Parang taon ang tinatahak ng bawat araw na nagdaraan. Bawat araw na sinusubukan kong makontak ang mga kaibigan kong bigla na lang nagmistulang mga bula na nawala matapos ng inuman. Mga taong dati rati’y isang tawag o text lang darating na. Ngayon ni anino nila hindi ko mahagilap.
Mag - isa lang akong nakatira sa bahay. Nag iisang anak ng dalawang OFW na nagtatrabaho sa UK. Si Tatay bilang consultant ng isang business firm, at si nanay bilang guro ng Musika. Parehong masipag, parehong mahal ang mga trabaho nila na tila mas mahal pa nila sa anak nila, ngunit ang pagmamahal na ito sa anak pa nila ang nagiging dahilan kung bakit tila mas minamahal pa nila ang mga trabaho nila.
Buwan buwan silang nagpapadala ng pera. Yung bayad sa tubig at kuryente pinapadala nila sa Tito kong nagtatrabaho sa Power Company. Yung allowance ko, diretso sa bank account ko. Lumaki akong maluho, at dahil salat sa pangaral at direksyon, nagawa kong magbisyo dahil sa intensyong magpapansin.
Lumaki akong katulong ang laging kasama. Kumpleto sa laruan, pero walang magulang na nag aaruga.
Hayskul ako nang natuto nakong mamuhay ng mag - isa, bagama’t umaasa pa rin sa sustento ng mga magulang ko. Hindi alam nina Ma at Pa na sa edad na dise siete ay marunong nakong uminom at humithit ng yosi.
Pero siyempre isang araw nalaman din nila. Nalaman pa nila dahil nung minsang umuwi sila ng hindi nagpapasabi ay naabutan nila ang bahay na marumi. Pasko kasi non, nagkainuman.
Makalat ang bahay, may mga nakatulog pakong mga kainuman sa sala. Kamuntikan na yata akong itakwil ng mga magulang ko dahil dun.
Actually tinakwil nga pala nila ako sa loob ng mahigit isang buwan. Frineeze ang savings account sa bangko, tinigil ang sustento. Pero nakatira pa rin ako sa bahay dahil nagpapadala pa rin sila ng pera sa Tito ko. Pero bukod dun, wala na. Walang pera, walang pagkain, walang tuition.
Sa mga panahong yun ko nakilala sina Raven, Ching, Joy, Nikoy, at ang ngayong patay na na si Andrew. Magkakabarkada na silang lahat bago pa nila ako nakilala. Napasama lang ako nang dahil sa magkakilala na kami ni Joy mula pa nung nasa elementarya kami.
Magbespren talaga kami hanggang grade 6, eh kaso naghiwala nung hayskul, at nagkita nung nasa kolehiyo na kami. Nagkasalubong kami minsan, nagkamustahan. At dun niya nalaman ang estado ng pamumuhay ko ng mga panahong ‘yun. PInakilala niya ako kay Raven, na anak ng may - ari ng isang malaking shipping company , at di nagtagal eh napasama na rin ako sa kanila.
Tinanggap naman ako nina Ching, Andrew at Nikoy ng parang kapatid. Sila ang naging pamilya ko nung mga panahong tinalikuran ako ng tunay kong pamilya.
Nang mga panahong yun nagbago ang buhay ko. Natuto akong pahalagahan ang mga bagay na dati ay hindi ko pinapansin. Humingi ako ng tawad sa mga magulang ko, nagkaayos kami, nagkalabasan ng mga hinanaing. Naintindihan nila ako, naintindihan ko sila. Nanatili akong manginginom, pero kapag may mga okasyon lang, at hindi na kalakasan. Isa, dalawa, tatlong baso lang stop na. Matagal ‘din akong hindi nakatikim ng kalasingan at sakit ng ulo sa umaga, hanggang sa nangyari yung gabing ‘yun.
Kailangan ko na talaga silang makausap.
BINABASA MO ANG
EPIDEMYA
Mystery / ThrillerSamahan si Rico sa paglutas ng misteryo ng biglaang pagkawala ng kanyang mga kaibigan, matapos nilang mag inuman.