Dagli dali akong naghukay sa drawer ko para humanap ng barya. Hindi ako natagalan. Ugali ko na talaga noon pa ang pagtatabi. Kaso napakakalat kong tao. Kung saan saan nakapiti, nakatago, kaya nakakalimutan ko. Hindi ko pa binibilang. Hindi ko talaga alam kung magkano ang perang natitira sakin.
Nagpaload nako kay Aling Tekla. Unli Call. Tinawagan ko ang bagong numero ni Joy.
Mga ilang sandali pa, nagriring na.
"Hello?" Malamig na boses. Mahina, maingat. Tinatantiya ang kausap.
"Joy?" sambit ko. Hindi alam kung ano ang unang sasabihin.
"Teka, May kasama ka ba? May ibang tao bang nakakarinig ng pag uusap natin?"
"Wala, mag - isa lang ako."
"Nasan ka ba?"
:"Nasa tindahan lang. Teka, ikaw nasan ka ba? "
"Pumunta ka sa lugar na walang nakakikita o nakaririnig sa'yo na may kausap sa telepono. Ibaba mo muna 'to, tawagan moko ulit."
Nakapagtataka. Napakamisteryoso ni Joy. Pero si Joy nga ba talaga ang kausap ko? Oo, boses niya yun, sigurado ako. Kinakabahan ako. Kung ano man 'to, hindi na 'to biro biro lang. Mukhang si Joy na lang ang missing link sa misteryo ng pagkakamatay ni Andrew. Sa pagkawala nina Ching.
Tumawag ako ulit nang makapasok ako sa kuwarto ko.
"Joy, ano ba talaga ang nangyayari? Nasan ka ba? Nag aalala nako sa'yo. Antagal mong hindi nagparamdam. Okay ka lang ba?" Tuloy tuloy kong bulalas.
"Anong nangyari kay Andrew?" Nanginginig niyang tanong. Na para bang hindi niya man lang narinig ang mga tanong ko.
Hindi ako nakaimik.
"Buhay pa ba siya?"
"Joy.."
"DIRETSUHIN MO NAKO RICO. BUHAY PA BA SIYA?" Bulalas niya.
Nagpanting ang tenga ko. Halo halong emosyon. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Pero..
"Wala na siya Joy. Namatay siya nung huling gabi na magkakasama tayo. Namatay siya sa saksak. Alam kong alam mo 'yan."
Static. Tunog ng pag iyak. Parang galing sa malayo. Binaba ko na. Hindi ko na rin naman siya makakausap ng matino.
Tinawagan ko siya ulit. Nakadalawang dial din ako bago niya sinagot. Hindi ko na inantay pa na magsalita siya.
"Joy. Alam kong may alam ka sa mga nangyari. Alam kong malungkot ka sa pagkawala ni Andrew. Pero ni isa man lang sa inyo hindi nagpakita sa libing niya. Hindi ko alam kung nasaan kayo. Ikaw na lang ang daan para malaman ko kung ano ang nangyari."
Naghintay ako. Umiiyak lang siya.
"Pupuntahan kita, nasan ka na ba kasi?"
Pagsinghot ng sipon. Malalim na paghinga na para bang tinitibayan ang sarili. Malamang inaayos na niya ang sarili niya ngayon.
"Saan ba siya inilibing?" Nanginginig pa rin ang boses, pero matigas na. Binigay ko naman ang adress.
"'Dun tayo magkita. Wag kang magpasabi sa kahit sino. Mamayang gabi, alas otso."
Dumating ako ng 7:30. Wala pa siya.
Maliwanag ang buwan. Ni wala kahit isang ulap. Kita ang mga bituin. Napakarami nila. Napakatahimik talaga sa sementeryo. Ang hangin at ang tibok lang ng sarili kong puso ang naririnig ko.
Pinuntahan ko ang puntod ng kaibigan kong si Andrew Sebastian Monteverde. Bago pa ang pintura. May mga sariwang bulaklak pa rin ang puntod. Siguro may dumaraan pa rin dito araw araw para palitan ang mga bulaklak.
Bakit kaya ngayon lang nagparamdam si Joy? Bakit kaya pinili niyang ptagalin ng ganito bago magparamdam? Halos mag iisang buwan na rin. bakit kaya hindi na lang agad siya nagsumbong sa pulis? At nasan na ba ang ibang kaibigan namin?
Naririnig ko nang may paparating. Nageecho ang bawat yapak sa sementong pathway. Tunog ng mga dahong inaapakan.
"Joy?" Tawag ko nang hindi lumilingon sa likod ko. Hindi tumigil ang mga yapak. Nakaramdam ako ng takot. May panganib. Parang may hindi tama. Bumilis ang mga yapak. Tumatakbo na ang kung ano o sino man ang papunta sakin. Nanindig ang balahibo ko sa bumbunan.
Naghanap ako nga mga posibleng maging armas. Kahit anong matigas, o matalim. Baka zombie na 'tong nasa likod ko. Walangya. Mamamatay na lang ako Zombie Apocalypse pa ang nasa utak ko...
Bato? Patpat? Kahit ano, wala akong makita. Kinapa ko ang bulsa ko. Nandun ang susi ng bahay ko. Pwede na siguro yun.
Nagpawis ang kamay ko. Lumakas lalo ang tibok ng puso ko. Nagpanting ang tenga ko.
..
..
..
..
..
Pinulupot niya ang mga braso niya sa katawan ko. Binaon ang ulo sa likuran ko. Mahigpit ang pagkakaakap niya sakin.Nanginig siya. Humihikbi.
Lalong nanindig ang balahibo ko sa buong katawan.
BINABASA MO ANG
EPIDEMYA
Mystery / ThrillerSamahan si Rico sa paglutas ng misteryo ng biglaang pagkawala ng kanyang mga kaibigan, matapos nilang mag inuman.