Pang-anim.
Rhyen Tristan Mirano
Sa milyong-milyon na pangalang alam ko para sa akin kakaiba ang pangalan mo, ang sarap ulit-uliting bigkasin, ang sarap ulit-uliting sulatin at para bang ngayon ko lang nalaman ang pangalan na ganyan, hindi ko alam kung mukha na ba akong tanga sa mga sinasabi ko pero ito na yata ang bunga dahil nalaman ko ang pangalan mo.
Hindi bago sa mga mata ko at hindi rin bago sa pandinig ko pero para sa akin ikaw lang ang may pangalan na ganyan at sa'yo lang ang pangalan na iyan... Hindi ko alam kung magandang epekto ba ito o masama dahil pakiwari ko mababaliw na ako. Ibang-iba sa pakiramdam lalo na't alam ko na ngayon ang pangalan mo.
Isang linggo nang nakalilipas simula noong nalaman ko ang pangalan mo at sa isang linggo na iyon hindi pa rin ako makapaniwala na unti-unti na talaga kita nakikilala... Lumipas ang isang linggong lagi kong tinitignan ang facebook account mo, pero hindi ko pa rin magawang i-add ka, kahit pala sa social network... Hanggang tingin lang ako sa'yo.
"Hoy, practice na raw tayo." Para akong nagising sa katotohanan sa biglang pagkalabit sa akin ng kaibigan ko, hindi ko na naman namalayan na nakatitig na naman ako sa'yo. "Kung nakatutunaw lang ang tingin, malamang matagal nang tunaw iyan." Napailing na lang ako at nginitian ang kaibigan ko.
Malapit na ang foundation day kaya lagi ng may practice, ngayon lang ako umattend ng weekdays tuwing Sunday lang kasi ako laging uma-attend, worth it naman ang pag-attend ko ngayong Friday dahil nakita kita at natitigan kita nang matagal. Masarap sa pakiramdam, nakatatanggal ka ng pagod.
Halos sa isang oras ng practice kada minuto yata pasulyap-sulyap ako sa'yo, wala namang bago rito sa ginagawa ko dahil nakasanayan ko ng ganito ako sa'yo, sanay na akong hanggang tingin lang talaga ako sa'yo.
"Tara pahinga muna raw." Ani ng isa kong kaibigan.
Isang sulyap ulit sa'yo at nakita kong tumatawa ka kasama ang mga kaibigan mo.
Napangiti na lang ako bigla, hindi ko alam kung bakit pero ang gwapo mo talaga lalo na kapag tumatawa o nakangiti ka.
"Ayan na iyong Tristan mo malapit lang sa atin! Titigan mo na!" Marahan kong hinampas sa braso ang kaibigan ko habang tumatawa.
Kahit sila alam nila kung gaano ako kabaliw sa'yo, basta kapag may pagkakataon hindi ko palalagpasin. Sa sampung minutong pahinga natin nakatitig lang ako sa'yo, hindi nakasasawa ang mukha mo, hindi nakasasawang abangan ang pagngiti at tawa mo, kung alam mo lang sana na sa bawat pagngiti mo lumalakas lalo ang kabog ng dibdib ko. Para sa akin tumitibok yata ang puso ko nang dahil sayo.
Tinawag na tayo ng prof upang magpractice ulit ngunit parang ayoko nang magpractice, gusto kong titigan ka lang habangbuhay kahit sa ganoong paraan ayos na sa akin, masaya na ako basta ikaw ang dahilan... Nagiging masaya ako.
"Mauuna na kami sa pila." Usal sa akin ng kaibigan ko, tumango na lamang ako sa kanya at inayos ko ang aking bag, bago pa 'man ako umalis sa pwesto ng kinauupuan ko.
Dali-dali akong naglakad papuntang pila masyadong masikip sa lugar na ito dahil sa sobrang dami ng estudyante at hindi ko na makita ang dinaraanan ko.
"Aray!" Sa sobrang kamamadali kong pumuntang pila hindi ko na namalayan na may nakabunggo na pala ako.
"Ay sorry po! Pasensya na." Dahan-dahan kong nilingunan nang bahagya ang aking likod kung sino ang nabunggo ko.
Para bang biglang nagslowmotion ang paligid ko, parang nawala lahat ng tao aking paligid, para bang biglang may nagplay na isang sweet song, sobrang lakas nang kabog ng dibdib ko at pakiwari ko tayo na lang ang natirang tao sa buong mundo.
"Sorry."
Huling katagang binitawan mo at naglakad ka na papuntang pwesto ng course mo.
Hindi ako makapaniwala.
Ikaw pala ang nakabunggo ko.
Muli akong lumingon sa'yo baka kasi nagkakamali lang ako pero hindi... Ikaw talaga, ikaw talaga iyon.
Hindi ako makapaniwala.
Panaginip lang ba ito? Totoo ba ito?
Kung sana sa pagkabunggo mo sa akin... Sana nagkabungguan na rin pati puso nating dalawa.
Napansin mo na kaya ako sa pagkakataong ito?
BINABASA MO ANG
Sana Mapansin Mo
Fiksi RemajaGusto ko lang naman mapansin mo para malaman mong nandito lang ako sa malayo, laging nakatingin sa'yo, pinagmamasdan ka, at nangangarap na mapapansin mo. Nandito lang ako sa malayo, handang saluhin ka kung sakaling hindi ka magustuhan o mahalin ng t...