I.
Ang sakit ng ulo ko. May hangover pa ata ako sa inuman kagabi. Nakailang bote nga ba kami? Bote? Hindi, case. Naka apat na case ata kaming magkakabarkada. Naaalala ko pa parang unlimited yung daloy ng beer. Considering na lilima lang kami at ang hirap ubusin nung beer. Matapos kong inumin yung huling baso ko na hindi ko na maalala kung pang ilan, bumagsak nako sa sobrang antok.
Pero ang tanong, nasan na ang mga kasama ko?
Wala man akong maasyadong maalala alam ko pa ring sa bahay ko nangyari ang inuman.
Nag - aya ako kasi kakarating lang ng monthly allowance ko mula states. Siyempre ano pa nga ba naman ang mas magandang paggastusan lalo na’t bakasyon?
Nahihilo pa rin ako. Mamaya maya parang nagrerebolusyon ang bituka ko para maipalabas na ang nagpupumiglas na laman nito. Kahit na parang natutumba na sinikap kong tumakbo papuntang banyo para sumuka. Ayoko namang ibulwak ang lahat ng kinain ko sa sala. Wala pa naman akong kasamang maglilinis ng kalat ko.
Kagabi lang, andito sina Raven, Andrew, Nikoy, Ching, at Joy. Sina Raven ang bahala sa alcohol, sina Ching naman sa pulutan. Masaya, maingay, lasingan. Wantusawa ang inuman. Kagabi bago ako nawalan ng malay sa sobrang kalasingan naalala ko halos tulog na rin si Raven, Nikoy at Joy. Si Ching at Andrew magkatabing nag iinuman at nag uusap. Naaalala ko pa na natabig ko ang bote ng beer nang pabagsak nako sa sofa.
Ang hindi ko lang maintindihan eh kung bakit paggising ko ako na lang mag isa. Nawawala ang lahat ng kasama ko. Andito ang lahat ng kalat. Ang tira tirang piraso ng pulutan na nakakalat sa mesa, ang beer at boteng natabig ko sa sahig, ang mga baso, ang apat na case ng San Miguel na may dalawang grande pang hindi nagagalaw.
Lahat ng ebidensyang may nangyaring inuman, andito. Ang mga kainuman ko kagabi, wala na.
Mas masahol pa sa taeng bulok ang hininga ko. Magkahalong beer at amoy ng panis na laway at sisig. Pero di ko na antala kahit na baka himatayin ang una kong kasalubong sa baho ng hininga ko. Kahit na puno pa ng muta ang mga mata ko. Nagtataka lang talaga ako kung bakit ako na lang mag - isa ang gumising. Imposible namang nakauwi pa sila dahil pare pareho kaming lasing na lasing na.
Nalibot ko na ang bahay, ang tatlong kwarto, ang mga banyo, ang likod bahay, pero wala.
Biglang kumalam ang sikmura ko. Kahit pa kakasuka ko lang humihingi na naman ang tiyan ko ng panlaman sa bituka. Mamaya ko na lang aalamin kung ano ang nangyari sa mga kabarkada ko, chibog na muna aatupagin ko.
Pero nang akmang bubuksan ko na ang lata ng San Marino bigla na lang dumating ang kapitbahay naming si Aling Tekla. Nakasuot pa ng orange na duster at may dala dala pang walis tingting. Balingkinitan ang katawang binabalot ng kumukulobot nang balat. kadalasang nakikita ko lamang itong si Aling Tekla na nagwawalis ng bakuran niya. Pero sa pagkakataong ito alam kong hindi niya balak walisan ang bakuran ko.
“Dong, diba amigo man to nimong naa sa gawas?” Sambit ng matanda.
Walangya, bisaya pa. Ilang taon na din kaming magkapitbahay pero hindi niya pa rin matandaan na hindi ako nakakaintindi ng Bisaya.
“Aling Tekla naman, hindi ho ako nakakaintindi ng Bisaya, pakitagalog naman ho.”
“Do, diba amigo mo man yung nakablue? Katung puti, yung chinito ba.”
Mukhang si Andrew ata ang tinutukoy nitong si Aling Tekla. Buti naman at may nakakita pala sa mga kabarkada ko kagabi. Kamuntikan ko nang isipin na baka nag iilusyon lang ako. Mala Black Swan.
Pero ano naman kaya ang kinalaman ni Aling Tekla at Andrew?
“Ah, Si Andrew ho ba? Opo, bakit naman ho?”
“Lumabas ka dong, andun siya sa labas.”
Linabas ko nga, at andun si Andrew. Suot suot ang blue tshirt niya na kagabi niya pa suot. Pero duguan na. Nakahiga siya sa kalsada, nilalangaw, patay na.
BINABASA MO ANG
EPIDEMYA
Mystery / ThrillerSamahan si Rico sa paglutas ng misteryo ng biglaang pagkawala ng kanyang mga kaibigan, matapos nilang mag inuman.