Pagtakas. Isang salitang ilang beses ko nang binalak i-type sa ilalim ng kung ano mang black and white na litratong natripan kong i-post sa Instagram. Mas random na picture, mas gusto ko. Mas 'di nila kayang malaman kung anong totoong nararamdaman ko. Syempre, one-word caption para dramatic. May arte. May misteryo. Walong letra pagkatapos ay tuldok. Tapos.
Para mo na rin daw natakasan ang realidad kapag nagbabad ka sa social media. Kapag nag-Instagram o nag-Twitter ka. Kapag mas pinili mong tingnan ang buhay ng ibang taong kahit kelan ay di naman magiging ikaw. Makakatakas ka raw. Kalokohan. E kahit saang sulok ng internet, nakakulong ako sa panghuhusga ng lipunan. So nasaan ang pagtakas dun?
Mas maganda yatang takasan na lang lahat. Hindi yung sa Instagram ka lang tatambay para makatakas. Yung tipong iiwan mo na lang lahat. Magpakalayo-layo. Mawala nang walang paalam.
Kaso sabi nila, hindi magandang takasan ang problema. Wala ka raw balls pag ganun. Kaduwagan daw yun. Pero sino bang magdidikta sa kung sino ang duwag at sino ang matapang kung yung mismong lipunan ang gusto kong takasan? Sila pa rin ba? Silang magagaling at matatalino at praktisadong-praktisado ang demokrasya nilang tanggalan ng dignidad ang ibang tao? Sila ang magsasabing duwag ako?
Wow. Tang ina, hirap lumugar.
Sinubukan kong humiga sa kama na patay ang ilaw sa buong kwarto habang dala-dala sa isipan lahat ng 'to. Sanay akong matulog na may kaunting liwanag, pero sa pagkakataong yun, ginusto ko ang dilim. Baka sakaling mapagaan ang bigat. Baka sakaling mapakalma ang nagrerebolusyon kong utak.
Kaso, sa madilim kong kwarto, pansin agad ang sunod-sunod na pag-ilaw sa screen ng phone ko. Gusto ko sanang di pansinin, pero ilang oras nang di sumasagot sa text at tawag ko si Kathryn at medyo (medyo???) nag-aalala na 'ko, kaya't dali-dali kong chineck kung sinong nag-text. Hindi siya. Panay text lang ng mga kamag-anak at kaibigan, nangangamusta, nagtatanong kung nakita ko na raw ba yung mga meme sa Facebook at mga opinyon sa Twitter at mga mali-maling balitang walang pakialam kung may tao na silang sinisira. Sinagot ko isa-isa.
"Tol, di ko pa nakita" kahit nakita ko na.
"Ayos lang ako" kahit parang ayoko na.
Hindi ko na sinabing nakahiga ako sa gitna ng kama sa kwarto kong walang kailaw-ilaw, nag-aabang ng tawag, at parang weirdong pilit na naghahanap sa dilim ng katahimikan at kalayaan. Na sa totoo lang ay si Kathryn din naman ang makapagbibigay. Bukod-tangi. Siya lang.
Pasado alas-onse na nang gabi nang biglang nag-ring ang cellphone ko. Si Kathryn. Isang exhale muna para sa lahat ng naipon kong pag-aalala bago ko sinagot ang tawag niya.
"Bal," panimula ko, may wala sa lugar na excitement ang boses, may pangangailangan, may pag-asang baka pwedeng maging okay na ang lahat.
Pero di siya nakasagot agad. At medyo nakakalokong isipin na maging yung simpleng kawalan niya ng sinasabi, alam ko na ang ibig sabihin. Bumalik tuloy ang pag-aalala ko.
"Bal," sagot niya pagkatapos ng ilang segundo. Mahina lang ang boses niya, pagod at may halong pagmamakaawa. Automatic na nabuhay ang protective side ko. Naglaho ang self-pity. Kathryn muna bago ang sarili.
Mabilis akong napatayo sa pagkakahiga, sabay bukas ng ilaw. Agad kuha ng susi ng kotse, wallet, at pantalon. Pakiramdam ko nun, superhero ako. May babaeng na-trap sa nasusunog na building at kailangan kong bilisan ang palit-costume para ligtas siyang mailabas. Lakas maka-gwapo. Kahit sa totoong buhay, na-trap din yung superhero.
"Diyan ka lang. Papunta na 'ko." Yun na lang ang naisagot ko sa babaeng gusto ko nang yakapin. Nagpantalon ako't muntik pang bumangga ang paa sa kama sa sobrang pagmamadali, saka dumiretso sa garahe. Pagkaupo ko sa pang-Batman kong kotse, napaisip ako. Natigilan. Wala pala 'kong bitbit na plano. Pero nang mapatingin ako sa salamin, may kasiguraduhan sa mata ko. Determinado.
BINABASA MO ANG
The Littlest Things
FanfictionA collection of stories about the beauty and the bassist.