
Puro tawa na ang mga sumunod na sinabi niya, siyempre ako kunwari masaya, kunwari hindi nasaktan, kunwari hindi napahiya at nakitawa na rin sa kanila.
Ganoon pala 'no? Ang hirap mong abutin, ang hirap mong malapitan at ang hirap mong mahawakan. Bakit ganoon?
Alam mo kayang nag-eexist ako sa mundo? Alam mo kayang may isang taong nangangarap na mahawakan ka o malapitan ka 'man lang? Alam mo ba iyon? Kilala mo kaya ako? Nakikita mo kaya ako? Napapansin mo kaya ang isang tulad ko? Nag-eexist ba ako sayo?
Puro tanong na lang ako, ang hirap kumuha ng sagot, mas mahirap pa yata ito sa prelim, midterm o final exam dahil sa mga exam na iyan may mga pagpipilian, pero sa mga tanong ko? Walang choices, tanging ikaw lang ang makasasagot. Pero malabong mangyari tulad nang pagpansin mo sa akin.
Malabong mangyari...
BINABASA MO ANG
Sana Mapansin Mo
Teen FictionGusto ko lang naman mapansin mo para malaman mong nandito lang ako sa malayo, laging nakatingin sa'yo, pinagmamasdan ka, at nangangarap na mapapansin mo. Nandito lang ako sa malayo, handang saluhin ka kung sakaling hindi ka magustuhan o mahalin ng t...