Mga gabing tahimik at payapa. Walang laban na dapat harapin kinabukasan, walang bampirang nag-aabang sa dilim. May sapat na liwanag galing sa nakasilip na buwan at naaaninag ko ang maliit na ngiti sa mga labi ni Tristan. Mga gabing parang pwedeng makalimot kahit sandali lang. Yun ang mga gabing paborito ko.
Tulad ng gabing ito.
Nakalapat ang likod ni Tristan sa kumot na hiniram niya kay Tita Betty para gawing higaan sa damuhan, at nakalapat naman ang pisngi ko sa dibdib niya -- sa tapat ng puso. Nakakawala kasi ng pagod tuwing malinaw kong naririnig ang tug-tug tug-tug tug-tug ng puso niya. Parang lullaby. Parang tunog ng yabag ng mga batang naglalakad sa maisan. Parang tahanan. Kaya naman tuwing nagpupunta kami sa lugar na 'to para mahiga at magkwentuhan, agad-agad akong dumidiretso sa dibdib niya. At agad-agad niya naman akong niyayakap.
Tiningala ko ang mukha niya, at tulad ng dati, nakapikit siya't bahagyang nakangiti. Hindi tuloy napigilan ng kamay kong haplusin ang buong mukha niya. May mga parteng malambot at inosente. May mga parteng pinatigas na ng pag-aalala. Hindi ko rin napigilan ang mga daliri kong bumaba sa leeg hanggang sa balat na malapit sa kwelyo ng light blue na polo shirt niya. At dahil parang hindi pa rin yun sapat, hindi na nagpapigil ang kamay kong pumatong sa ibabaw ng dibdib niya. Sa loob ng damit syempre, balat sa balat, yung mas malapit sa puso. Tug-tug tug-tug tug-tug. Mas ramdam ko si Tristan. Buhay. Kumakabog ang dibdib. Akin.
"Malia..."
Ibinalik ko ang tingin sa mga mata niya. Nakapikit pa rin siya.
"Hmm?"
"Baba mo pa kamay mo konti, bibilis tibok ng puso na yan," biro niya. Humagikgik tuloy ako. Loko.
Pero dahil ako si Malia, anak ni Matteo at Lia, apo ni Noah at Lyka, at hindi umaatras sa Supremo, nagtanong ako.
"Hanggang san mo ba gusto?"
Dumilat ang mga mata ni Tristan at nakita akong nakangiti sa kanya nang nakakaloko. Natigilan siya saglit bago magbuntong-hininga. Napaisip pa yata. Gusto pa talaga yatang ipababa.
"Next time na lang. Baka magbagong anyo dito yung itinakda ko, e nasa damuhan lang tayo," sagot niya bago tumawa nang malakas. Okay. Hindi ko aaminin na medyo, MEDYO, umasa na 'ko. Bumangon ako para sapakin ang balikat niya pero hinila niya lang ako pabalik at niyakap pagkatapos at hinalikan ako sa noo.
Totoo. Paborito ko yung mga gabing tulad nito.
Pumikit nang muli si Tristan. Pumikit na rin ako at ngumiti. Baka nakangiti rin ang buwan na tahimik na nanonood sa amin. Huminga ako nang malalim at muli ko nang nilapat ang tenga ko sa dibdib niya. Dahil ngayong kay Malia na si Tristan at kay Tristan na si Malia, wala akong sasayangin na pagkakataon. Gabi-gabi kong pakikinggan ang puso niya.
Habang tumitibok pa.
BINABASA MO ANG
The Littlest Things
FanfictionA collection of stories about the beauty and the bassist.